Linggo, Agosto 2, 2015

Dilim: Dulot ng Pusong hindi Nagpapatawad


Nakabatay sa kwento ng totoong pangyayari ang  pelikulang Kamoteng Kahoy.  Mula ito sa isang lugar ng Mabini Bohol na may ilang taon na rin ang nakalipas nang isang masaklap na trahedyang hindi inaasahan ang naganap. Nakabatay ito sa kwento ng mga batang sina Ariel (Nash Aguas),  Rosemarie (Sharlen San Pedro) at Atong (Robert Villar).  Kapwa nakaranas ng kahirapan ang mga bata at may kanya-kanyang kakaibang kwento ng kani-kanilang pamilya na pinagdadaanan.   Si Ariel ay nasa pangangalaga ng kanyang ina na iniwan ng kanilang ama at may kinakasama ng iba.  Bagaman, labag man ito sa kalooban ng bata pero wala siyang nagawa kundi hayaan na lamang ang mga pangyayari sa halip ay bigat sa loob na lamang ang kanyang pinagdaraaan.  Si Rosemarie naman, ang matalik na kaibigan ni Ariel ay puno ng pagmamahal ng kanyang ina na ang tanging ikinabubuhay ay ang pag-aalaga ng mga baboy.  Bagaman, kumpleto ang mga magulang ni Rosemarie ay mayroon naman itong hindi pagkakaunawaan sa isa’t isa.  Samantalang si Atong naman ay isang bata na sa kabila na kanyang pagiging matapang na katauhan ay nakararanas pala siya ng pangmamalupit ng kanyang tiyahan.
            Nagsimula ang trahedya ng isang lola na nagngangalang Idang (Gloria Romero) ang nagbenta ng isang kakanin na gawa sa Kamoteng Kahoy.  Ang karakter ni Lola Idang ay mapagmahal sa mga bata at relihiyosa.  Minsan ay ipinagkakaloob na lamang niya ng libre ang kanyang ibinibenta sa mga batang kakilala niya na walang pera.  Madalas din ang kanyang paggawi sa simbahan para magkaloob ng panalangin sa Panginoon.  Sa isang hindi inaasahang pangyayari ay nalason ang mga bata dahil sa panindang kamoteng kahoy ng matanda na umabot sa mahigit isang daan ang nabiktima at nakapagdulot ng mahigit sa dalawampo ang nabawian ng buhay na mga bata.  Aksidenteng nahaluan ng pestidiyo ang ginawang kakanin na sa halip na harina ang mailagay.  Bunga ng isang insidente na hindi naman sinadya ay kinamuhian si Aling Idang ng mga magulang na naghihinagpis dahil sa tindi ng galit dahil sa pagkamatay ng mga anak nito.  Kabilang sa mga naghihinagpis ay ang karakter ni Ariel na namatayan ng matalik na kaibigan na hindi pa rin matanggap ang pagkawala ng huli.  Hanggang sa makakuha ng kaibigan sa katauhan ni Atong na nagturo sa kanya kung paano maging matapang at harapin ang buhay. 
             Mahirap mawari sa kung kaninong karakter nakatuon ang kwento sapagkat may mga detalye na nakatuon sa batang si Rosemarie, sa batang si Atong na nakararanas ng pangmamalupit ng tiyahin, kay Ariel na mula sa simula hanggang katupusan ay naririyan gayundin si Aling Idang.  Sa katotohanang Kamoteng Kahoy ang pamagat at nakaikot ang kabuuan ng kwento sa nasabing kakanin ay dapat sana kay Aling Idang umikot ang kabuuan ng kwento.  Saydang ipinakita ng direktor ang damdamin at emosyon ng mga nakakaranas ng pamimighati sa trahedya parang naging sentro ng tema ng pelikula sa halip na magkaroon lamang ng isang karakter na pag-iikukatan ng kwento.  Maidagdag pa, sa kabila ng kapayakan ng nasabing tagpuan ng kwento ay maganda naman ito.  Ang oksimoron nitong sa kabila ng galit ang pangkalahatang eksenang makikita pero pinagagaan naman ito sa mga tagpong kulay berde dulot ng tagpo nito ay isang probinsya na kung hindi man bundok, kahoy, damo ay tubig ang makikita.  Mahusay ang pagkagganap ni Gloria Romero bilang matanda o ina na puno ng galit dahil iniwanan siya ng kanyang mga anak.  Nandoroong naghihinakit rin siya dahil iiwanan din siya ng isa pa niyang anak.  Pagkahabag ang mararamdaman ng isang manonood sa ginawang pang-aapi sa kanya ng lipunan at ng mga ina matapos na makagawa siya ng isang pagkakamali na hindi naman niya sinasadya.  Pambabato, pagmumura, pagdala sa kulungan, pagbubulyaw at pagsampal ang kanyang tinamo.  Naubusan ng awa sa kabila ng kanyang edad ang mga naiwanang mga magulang dahil sa kanyang kagagawan.   Wala pa ring kakupasan ang husay ni Gloria Romero.  Kabilang din sa hinahangaan kong pagganap ay si Irma Adlawan sa kanyang papel na mapang-api na may tupak  sa kanyang pamangkin.  Sa kanyang mga pananalita, emosyon at mga nuances na ibinibigay makikita mo na napag-aralan niya nang maayos ang kanyang papel. Maging ang musika ang nagpatingkad sa kwento at may tatak Boholanong kutura dahil sa rondalya ang ginamit bilang background music na mula sa nasabing lugar. 
                Ang pinakapuno’t dulo ng lahat ng mga pangyayari ay dahil sa paghihinakit ni Aling Idang sa kanyang mga anak na nang-iwan sa kanya.  Dahil sa galit na iyon ay nawalan siya ng pokus sa kanyang ginagawa.  Sa halip na harina ay pestidiyo ang kanyang naihalo sa pagkaing kanyang nilulutong kakanin na nagresulta ng kapahamakan at pagbuwis ng buhay ng maraming kabataan.  Inilalahad lamang ng kwento na walang tao ang sinumang nagaganap na magiging masaya at magiging malaya kapag pinamamahayan ng sama ng looob at galit ang kanyang puso.  Bagaman ang paghilom ng sugat sa puso ay hindi nakukuha sa isang iglap lamang (time heals all wounds) pero kailangang kusa itong gagamutin ng sinumang nasusugatan at magkaroon ng pagpapatawad sa mga nakagawa ng pagkakamali ng iba nang sa ganoon ay mas mapapadali ang paghilom ng sugat na iniwan at patuloy na makipamuhay na walang iniindang bigat sa dibdib.    


               





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento