Biyernes, Hulyo 31, 2015

Bona: Debosyon at Obsesyon - Isang Pagsusuri



Ang pelikulang Bona ay pumapaksa sa pagkahumaling (obsession) ng isang tagahanga sa isang artista.  Makikita sa pelikula kung paano pinagpalit ng isang tagahanga sa katauhan ni Bona (Nora Aunor) ang kanyang pamilya makasama lamang ang hinahangaan.  Mas pinili ng tagahanga na ipagpalit ang masagana at masaya niyang buhay sa pagsubaysay at pagpapaalila sa kanyang sinasamba at ginagawang Diyos na hinahangaang artista, sa katauhan ni Gardo (Philip Salvador).  Si Gardo,  sa kabila ng kanyang pagiging isang bit-player ay nakipamuhay lamang sa iskwater sa Tondo na yari lamang sa kahoy ang pagkagawa ng bahay.  Dito sa naghihikahos na bahay, nakitira si Bona na naglilingkod sa kanya ng sobra-sobra bilang kapalit sa kabutihang ipinakikita ng artista sa huli.  Pag-iigib, pagluluto, paglilinis ng bahay, pagpapaligo, pagpapakain at kung ano-ano pa ang kanyang ginagawa maipakita lamang kay Gardo ang kanyang pagmamahal bilang isang tagahanga.  Alam ni Bona sa kanyang sarili na may nararamdaman siya kay Gardo kaya lang hindi na niya ito sinasabi sa lalaki dahil tanggap naman niya sa kanyang sarili na sapat na ang pagpapatira sa kanya ng lalaki sa kanyang bahay.  Magiliw ang katauhan ni Bona dahil minamahal din siya ng mga taong nakikilala niyang kapitbahay ng kanyang tinitirhan.  Minsan naglilingkod siya sa pamamagitan ng mga pagtuturo sa mga anak ng kanyang kapitbahay kaya kapalit ng kabutihang-loob ay nakatatanggap siya ng mga kabutihan mula sa kanila katulad ng pagkain.
                Ito ay paglayo sa mga karamihang mainstream o komersiyalisadong pelikula na minsan ang nagiging pangunahing layunin ay ang kita ng produksyon.   Maituturing itong isang obra na bumabalangkas sa totoong mga kaganapan sa ating lipunan.  Una ay ang pagiging obses ng isang tagahanga sa kanyang hinahangaang artista.  Dito makikita kung paanong aligaga si Bona sa kasusunod sa mga syuting ni Gardo, pagdala ng mga pagkain,  pakikipagsapalaran sa kabila ng pagiging matao sa set, pagsisilbi katulad ng pagpupunas ng pawis ng artista, pagpapayong sa kanya sa pagsasama kapag umuulan,  at paglalaan ng oras sa halip na makapiling ang sariling pamilya.  Minsan pa ay nalagay rin sa alanganin ang buhay ni Bona ng mapaaway si Gardo dahil sa isang lalaking galit na galit sa kanya dahil di umano’y naloko ng artista ang kapatid nito.  Sa isang tagahanga ay kaya nito na kalimutan ang sarili at talikuran ang kanyang pamilya para lamang makasama ang kanyang artistang hinahangaan.  Pangalawa ay ang pananamantala,  alam ni Gardo na patay-patay sa kanya si Bona kaya sinunggaban niya ito- ang kahinaan.  Ginawa niya itong alipin at sunud-sunuran sa kanya.  Minsan pa ay ginawa niya ang babae bilang parausan.  Inilalarawan din sa pelikula na may kapangyarihan si Gardo dahil sa kanyang pagkakaroon niya ng katanyagan at kakikisigan.  Ginamit niya ito para makakuha ng iba’t ibang mga babae na pwede niya maisama sa bahay at maikama.  Isang babae na rin ang napalungian niya ng puri na nagkaroon sila ng bunga at ultimong bayad sa ipampalaglag ay iniasa pa kay Bona.   
                Hindi matatawaran ang kahusayan ng pagkabuo ng pelikula mula sa kanyang banghay na ipinakita sa simula ang maituturing kultural na debosyon o cultural piety sa Itim na Poong-Nazareno.  Ang pagdumog sa maraming tao sa pagnanais na makahawak o maidampi ang mga panyo sa pagnanais na gumaling sa anumang karamdaman ang nanampalataya o biyayaan pa ng Panginoon sa buhay.  Ang dalawang mukha ng debosyon at obsesyon ang nais paigtingin sa panimula ng pelikula bunga pa rin ito ng ipinaniwala ng kolonyalismong mga Kastila sa ating mga Pilipino na sa halip na bumuo ng hakbang na buwagin ang kanilang muog ay ipagpaniwala sa kung ano-anong pamahiin at paniniwala.  Ang paraan ng pagdidisiplina ng isang ama sa pamamagitan ng pamamalo sa anak na naka-ugat pa rin sa mga kastila.  Pagkakaroon ng strong family ties sa isang pamilya na ang nakatatandang kapatid na lalaki ang nagmistulang pangalawang ama at dumidisiplina sa kapatid na gumagawa ng kasalanan.  Ang pagkakaroon ng isang lalaking tagahanga sa katauhan ni Nilo (Nanding Josef) o nagmamahal kay Bona pero hindi kayang suklian ng huli ang ipinapakitang paghanga ng lalake.  Inilarawan ang bahagi iyon ng Tondo na isang eskwater at ipinakikita ang karumihan nito katulad ng pag-iinuman sa daan, paghihiyawan at pagkakantahan habang nasa harapan sila ng mga nagba-black rosary.  Ang mismong pagmumura ng isang babae na kabilang sa nagdarasal dahil sa galit sa mga nag-iinuman sa harapan ng kapilya.  Ang pakikibuno sa kalye dahil sa kalasingan.  Ang pakikipag-away ng isang babae dahil lamang sa isang lalake.  Naipakita rin sa bandang huli ng pelikula kung paano ipinakita ni Bona ang kanyang galit kay Gardo nang banggitin ito sa kanya na bumalik na siya sa kanyang pamilya dahil mangingibang bansa na siya kasama ang kanyang inamorata.  Dito ay pinagdimlan na ng paningin si Bona at sinabuyan niya ng kumukulong tubig na ipampaligo sana ni Gardo. Ipinakita ni Direk Lino Brocka na ninais na ni Bona na wakasan na niya ang kanyang pagsamba sa lalake dahil kabila ng kanyang kabutihang ipinakita ay iiwanan rin pala siya sa wala.  Itinuturo sa ating sa tagpong ito na,  minsan ang sobrang pagkahumaling natin sa isang bagay o isang tao ang siyang magbubulid sa atin sa kapahamakan.   Ang mga ito lamang ay iilan sa mga katotohanang binibigyang linaw sa lipunang kinabibilangan ng bida dulot na rin ng pananamantala at kahirapan.  Mula sa mga kapapanabik na tagpo ay napakahusay rin ang sinematograpiya ng pelikula sa kung paano nasimulan ang pelikula mula sa isang prosisyon at pag-ugnay nito sa isang bilbord ng palabas sa isang pelikula na sumasaklaw sa debosyon at pagkapanatiko.  Ang orihinal na sound effects katulad noong nagsimula ng maglinis si Bona sa bahay ng lalaki.  Ang pag-arte ni Nora Aunor ay kapuri-puri rin sa kanyang walang mga salita na pag-arte pero nangungusap ang kanyang mga mata at ang kanyan mga kilos.  Makikita mo na ibinuhos ng huli ang kanyang husay sa pag-arte bilang tagasamba hindi sa Amang Diyos kundi sa isang taong hinahangaan.   Larawan naman ng isang nag-aambisyun na tao si Gardo na pingbibidahan ni Philip Salvador.  Hindi maikakaila na malaki rin ang tulong ng kahusayan ng pag-aarte ng nasabing artista dahil sa kanyang kapani-paniwala na pagkaganap bilang isang artista na mayroong matipunong pangangatawan at kaaya-ayang pagmumukha na maaaring kuhuhumalingan ng sinumang makapapanood sa kanya.  Sa pagnanais na gustong maging sikat na artista ay tinatanggap niya ang mga maliliit na papel na pwedeng gampanan na angkop sa kanyang personalidad.
                Sa kabuuan,  makatarungan lamang na kilalanin ang pelikulang Bona bilang isa sa isandaang pinakamuhuhusay na pelikula sa buong mundo na dapat mapanood.  Kabilang rin ang nasabing pelikula sa ipinalabas sa 47th Viennale: Vienna International Film Festival at iba pang mga festival. Pagbati at paghanga ang ipinaabot sa bumuo ng produksyon.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento