Linggo, Disyembre 27, 2015

Mila: Isang Inspirasyon ng Lipunan


Ang pelikulang Mila (Maricel Soriano) ay larawan ng isang guro na may pagmamalasakit sa kanyang tinuturuan at pagpapahalaga sa trabaho.  Makikita sa pelikula kung gaano niya pinahahalagahan ang bawat mag-aaral sa pamamagitan ng matamang pagtuturo sa kanila at higit na pagpapaliwanag sa mga mag-aaral na hindi masyadong nakakaunawa ng mga aralin.   Higit din niyang naisasasip na ang sinumang dumaan sa kanyang mga mag-aaral ay nasa mabuting kalagayan sila bilang kabahagi niya sa kanila.  Dahil sa angking kabutihan nito sa mga mag-aaral ay naging malapit ang mga bata sa kanya, na kadalasan ay nagiging sumbungan ng mga hinaing, problema at mga pasakit na napagdadaanan ng mga estudyante sa kanilang buhay.   Makikita mo sa kanya ang pagiging handang tumulong sa sinumang nangangailangan sa kanya sa lahat ng oras.
Si Mila ay isang babae na sa kabila ng kabutihang kanyang ipinapakita sa iba ay may hindi maganda rin siyang pinagdadaanan sa buhay.  Naroong ang kanyang mga magulang ay mayroon problema sa relasyon,  ang kanyang ina na inaabuso ng kanyang amang isang lasinggero.  Naging sawi sa kanyang unang pag-ibig hanggang sa may dumating sa kanyang buhay at nagpatibok nito si Primo (Piolo Pascual.  Isa siyang babae na may puso at damdaming nagmamahal.  Sa buong akala niya si Primo na ang makapagbabago sa takbo ng kanyang buhay-pag-ibig.  Sadyang mapagbiro ang panahon dahil pasakit din pala ang maidudulot ng huli sa kanya sapagkat ito ay isang lulong sa ipinagbabawal na gamot.   Naudlot ang pag-ibig nito ng mas pinili ng lalaki ang hindi mailagay sa rehabilitasyon sa Tagaytay.
Isang babaeng may ipinaglalaban si Mila.  Dahil sa hindi sapat na ipinasasahod nito ay minabuti ng kanyang mga kapwa guro ang mag-hunger strike para maipabatid sa administrasyong Aquino ang hindi nila pagsang-ayon sa kababaang-sahod na ibinibigay sa mga katulad niyang guro.  Hindi alintana ng mga ito ang hirap, pagod at kapahapamakan na maaaring kakaharapin sa isinasagawang pagrarali.   Dahil sa samu’t saring pahirap na pinagdadaanan niya sa buhay ay natagpuan ni Mila ang kanyang sarili sa Ermita na siya kinapadparan niya.  Doo’y mas naipadama niya ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapwa sa pamamagitan ng mga pagtuturo nito sa mga kabataan na pinagkaitan ng edukasyon.  Naging takbuhan din siya ng mga prostityut sa pagpapaturo ng Ingles bilang paghahanda sa isang dayuhang kostumer na maghahanap ng panandaliang-aliw.
Inilahad sa kwento na bawat tao ay mga layunin sa buhay.  May mga tungkulin na nararapat na gampanan kahit saan ka man nailagay o anumang lipunan ang iyong kinalalagyan.   Isang huwaran na guro si Mila dahil hindi niya isinentro ang buhay niya para sa sarili lamang, bagkus ito ay kanyang iniaalay sa paglilingkod higit sa lahat sa mga nangangailangan.  Pinahahalagahan ni Mila ang edukasyon.  Ninais niya ang mga kabataan na makapag-aral at matuto para umahon sila sa buhay.  Isinalba niya ang isang menor de edad sa pagkakasadlak nito sa prostitusyon.  Pinaunawa niya sa isang bata ang pagmamahal nito ng kanyang ama.  Maging ang isang taong wala na sa kanyang katinuan ay hindi niya pinandidirihan sa halip pinakitaan niya ito ng pagmamalasakit.  Patunay lamang na kayang baguhin ng isang tao ang hindi magandang anyo na inilalarawan ng kanyang lipunan. May magagawa siya.   Hindi kailangan ni Mila ang pagkakaroon ng maraming pera para makatulong dahil para sa kanya ang pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan nito sa kanila (mga nangangailangan) ay simbolo ng kanyang hindi matatawarang pagmamahal sa kanyang kapwa.  Si Mila ay nagsilbing inspirasyon sa lahat na ang bawat karanasan sa buhay ay siyang magtuturo sa pagiging ganap na tao.  Na higit sa apat na sulok ng silid ay isang malaking paaralan ang lipunan.