Linggo, Pebrero 7, 2016

Magdusa ka Film Summary


         Ang Magdusa ka ay kwento ng isang babae na nagngangalang Christine (Dina Bonnivie) na anak sa labas ng isang mayamang na si Bernardo Doliente.  Ang kanyang ina naman na siyang nagpapalaki sa kanya sa loob ng labing-siyam na taon na si Toyang  (Nida Blanca) ay dating labandera ng mga Doliente.  Nagalaw ng nasabing Bernardo ang ina ni Christine at siya ang naging bunga nito.  Dahil sa isang maralita ang ina ay itinakwil ito at hindi nagkaroon ng suporta mula sa mga mayayaman.  Pinangarap ni Toyang para sa anak na makatapos ito sa pag-aaral at siyang maging dahilan para makaalpas sila sa pagkasadlak sa kahirapan.   Lingid sa kaalaman ng ina ay mayroon ng kasintahan si Christine sa katauhan ni Rod  (Christopher De Leon) na isang drayber ng dyip.  Bagaman nagpapakita ng interes ang nasabing lalake sa babae pero nakikipagdaupang-palad naman ito sa ibang bababe.
                Natuklasan ni Toyang ang pakikipagkita ni Christine kay Rod bunga nito ay pinalayas ng ina ang anak.  Sinakap ng anak na magpaliwanag pero naging sarado na ito para pakinggan pa ang anak at kagyat na itong pinalayas.  Nakipanuluyan na si Christine sa bahay ni Rod pero hindi rin ito nakatiis dahil sa mayahap na mga naririnig sa ina ng lalake at ang madalas na paglalasing.   Tanging mauuwian na lamang ni Christine ay ang ama na dati ng nag-alok sa kanya ng tulong pero tinalikuran niya pero tumanggap ng pera. 
                Sa pag-aakala na magiging magaan na ang buhay ni Christine pero taliwas ito sa kanyang inaasahan sapagkat nakapiling niya sa mansion ang asawa ni Bernardo at ang anak nitong Millet.  Nagkaroon ng kasunduan ang dalawa na gagawin ang lahat na masira si Christine sa mata ng ama at sa lolang si Donya Perla para hindi mapunta sa kanya ang mga pamana.   Makailang beses din na pinakialaman ni Millet ang mga alahas ng Donya at ang itinuturong may kagagawan nito ay si Christine.  Nagalit si Donya Perla kung paano nakarating ang alahan nitong kwintas sa babae, hindi napigilan ni Christine na sagutin ng pabalang ang donya kaya nauwi ito sa pagpapalayas sa kanya.
               
Umuwi si Christine sa ina pero hindi ito pinagbuksan ng pinto sa kabila ng pagkukumahog nito na makapasok.  Tanging nasabi na lamang na magdusa ka sa anak.  Pumunta din siya sa tinutuluyang isa pang babae ni Rod pero sinabi lamang ng nagsisinungaling na babaeng tinanong na wala doon si Rod.  Sa kabila ng kalupitan ng ina ng kaibigan nito ay walang nagawa si Christine kundi tanggapin na lamang ang kapalaran kahit aping-api siya habang napapalapit naman ang panganganak nito.  Samantala,  dahil naging matagumpay sina Millet at ang ina nito sa kanilang balak na mapaalis ang totoong anak ay narinig ang kanilang masamang balak ni Donya Perla hanggang sa nagmura ito.  Ikinagalit ito ng mag-ina na siyang naging dahilan sa pagkatulak nito sa hagdanan. 
                Dumating ang takdang panahon na manganak si Christine sa isang publikong ospital.  Tinulungan siya ng kaibigang nagmamay-ari ng tinitirhan, ni Rod at ang nakumbinse nitong ina.   Naisilang ang bata.  Ginusto ni Bernardo na magkabalikan silang magkamag-anak lalong lalo na wala na si Donya Perla at aksidenteng napatay naman nito ang isa pang asawa.  Pero hindi pa rin napilit nito si Toyang kahit gustuhin man ni Christine.  Nagkapatawaran ni Rod at si Christine sa bandang huli. 

                 

Pelikulang Relasyon ni Ishmael Bernal - Isang Pagsusuri

           
Si Malou ay isang taga-giya ng isang Planetarium samantalang si Emil naman ay isang guro sa kolehiyo.  Pinagtagpo ang dalawa ng tadhana sa hindi inaasahan.  Bagaman, si Marilou ay nag-iisa palang sa buhay,  si Emil naman ay hiwalay sa asawa nito at mayroong anak.  Naisip ng dalawa na hindi sapat lang na silang dalawa ay nasa yugtong magsing-irog lamang, kaya minabuti nito na tumira na lamang sa iisang bubong at magsama ang dalawa.  Habang silang dalawa na ay nagsasama,  dito na unti-unting natutuklasan ni Marilou ang totoong pag-uugalli ni Emil. 


                Naging alila si Marilou ni Emil.   Ipinaglalaba, ipinagpaplantsa,  ipinagluluto,  ipinaglilinis ng bahay, tagapagbantay ng bata at kung ano-ano pang paglilingkod sa huli ang ipinaggagawa sa babae.  Naging sunud-sunuran lang si Marilou sa bawat utos ng lalake.  Minsan ding ikinagalit ni Emil ang pagdadala ni Marilou ng bisita sa loob ng kanilang bahay lalong lalo na ang mga lalake sapagkat hindi raw ito maganda sa paningin ng iba.  Ibinigay ni Marilou ang lahat tanda ng kanyang pagmamahal sa lalake.  Nagsasaydlayn na rin siya sa pagtitinda pandagdag na pangtustos sa mga pangangailangan sa bahay.  Dulot na rin ng hindi magandang ipinakita ng lalake sa babae ay di na natiis ni Marilou ang lahat,  minabuti na nitong umuwi sa kanyang mga magulang.  Pero hindi napanindigan ni Marilou ang kanyang pakikipaghiwalay sa lalake, muli niya itong kinumbinse na magsama uli silang dalawa.  Tinanggap naman ito ng lalake pero hindi na magiging katulad ng dati ang sitwasyon sapagkat nakipagbalikan na rin si Dorothy, ang asawa ni Emil.  Tatlong beses sa isang Linggo na lamang silang nagsasama.


                   Nagkaliwanagan na rin ang dalawa matapos na makapag-usap.  Muli silang nagsama pero sa kasamaang-palad ay natuklasan ng doktor na mayroon brain aneurysm si Emil.  Minsang napag-abot si Marilou at Dorothy sa ospital dahil kailangang manatili ni Emil ng tatlong araw,  tanging nagawa na lamang ng kerida na si Marilou ay ang umalis lalo pa at tinawagan ni Dorothy ang kanyang katulong na magdala ng mga gamit katulad ng daster kasi nais ng huli na siya mismo ang magbabantay ng kanyang asawa.   Hindi rin nagtagal ay binawian ng buhay si Emil nang minsang sumakit ang ulo nito dala ng karamdamang nabanggit.   Walang naggawa si Marilou kundi magdalamhati na malayo sa lalakeng minamahal.   Ipinakitang ang asawa pa rin ang may karapatan sa pag-aasikaso sa lamay at pagpapalibing.  Minabuti na lamang ni Marilou na magtungo sa Amerika. 

                      Ang mga isyung ipinapakita sa kwento ay pagiging kabit,  pagdidiborsyo,  pagiging martir,  patriarkal,  at sikolohikal.  Ipinakita na walang karapatan si Marilou sa lahat ng panahon kay Emil sapagkat legal na may asawa ang lalake.  Kaya ang lahat ng karapatan pa rin ay nasa orihinal at wala sa kabit.  Katulad ng si Dorothy pa rin at ang mga anak nito ang may karapatan sa pagtanggap ng mga pamana ng lalakeng ipagkakaloob.  Kahit na buntis si Marilou ay 2/5th lamang ng mamana ng ligetimong anak ang mamanahin ng kanyang magiging anak.   Samantala, makikitang dihado si Marilou sapagkat katulad ng sabi ng isang abogado walang legal separation sa Pilipinas.  Pwedeng maghiwalay pero hindi pwedeng magpakasal na sa iba ang naikasal na.  Sa batas ang kabit ay walang legal personality katulad ng hindi pwedeng ikabit ang pangalan, walang conjugal property na magaganap at walang mamanahin ang kabit kung mamatay ang lalake.  Makikita rin sa kwento na higit sa isipan ay pinairal ni Marilou ang kanyang pagiging martir sa lalake.  Sa kabila ng pag-aalila ni Emil sa babae katulad ng pagpapaggawa ng ibang gawain,  pagiging matigas, at pagiging agresibo ay buong-buo pa ring tinatanggap ng lalake.   

               
                    Mga Mungkahi sa pag-aasawa na nais paigtingin sa kwento:  Kilalanin muna ang kakasamahin sa buhay bago pagdedesiyunan ang lahat.   Katulad ni Marilou na basta-basta na lamang nagpadala sa bugso ng damdamin kaya saka pa lamang niya nakilala ang buong pagkatao ni Emil na taliwas pala ito sa ipinakita sa kanya nung nanliligaw pa ito.   Ikalawa, maglaan ng oras sa isa’t isa.  Bagamat nagkasama silang dalawa pero nakaikot naman ang kanilang mundo sa kani-kanyang mga gawain.  Pangatlo, kailangang mag-adjust sa pag-uugali ng bawat isa.  Tanggapin ang imperfection at kung may nakitang hindi magandang pag-uugali, at problema ay nararapat lamang ito na pag-uusapan.  Pang-apat,  huwag daanin sa sigawan at pagtatapun ng mga kung ano-anong bagay kapag mayroong hndi pagkakasundo.  Maaaring pag-usapan ito kapag nahimasmasan na ang bawat isa.   Panglima, kung isa ka lamang kabit ay dapat alam mo kung saan ilulugar ang iyong sarili.  Pang-anim, sa pakikipag-relasyon ay kailangan ang give and take.     

Miyerkules, Pebrero 3, 2016

Kalayaan: Sigaw ng Damdaming Nakagapos



Markova: Comfort Gay 
Kalayaan:  Sigaw ng Damdaming Nakagapos


Kung nagkaroon ng comfort women sa kapanahunan ng mga hapon sa Pilipinas,  lingid naman sa kaalaman na nagkaroon din ng comfort gays.  Silang mga binabae na nakararanas din ng pagmamalupit ng mga hapones.  Sila ay ginawang parausan sa tawag ng laman ng mga kalalakihang hapon, nakaranas ng mga pang-aapi at pambubugbog.  Kabilang si Walterina Markova isang comfort gay din na nasa edad 73 na nanatili na lamang sa isang Golden Gays na tahanan sa Pasay City.  Dito pinag-isa ang mga binabae na may edad na at ulila na rin sa mga mahal sa bahay.  Si Markova ay masayahin, punung puno ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang kapwa lalong lalo na sa mga kasama niya sa nasabing tahanan.   Minsan sa kanyang panonood ng telibisyon ay nagkataong naipalabas ang kwento ng mga comfort women na dumanas din ng pagmamalupit at ginawang sex slaves ng mga hapones.  Dahil dito,  ninais din niya na maikwento ang pinagdaanan niya sa buhay na kawangis ng mga babae.   Sa tulong na rin ng kanyang kaibigan ay nakarating sa kanyang tahanan si Loren na sa simula ay hindi makapaniwala na ang hinahanap niyang Markova ay isa palang binabae.
                Bahagi ng naikwento ni Markoba ang kanyang karanasan noong kanyang kabataan.  Galing siya sa nakaririwasang pamilya.   Pangatlo siya sa magkakapatid pero hindi niya maramdaman ang lubos na kaligayahan sa pagiging bakla sapagkat hindi siya tanggap ng panganay na kapatid na si Robert.  Binubugbog at pinandididirihan ng kanyang kuya dahil sa kanyang pagiging malamya at pagiging bakla.   Kung mapag-isa ito ay malaya niyang naihahayag ang sigaw ng kanyang damdamin-ang pagiging babae.  Pero kapag nahuli naman siya ng kuya ay halos makaramdaman na siya na unti-unting pinapatay.  Mahal naman siya ng kanyang ina pero wala itong magawa kundi pakinggan ang tumatayo ding pangalawang ama sa kanilang pamilya.   Napagkaisahan siya ng kanyang kuya at ng kaibigan nito nang pumunta ito sa bahay ng huli dahil may ipinabibigay ang nakatatanda nitong kapatid.   Ginilaw si Walter (Markova) ng lalake para maipadama nito na masakit kapag gagawan ng kahalayan ng isang lalake ang isang baklang katulad niya.  Isang araw inihatid ni Roco sa bahay nila na sumusuka ng dugo si Robert dahil sa isang karamdaman hanggang sa ito ay mamatay.  Nakadama ng pagka-awa si Walter sa halip na galit sa kapatid.
                Sa pagkamatay ni Robert ay siya ring naging hudyat ng pagkabuhay ni Walter sapagkat unti-unti na niyang nailalabas ang kanyang sarili, ang kanyang pagiging bakla.  Malaya na siya.  Dito nagsimulang magkapakatotoong lalo sa kanyang sarili kapiling ang kanyang kabarkada na sina:    Carmen, Sophie, Anita at Minerva.  Kapwa nagdadamit pambabae o crossdressers.  Pinagkakakitaan din nila ang pagiging entertainer sa harap ng maraming tao.   Dahil sa kasagsagan ito ng kapanahunan ng hapon World War II,  nagkaroon si Markova ngayon ng isang hapon na kostumer na nakasiping niya sa Manila Hotel na tinutuluyan ng isang pinuno ng mga kawal pero taliwas ito sa kanyang inaasahang kaligayahan sa piling ng inaasam-asam din niyang lalake.  Bugbog, sampal at pagpadakip ang kanyang inabot nang ito ay matuklasan na siya ay mayroong ari ng isang lalaki.  Buhat noon ay iniutos ng nasabing komander na hapon na ipakulong si Markova at ang kanyang mga kasamahan.   Sa lugar na iyon naransan nilang gahasain at gamitin ng mga hapon tanging pagtangis at pag-iyak na lamang ang kanilang nagawa.  Ipinakita rin sa kwento na may isang hapon din na kawal na nagpakita ng kabutihang-puso at nagkakaloob sa kanila ng pagkain.    Bilang ganti sa kahayupang dinanas niya ay nagpapagamit si Sophie sa mga hapon pero kapag nagalaw na siya ay sinasaksak niya ito hanggang sa mabawian ng buhay.  Nabalitaan na lamang na ginapos  si Sophie at kalaunan napatay ito sa Fort Santiago.   Si Carmen naman ay nabugbog dahil sa daw sa pagnakaw pero nakaligtas.  Tanging siya, sina Anita at Carmen ang nakasaksi sa Liberasyon. 
                Nang nagka-edad na ay huminto na rin sila ng pagko-crossdress.  Si Markova ay naging isang make-up artist na lamang.  Hanggang sa ito ay naging isang koreograper sa mga babaeng gustong maging modelo at dancer sa bansang Hapon.   Samantalang di nagtagal ay nabawian na rin ng buhay si Carmen dahil sa isang matinding karamdaman.  Makikitang ipinagpatuloy ni Markova ang pagsasalaysay pa ng kanyang buhay pero ayaw siyang pinawalaan ni Legarda na nag-iinterview sa kanyang mga naisalaysay kaya binawi na lamang ang tape na ginamit sa pagrerekord at sinabing pagmamay-ari niya iyon sapagkat buhay niya ang naisalaysay.
               
Tatlong bagay ang nais kung ibahagi:  Una ay ang kalayaan.  Minsan sa isang binabae na katulad ni Walter nung kanyang kabataan ay mahirap na maging masaya sa buhay na pilit kang binabago na maging isang taong hindi naman naayon sa kagustuhan mo.   Hindi ka mauunawaan ng iba dahil ang iniisip nila ay sila ang tama at hindi ang iyong nararamdaman sa iyong sarili,  na mali ang naging desisyon mo sa buhay.  Minsan naisip ni Carmen na baguhin ang kanyang sarili dahil parang hindi nagiging mabuti ang takbo ng buhay niya pero namulat din siya nang maitanong ni Markova kung masaya ba siya.    Karamihan sa mga binabaeng katulad niya noon ay dumanas din ng kung hindi man pang-aalipusta at pagmamalupit ng ibang tao, ng lipunan at ang masakit ay mga kaanak.  Kaya sa pagkawala ng taong kumukulong sa kanya ay unti-unti na niyang nadama ang pagiging malaya.   Sa buhay ng isang may pusong babae,  ang pagiging bakla ay hindi sakit at hindi kapalpakan ng Diyos.  May karapatang maging malaya at ipakita ang pagiging totoo niya.   Basta’t walang masamang ginagawa sa iba at nakapaglilingkod sa lipunan nang maayos, di bali nang hindi matanggap sa mata ng mga tao ang mahalaga ay naging totoo ka sa iyong sarili.  Ikanga ni Markova ang katotohanan ang magpapalaya sa isang tao.
                Pangalawa naman ay ang pananamantala.  Nagmistulang alipin sa sariling bayan ang mga Pilipino sa kamay din ng mga hapon.  Naroong kailangan silang yukuan,  tanda ng paggalang sa kanila.  Ang sinuman ang lalabag ay kalabuso ang aabutin sa mga kamay nito.  Naroong pinagsamantalahan sila ng mga hapon at ginawang sex slaves hindi lamang ng isang beses pero maraming ulit.  Wala silang naging lakas na lumaban.  Kaya patunay lang ang pelikula na hindi lamang tanging ang mga babae ang naging tagapaghumpay ng tawag ng laman ng mga hapon kundi pati ang mga binabae na katulad ni Minerva pero hanggang siya ay tumanda at nabawian na ng buhay ang kanyang mga kaibigan pero wala paring hustisya ang nailatag.
                Pangatlo, kasaysayan.  Sapagkat lingid sa kaalaman ng nakararami ay naging bahagi din pala ang mga binabae sa nagbibigay aliw sa mga mata at tawag ng laman maliban sa mga totoong babae.  Hindi ito nabanggit sa kasayasayan kaya ang pelikula din ang naging materyal sa pagpapaabot ng impormasyon hinggil sa comfort gays.    Saklaw ng pelikula ang World War II at ang pagkasakop ng mga Pilipino sa kamay ng mga hapon.   Ang hindi magandang pakikitungo nito sa mga Pilipino at mga pagpatay hanggang sa makamit ang liberasyon at pumalit naman ang Amerika.  Tunay na napakaganda ng pagkagawa ng isang maituturing na biopikong (Walter Dempster, Jr.)  pelikula mula sa kweto nito, pag-arte at mismong pagkagawa.   



  • Hindi pagmamay-ari ng umakda nito ang larawan.  Pasasalamat ang ipinaabot sa google image. 


                














Lunes, Pebrero 1, 2016

Mga Realismo sa Pelikulang Maynila sa Kuko ng Liwanag




1.       KAHIRAPAN. 
             a.       Makikita sa pelikula ang nagtulak kay Ligaya Paraiso (Hilda Koronel) para sumama kay Mrs Cruz ang karalitaan niya sa probinsya.  Pinangakuan ang dalaga na papag-aralin sa Maynila at bibigyan ng trabaho kaya ipinagpalit nito ang simpleng pamumuhay sa kanyang probinsiya at ang kasintahan nitong si Julio Madiaga.  Hindi maikakailang maraming mga ganoong kaganapan sa ating lipunan sa kasalukuyan ang sinasamantala ang kahinaan at kawalan ng iba sa buhay. Na di umano ay pangangakuan ng magandang buhay pero ibubulid pala sa kapahamakan katulad ng pagpapasok sa prostitusyon.  Karaniwang biktima nito ang mga kabataang babae.

                b.      Ang kahirapan ng pamilya ni Atong na kasamahan ni Julio Madiaga sa trabaho na nakatira lamang sa isang barong-barong na bahay o eskwater dala na rin ng kahirapan sa buhay.   Paralitiko ang ama nito at ang kapatid nito na si Perla ay nasadlak din sa pagkakalakal sa sarili para may ikabubuhay.   Napatay si Atong ng walang hustisya at binalaan ang asawa nito maging mga pinsan na huwag magsalita sa kanyang pagkamatay kung ayaw nila na may masamang mangyayari.   Ang masaklap ay nasunog pa ang lugar ng eskwater na nadamay rin ang kanilang bahay.

2.       PANANAMANTALA AT PAGPAPABAYA SA MANGGAGAWA
a.       Nang nasa Maynila na si Julio ay pumasok ito bilang isang manggagawa sa konstruksyon para magkapera.  Kapapansinan ang pananamantala sa kanila ng pinuno na si Mr.  Baladia na pinapasahod lamang ng P2.50 bawat araw.  Makaminsan din ay inililihim din ng nasabing mister ang kanilang sahod para mapilitan ang mga manggagawa na mangutang sa kanila at mapatungan ng interes.  Sa kasalukuyang panahon, marami sa mga nakaririwasa at negosyante sa ating lipunan ang nanggigipit sa kapwa at minsan nagpapautang na pinapatungan ng malaking interes na maglilibing sa isang tao sa utang.

b.      Nariyan ding basta-bastang tinatanggal sa trabaho ang mga manggagawa sa pagsasabing nagigipit na ang kumpanya pero sa totoo lang ay nagtitipid lang ito sapagkat malapit ng matapos ang konstruksyon.  Kabilang sa pinatalsik ay si Julio Madiaga sa konstruksyon na walang malinaw na kadahilanan.

c.       Nang kasisimula pa lamang ni Julio Madiaga sa konstruksyon ay hinimatay ito pero wala man lamang sa namamahala na naglakas-loob na tumulong sa kanyang pagkabulagta sa halip ay tinilungan lamang siya ng kanyang mga kasamahan at inabutan ng makakain dahil sanhi ng hindi pagkakain ang pagkawala ng kanyang ulirat.  Isa pang kasamahan ni Julio Madriaga ang nadisgrasya at nahulog sa gusali pero nagsasawalang-kibo lamang si Mr. Baladia, ni dinala ito sa ospital para maisalba ang buhay.  

d.       Walang karapatan na magpahayag ng saloobin sa paglalaban ng karapatan dahil sa maaaring maalis sa trabaho kung may pagrereklamo sa pamamahala.  Si Julio Madiaga ay maprinsipyo sa simula pero dala na rin ng mga kasamahan niya ay minabuting manahimik sa katiwalian. 

3.       PROSTITUSYON
a.       Si Ligaya Paraiso ang isa sa maraming babaeng biktima ng prostitusyon, tatlo sila na mula sa kanilang probinsya na nakumbinse ni Mrs Cruz.  Ikinulong siya ni Atek sa isang silid.    Sa kanya na ring salaysay ay nakaririmarim na tanawin ang kanyang nakikita niyang sinasasaksakan ng morpema ang mga babae para ito ay masugapa at kung ano-ano na ang ipinagagawa katulad ng pagpapasayaw sa kanila nang nakahubad.  
b.      Sa matinding pangangailangan ng pera ni Julio Madiaga ay napilitan na rin siyang ikalakal ang kanyang sarili sa isang bakla sa Maynila na naghahandap ng panandaliang-aliw.   Sa simula ay bantulot ang lalake pero sa huli ay napapayag na rin ng isa ring nagpapagamit.

4.       EDUKASYON
a.       Inilahad din sa pelikula na mahalaga ang edukasyon sa pag-alpas sa kahirapan.  Ang karakter ni Imo na naging kaibigan din nilang Julio ay nagsisikap na makatapos sa kanyang pag-aaral.  Nagkaroon siya ng determinasyon na kung makatapos siya sa pag-aaral ay ito ang magiging kalasag niya sa pagkakaroon ng masaganang buhay.

5.        MAY MGA TAONG MABUTING PUSO
a.        Bagaman naging bahid masama ang imahe ng Maynila pero may mga tao pa ring mabubuting puso.  Nandodoon na ng minsang siya ay hinimatay sa gutom pero iniabot ng huli ang kanyang baon para maisalba si Julio.  Pinatuloy ni Atong si Julio sa bahay nito at ipinakain sa kabila ng kanilang pagiging mahirap.

6.       PAGIGING TAPAT NA MANGINGIBIG
a.       Napadalhan ng liham ang magulang ni Ligaya Paraiso sa probinsya mula kay Mrs. Cruz na nagsasabing tumakas si Ligaya at ito pa ay nagnakaw sa kanya ng alahas.  Ikinabahala iyon ni Julio kung kaya’t kagyat siyang nagtungo siya ng Maynila.  Sa kanyang pananatili sa Maynila ay may mga babaeng nang-aakit na mapunuan ang posibleng tawag ng kanyang laman pero hindi niya ito tinangkilik.  Naroong inalayan na sana ng isang babaeng maaari niyang maikama pero hindi pa rin siya pumayag dahil para sa kanya kay Ligaya lamang niya ipagkakaloob ang buo niyang pagkatao.  

7.       ANG IMAHE NG MAYNILA
a.        Sa kabila ng kaunlaran ng nasabing lugar ay nagbabadya pa rin ang kapahamakan sa Maynila.  Ang Liwanag ay tumutukoy sa mga pag-unlad katulad ng mga nagtatayugang mga gusali maging ang mga imprastruktura.  Sadyang may ipinagbago na ang Maynila pero sa kuko nito ay ang mga kapahamakan sa mga nasa Maynila.   Mula sa simple at payapang buhay ni Julio sa probinsya ay binago nito ang kanyang buhay dala na rin ng pinagdaanan niya sa Maynila katulad ng pagkagutom,  pagpapakahirap para lang magkapera,  katiwalian,  pagtulog kung saan-saan,  pangungulila at pagdanas ng pagka-api.  Siya ngayon ay naging mabalasik at naging mapanganib.  Inilagay niya sa kanyang mga kamay ang batas sa pamamagitan ng pagpatay niya kay Atek dahil sa kanyang matinding galit sa ginawa ring pagpaslang sa kaisa-isang babaeng minamahal.