Linggo, Setyembre 24, 2017

Pagsusuri ng Pelikulang Kailan Mahuhugasan ang Kasalanan

Anumang pilit na pagkukubli ng katotohanan ay darating at darating ang panahon na ito ay lilitaw pa rin.  Kwento ng isang ina na nagngangalang Adora Meneses (Helen Gamboa) at anak Monica Escudero (Lorna Tolentino) ang pelikulang Kailan Mahuhugasan ang Kasalanan sa direksyon ni Lino Brocka.   Si Monica noong siya ay sanggol pa ay ipinagpalit ng kanyang tumatayong ama sa halagang P1000.00 sa negosyanteng nagnangalang Claudio Escudero (Eddie Garcia) para may pantustos sa kanyang pagsusugal.   Hinanap si Adora ang kanyang ina sa loob ng maraming taon pero hindi pa rin ito nakita.  Samantala,  lumaki naman ang bata na mabait at matalino hanggang sa makatapos ito ng kursong abogasya.  Lingid sa kanyang kaalaman na siya pala ay isang ampon ng pamilyang Escudero na hindi magkaroon ng anak dahil sa walang kakayahan ang ama na magkaroon nito.   Sa dahilan ng pagkakilala ni Claudio kay Adora ay minabuti ng nauna na patirahin ito sa kanilang tahanan para manilbihang katulong.  Kita ng dalawang mata ni Adora na may kulasisi ang asawa ni Claudio na si Beatriz pero minabuti nito na manahimik lamang para maiwasan ang pagkakagulo ng pamilya.  Isang araw habang nagkaroon ng salosalo sa tahanan ng mga Escudero ay isang masaklap na pangyayari ang naganap dahil nasaksak si Beatriz at nabawian ito ng buhay habang tinutulungan ito ni Adora.  Si Adora ang pinagbibintangan sa nangyari at siya ngayon ang sinasakdal.  Si Robert Quintana (Richard Gomez) ang nagtanggol sa huli habang si Monica naman ang lumalaban para sa kanyang ina.   Silang dalawa ay pawang magkasintahan at parehong mga matatalinong abogado.   Ginawa ni Monica ang lahat para mapatuyan sa lahat na si Adora ang may kasalanan kahit batid naman ng nilang ang pagkakaroon ng ibang kinakasamang lalaki ang ina.   Kinumbinse ni Adora ang muling nagbabalik nitong asawang si Oscar Lanting (Dante Rivera) mula sa pagkabilanggo na huwag ng ihayag ang buong pagkatao ng anak dahil baka anong maggawa nito sa sarili kapag malaman ang katotohan.  Naihayag pa rin ang katotohanan na si Monica ay anak ni Adora at lumipat ito ng pagdedepensa sa ina.  Tuluyang napawalang-bisa ang isinampang kaso kay Adora ng umamin si Claudio na siya ang may kasalanan sa pagkamatay ni Beatriz ng hinarangan ng huli ang aktong pagsaksak ni Claudio sa kabit nito.   Muling nagkaroon ng kapalagayang-loob ang mag-ina at nagpakasal na si Monica sa kapwa nito abogadong si Robert.
Malinaw ang pagtalakay sa kwento makatotohanan nitong paglalahad ng mga isyung may kinalaman sa pamilya,  lipunan, at hustisya.   Ilan sa mga katotohanang binigyang paglalarawan ay ang bunga ng pagiging sugarol.   Ipinakita sa kwento kung gaano kasama ang ama,  na dahil sa hindi na makapag-cash advance na sa amo nito ay naisipang ibinta ang anak ng babaeng kanyang kinakasama kahit masama ang naidudulot nito sa mismong pamilya at sa katauhan ng anak.  Sa sekswal na aspeto ng pamilya bagaman nilihim ni Claudio ang pagiging baog nito sa asawa ay hindi pa rin maganda ang pangangaliwa ni Beatriz para lamang matugunan ang katawang pangangailangan sa ibang lalake.  Mainam na tanggapin niya ang buong pagkatao ng kanyang bana anuman ang kahinaan nito.  Ang walang kakayahang makipagtalik ang karaniwang dahilan ng kanilang hindi pagkakasundo.  Ang pagiging kaibigan ni Lourdes kay Adora ay isang larawan ng pagiging totoong kaibigan.  Walang maipagmamalaki si Adora kundi ang kanyang kabaitan at kabutihan pero buong-buo ang pagtanggap ni Lourdes sa kanya.  Sadyang may mga tao pa rin sa ating lipunan na handang tumulong sa kapwa sa panahon ng pangangailangan.  Dahil sa si Adora ay mahirap lamang,  ipinakita rin sa pelikula ang pagiging mailap ng hustisya sa kanya.  Pinagbitanggan agad sa isang kasalanan hindi naman niya ginawa.  Noon pa mang mga unang araw ay pinagbibintangan na siyang magnanakaw kahit wala naman siyang ginawa.   Gawa ito ni Beatris dahil sa pagseselos dahil ramdam niya na may pagtingin ang bana kay Adora.   Sa ating lipunan,  sadyang kadalasang nakararanas ng inhustisya ay ang mga mahihirap.  Mga pagbibintang,  mga pagpapatay at pagakakabilanggo kahit wala namang prweba.  Nagagawang baligtarin ng maykaya ang isang kasalanan sa isang mahirap na wala namang kalaban-laban.  Sa propesyon naman ay may nagaganap na rivalry.  Parehong palaban sina Robert at Adora sa kanilang propesyon.  Ayaw ding magpatalo ni Robert kay Monica kahit magkasintahan silang dalawa kaya buong pagsisikap ang kanyang ginagawa para hindi matalo ang kanyang kliyente sa kaso.
            Mahusay ang naging wakas ng kwento dahil sa ginawang twist nito sa huli.  Buong akala ng mga manonood na si Douglas ang may kasalanan sa pagkamatay ni Beatris na si Adora ang napagbibintangan.  Napaslang pa si Douglas sa isang kasalanang hindi naman niya ginawa.   Pero noong nagkaaminan na ay pumayag si Claudio na maging testigo. Inamin nito na siya ang may kasalanan sa pagkamatay ni Beatris.  Si Beatris ang kanyang nasaksak nang ipagtanggol nito si Douglas sa aktong pagsasaksak ni Claudio kay Douglas.  Isa ito sa mga tatak ni Direk Lino Brocka sa pagkakaroon ng kakaibang wakas na taliwas sa inaasahan. Sa kabuuan,  masasabing napakaayos ng pagkakatuhog ng nasabing pelikula.  


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento