Sabado, Agosto 4, 2018

Birdshot- Isang Payak na Pagsusuri

                        
                       
            Minsan naging bulag ang mga sa halip na nagpapairal ng batas sa mga inhustisyang tinatamasa ng mga taong dahop sa buhay.   Ito ang kwento ng pelikulang Birdshot na isinulat at dinerehe ni Mikhail Red.  Nabuo sa pagkakapit ng dalawang kwento ng isang babaeng anak ng magsasaka na si Maya na nakapatay ng isang nanganganib na maubos na lahing ibon at ang kwento ng isang baguhang may idealistikong pulis.  Nagganap ang kuwento sa isang nayon na halos napapalibutan ng isang malawak na pataninan ng mais.   Naroon ang mag-amang Diego (Manuel Acquino) na nagtatatrabaho bilang tagapamahala sa isang malawak na lupaing nakapaligid sa isang sanktwaryong ng mga haribon.  Kapiling sa isang napakapayak na bahay na gawa sa kahoy at larawan ng kawalan sa buhay si Maya (Mary Joy Apostol).  Nasa kasagsagan ng pagkadalaga ang nasabing babae na ulila na sa kanyang ina.  Sa pagnanais ng ama na makatayo ang anak sa sarili nitong mga paa ay minabuti nitong maituro ang pamamaril.  Sa unang pag-asinta ay bigo pero nang mapag-isa ay napatay nito ang isang agila.  Isa sa mga natuklasan niya sa pangyayaring ay dapat hindi niya napasukan ang sanktwaryo na kinaroroonan ng mga umabot sa 32 mga agila.  Ang pagkapatay ng nasabing agila ang siyang naging dahilan para maipag-utos ng kinauukulan na pagtuunan ng pansin nina Domingo (Arnold Reyes) na bagong destino sa lugar bilang maprinsipyong katuwang ni Mendoza (John Arcilla).   Ipinag-utos sa kanila na mayroon namang mamahala sa kasong mga pulis mula Maynila sa sampung nawawalang magsasaka na sakay sa isang bus patungong manila para maipaabot ang kanilang mga hinaing sa mga paghihirap na dinaras hinggil sa paglabag sa kanilang karapatan na maangkin ang mga lupain na nasa isang hacienda.  Ang mahalaga ngayon ay malaman kung kaninong kamay ang nagkasala sa pagkapatay ng agila.
                        Kawangis ng korupsyon sa lungsod,  inilahad din sa kwento ang realidad nito sa isang probinsya.  Ang sampung magsasaka ay naghahangad na mapasakanila ang karapatan pero siya pang naging mitya para mabawian sila ng buhay.   Isang makapangyarihang tao ang nasa likod nito na kahit mga alagad ng batas ay napasusunod.  Noon pa man hanggang sa kasalukuyang panahon,  nararanasan pa rin iyon ng mga tao lalo na ng mga mahihirap sa ating lipunan.  Politically motivated ang lahat ng ito na lumabas pang mas napapahalagahan ng mga kinauukulan ang hustisya sa pagkapaslang ng agilang hayop kaysa sa buhay ng mga napaslang na sampung tao.  Batay na rin sa naging pahayag ni Mendoza, “Kapag wala na sa kamay mo huwag mo na itong ipuwersa” nang ninais pa rin ni Domingo na malaman ang pagkawa ng mga magsasaka.
                        Inilalarawan din ng Agila sa kwento bilang malaking ibon sa madaling salita siya ay mandaragit (predator) sa iba pang mga hayop.  Metaporang itong maituturing na kung sino ang may kapangyarihan ay siya ang nakagagawa ng mga hindi magaganda sa nakabababa.  Tinutukoy ang mga politikong gumagawa ng korapsyon at panlalamang sa mga mahihirap,  kahit ang pagpatay.  Mapanatili lang sa kanila ang yaman, karangyaan at kapangyarihan.  Kahit si Domingo ay hindi nakaligtas sa pagnanais na mahanap ang hustisya sa mga nawawala ay siya na ngayon ang ginagambala mapatigil lamang ang hinahangad.  Biktima (prey) si Maya, si Diego,  ang iba pang mahihirap at mga bilanggo ng mga makapangyarihan.
                        Usaping panlipunan,  probinsyal at kalikasan.  Makikita sa pelikula ang pagiging serinidad,  luntian at mapayapang buhay sa isang probinsiya.  Bagaman nabanggit ang korapsyon, pagpatay, inhustisya, pamumuhay, at iba,  ang magganda sa kwento ay ang paglahok ng mga hayop.  Una na ang agila na itinuturing na pambansang ibon taong 1995 na ang pagpatay nito ay pagpataw ng kaparusahan at pagmulta.  Pangalawa, Ang aso na si Bala,  na kasa-kasama ni Maya sa kanyang mga lakad at pagiging loyal nito sa nangangalaga.  Napaslang si Bala nung pumunta ang dalawang pulis sa bahay ni Diego para sa paghahanap ng ebidensyang baril.  Ang ahas,  sa sanktwaryo na sumisimbolo na kapahamakang kakaharapin sa kabila ng babalang nakapaskil sa bawal na pagpasok pero nilabag pa rin.   Makikita naman sa pelikula ang maingat na pagbuo ng eksena na walang hayop na napinsala o nalabag sa kanilang karapatan.   
                       Sa isang batang direktor,  hindi iyon naging sagwil para hindi niya mapagtagumpayan ang pagbuo ng nasabing obra.  Napakahusay ng sinematograpiya  nito kalakip na ang pagkaka-anggulo ng mga kamera, komposisyon,  at lente.   Pinangingibabawan ito ng halos luntiang paligid ng isang lunang probinsiya.  Pinatitingkad lalo ang mga tagpo ng mga mahuhusay na artista,  Reyes and Arcilla. Kaya naman, karapat na mapanood at maging kabilang sa Academy Awards for Foreign Language na pelikula na unang pinalabas sa Tokyo International Film Festival taong 2016.   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento