Lunes, Agosto 31, 2015

Babae: Simbolo ng Katapangan - Suring-pelikula


         Tatlong babae sa isang kwento ang inilalarawan ng kwentong Babae sa direksyon ni Lupita Kashiwara. Si Bea na ginampanan ni Nora Aunor ay isang karakter sa kwento na hindi masaya sa kanyang buhay may-asawa. Bagaman isa siyang arkitek ngunit naging sagwil naman ito sa kanyang pakikpagrelasyon sa kanyang kabiyak na si Ricky dahil nadarama nito ang pangmamaliit sa sarili at ang trabahong ito ang nag-aagaw sa oras ng babae sa kanyang obligasyon sa asawa. Nagkaroon ng isang anak na babae si Bea sa karakter ni Judy Ann Santos (Alex) mula sa isang bakla nitong nobyo na nagkaroon din naman ng karelasyon sa kanyang kapwa lalake. Makikitang isang matapang na babae si Bea dahil sa kabila ng pambabae ng kanyang asawa gayundin ang pananakit nito sa kanya ay tiniis pa rin niya sa ngalan ng kanilang pagsasama.
          Nasadlak naman sa isang pang-aabusong relasyon si Alex sa kanyang nobyo na pinagganapan ni Jao Mapa sa karakter na Victor. Makailang beses na rin na nasaktan ng huli ang babae pero sa tuwing itong lalake ay nanlalambing ay pinapatawad pa rin niya. Nagnanais ng panahon at ganap na pagmamahal ang anak sa ina pero napupunuan naman nito ng kanyang totoong ama dahil sa pagiging abala ng kanyang ina sa pagtatrabaho. Makikita rito sa karakter ni Alex kung paanong napagtitiisan niya ang pananakit ng nobyo tanda ng kanyang totoong pagmamahal sa lalake. Sa bandang huli ay napatunayan niya sa kanyang sarili na ang kanyang pagkababae lamang ang habol ng lalake na kamuntik na ring napalungi. Napatunayan niyang hindi lahat ng lalake na nagpapakita ng kabutihan hangad ay totoong pagmamahal.
          Isa pang babae na inilalarawan sa kwento ay ang karakter ni Nida Blanca (Adora) na iniwanan ng kanyang asawa na si Arman (Luis Gonzales) dahil sa isang karamdaman. Hindi naging masalimuot ang karakter ni Nida sa piling ng kanyang kabiyak sa buhay sapagkat mahal na mahal ito ng huli. Makikita sa kwento kung paano nakapagdulot ng kalumbayan sa babae ang pagkawala ng minamahal na dumating sa punto ng pakikiusap na turuan siya ng makapagpatuloy sa pagharap sa buhay na nag-iisa kahit hindi magawa ang paglimot. Ipinakita rin sa kanyang karakter na maaaring makapagdudulot ng matinding pagdadalamahati sa isang babae ang pagkawala ng minamahal dahil wala na itong mapagbabahaginan ng lungkot, ng saya, at ng katawang-pangangailangan. Sa bandang huli, upang mapunuan ang pangangailangan ng ito ay muling nakahanap ng isa pang lalaking magpapaligaya sa kanya bilang babae si Adora.
          Masasabing mahusay ang pagkabuo ng kwento at pagkatagpi-tagpi ng mga kwento ng tatlong babae sa magkaibang henerasyon. Ipinakita rito ang kanilang pagiging matapang. Si Bea na naniniwala na kailan man ay hindi maituturing na isang totoong pagmamahal kapag kaikibat na ipinapakita nito ay pananakit ng kaperaha. Siya ay sumisimbolo ng babae sa kasalukuyan na punong-puno ng mga pangarap at determinisyon. Na sa kabila ng pagkababae nito ay nagagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang isang arketekto na ang karaniwang nakasasalumha ay mga manggagawang lalake. Si Alex naman na natuto sa kanyang mismong karanasan na sa buong akala niya ay totoong pagmamahal ang inuukol sa kanya ng lalake pero ang habol nito ay ang kanyang pagkababae. Ipinapakita sa kwento na kailangan sa isang dalaga ay kinikilatis ang iibigin nang sa ganoon ay walang pagsisihan sa bandang huli. Maaaring ang pananakit habang sila pa ay magkasintahan palang ay madadala hanggang sa sila ay mag-iisang-dibdib na.
          Maaaring mahirap lamang mawari sa kwento kung paano nagkaroon ng insekyuridad si Ricky (Mark Gil) gayundin si Victor (Jao Mapa). Hindi naipakita kung paano dumating sa punto at ang kanilang karakter ay nanakit ng iba babaeng nakakapiling. Maaaring nagkaroon din sila ng hindi magandang karansan mula sa kanilang pagkabata at nakukuha nilang manakit ng iba.
Hindi matatawaran ang husay at galing ang ipinakita ni Nora Aunor sa kanyang pagganap sa kwento. Damang-dama mo ang kanyang pagiging matapang na babae sa kabila ng kanyang pagiging malambot ng puso. Naroong siya ay humahaguhol sa pag-iyak, sumisigaw at nagpakita ng pagiging manggagawa, kaibigan, ina, asawa at simbolo ng isang babae sa ating lipunan na hindi na sunud-sunuran sa asawa. Maidagdag pa, inilalarawan lang din sa kwento na ang isang relasyon na may kasamang pagiging makasarili at pananakit nito sa kasama ay kailanman hindi nagiging matagumpay at masaya.

Linggo, Agosto 2, 2015

Dilim: Dulot ng Pusong hindi Nagpapatawad


Nakabatay sa kwento ng totoong pangyayari ang  pelikulang Kamoteng Kahoy.  Mula ito sa isang lugar ng Mabini Bohol na may ilang taon na rin ang nakalipas nang isang masaklap na trahedyang hindi inaasahan ang naganap. Nakabatay ito sa kwento ng mga batang sina Ariel (Nash Aguas),  Rosemarie (Sharlen San Pedro) at Atong (Robert Villar).  Kapwa nakaranas ng kahirapan ang mga bata at may kanya-kanyang kakaibang kwento ng kani-kanilang pamilya na pinagdadaanan.   Si Ariel ay nasa pangangalaga ng kanyang ina na iniwan ng kanilang ama at may kinakasama ng iba.  Bagaman, labag man ito sa kalooban ng bata pero wala siyang nagawa kundi hayaan na lamang ang mga pangyayari sa halip ay bigat sa loob na lamang ang kanyang pinagdaraaan.  Si Rosemarie naman, ang matalik na kaibigan ni Ariel ay puno ng pagmamahal ng kanyang ina na ang tanging ikinabubuhay ay ang pag-aalaga ng mga baboy.  Bagaman, kumpleto ang mga magulang ni Rosemarie ay mayroon naman itong hindi pagkakaunawaan sa isa’t isa.  Samantalang si Atong naman ay isang bata na sa kabila na kanyang pagiging matapang na katauhan ay nakararanas pala siya ng pangmamalupit ng kanyang tiyahan.
            Nagsimula ang trahedya ng isang lola na nagngangalang Idang (Gloria Romero) ang nagbenta ng isang kakanin na gawa sa Kamoteng Kahoy.  Ang karakter ni Lola Idang ay mapagmahal sa mga bata at relihiyosa.  Minsan ay ipinagkakaloob na lamang niya ng libre ang kanyang ibinibenta sa mga batang kakilala niya na walang pera.  Madalas din ang kanyang paggawi sa simbahan para magkaloob ng panalangin sa Panginoon.  Sa isang hindi inaasahang pangyayari ay nalason ang mga bata dahil sa panindang kamoteng kahoy ng matanda na umabot sa mahigit isang daan ang nabiktima at nakapagdulot ng mahigit sa dalawampo ang nabawian ng buhay na mga bata.  Aksidenteng nahaluan ng pestidiyo ang ginawang kakanin na sa halip na harina ang mailagay.  Bunga ng isang insidente na hindi naman sinadya ay kinamuhian si Aling Idang ng mga magulang na naghihinagpis dahil sa tindi ng galit dahil sa pagkamatay ng mga anak nito.  Kabilang sa mga naghihinagpis ay ang karakter ni Ariel na namatayan ng matalik na kaibigan na hindi pa rin matanggap ang pagkawala ng huli.  Hanggang sa makakuha ng kaibigan sa katauhan ni Atong na nagturo sa kanya kung paano maging matapang at harapin ang buhay. 
             Mahirap mawari sa kung kaninong karakter nakatuon ang kwento sapagkat may mga detalye na nakatuon sa batang si Rosemarie, sa batang si Atong na nakararanas ng pangmamalupit ng tiyahin, kay Ariel na mula sa simula hanggang katupusan ay naririyan gayundin si Aling Idang.  Sa katotohanang Kamoteng Kahoy ang pamagat at nakaikot ang kabuuan ng kwento sa nasabing kakanin ay dapat sana kay Aling Idang umikot ang kabuuan ng kwento.  Saydang ipinakita ng direktor ang damdamin at emosyon ng mga nakakaranas ng pamimighati sa trahedya parang naging sentro ng tema ng pelikula sa halip na magkaroon lamang ng isang karakter na pag-iikukatan ng kwento.  Maidagdag pa, sa kabila ng kapayakan ng nasabing tagpuan ng kwento ay maganda naman ito.  Ang oksimoron nitong sa kabila ng galit ang pangkalahatang eksenang makikita pero pinagagaan naman ito sa mga tagpong kulay berde dulot ng tagpo nito ay isang probinsya na kung hindi man bundok, kahoy, damo ay tubig ang makikita.  Mahusay ang pagkagganap ni Gloria Romero bilang matanda o ina na puno ng galit dahil iniwanan siya ng kanyang mga anak.  Nandoroong naghihinakit rin siya dahil iiwanan din siya ng isa pa niyang anak.  Pagkahabag ang mararamdaman ng isang manonood sa ginawang pang-aapi sa kanya ng lipunan at ng mga ina matapos na makagawa siya ng isang pagkakamali na hindi naman niya sinasadya.  Pambabato, pagmumura, pagdala sa kulungan, pagbubulyaw at pagsampal ang kanyang tinamo.  Naubusan ng awa sa kabila ng kanyang edad ang mga naiwanang mga magulang dahil sa kanyang kagagawan.   Wala pa ring kakupasan ang husay ni Gloria Romero.  Kabilang din sa hinahangaan kong pagganap ay si Irma Adlawan sa kanyang papel na mapang-api na may tupak  sa kanyang pamangkin.  Sa kanyang mga pananalita, emosyon at mga nuances na ibinibigay makikita mo na napag-aralan niya nang maayos ang kanyang papel. Maging ang musika ang nagpatingkad sa kwento at may tatak Boholanong kutura dahil sa rondalya ang ginamit bilang background music na mula sa nasabing lugar. 
                Ang pinakapuno’t dulo ng lahat ng mga pangyayari ay dahil sa paghihinakit ni Aling Idang sa kanyang mga anak na nang-iwan sa kanya.  Dahil sa galit na iyon ay nawalan siya ng pokus sa kanyang ginagawa.  Sa halip na harina ay pestidiyo ang kanyang naihalo sa pagkaing kanyang nilulutong kakanin na nagresulta ng kapahamakan at pagbuwis ng buhay ng maraming kabataan.  Inilalahad lamang ng kwento na walang tao ang sinumang nagaganap na magiging masaya at magiging malaya kapag pinamamahayan ng sama ng looob at galit ang kanyang puso.  Bagaman ang paghilom ng sugat sa puso ay hindi nakukuha sa isang iglap lamang (time heals all wounds) pero kailangang kusa itong gagamutin ng sinumang nasusugatan at magkaroon ng pagpapatawad sa mga nakagawa ng pagkakamali ng iba nang sa ganoon ay mas mapapadali ang paghilom ng sugat na iniwan at patuloy na makipamuhay na walang iniindang bigat sa dibdib.