Miyerkules, Pebrero 3, 2016

Kalayaan: Sigaw ng Damdaming Nakagapos



Markova: Comfort Gay 
Kalayaan:  Sigaw ng Damdaming Nakagapos


Kung nagkaroon ng comfort women sa kapanahunan ng mga hapon sa Pilipinas,  lingid naman sa kaalaman na nagkaroon din ng comfort gays.  Silang mga binabae na nakararanas din ng pagmamalupit ng mga hapones.  Sila ay ginawang parausan sa tawag ng laman ng mga kalalakihang hapon, nakaranas ng mga pang-aapi at pambubugbog.  Kabilang si Walterina Markova isang comfort gay din na nasa edad 73 na nanatili na lamang sa isang Golden Gays na tahanan sa Pasay City.  Dito pinag-isa ang mga binabae na may edad na at ulila na rin sa mga mahal sa bahay.  Si Markova ay masayahin, punung puno ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang kapwa lalong lalo na sa mga kasama niya sa nasabing tahanan.   Minsan sa kanyang panonood ng telibisyon ay nagkataong naipalabas ang kwento ng mga comfort women na dumanas din ng pagmamalupit at ginawang sex slaves ng mga hapones.  Dahil dito,  ninais din niya na maikwento ang pinagdaanan niya sa buhay na kawangis ng mga babae.   Sa tulong na rin ng kanyang kaibigan ay nakarating sa kanyang tahanan si Loren na sa simula ay hindi makapaniwala na ang hinahanap niyang Markova ay isa palang binabae.
                Bahagi ng naikwento ni Markoba ang kanyang karanasan noong kanyang kabataan.  Galing siya sa nakaririwasang pamilya.   Pangatlo siya sa magkakapatid pero hindi niya maramdaman ang lubos na kaligayahan sa pagiging bakla sapagkat hindi siya tanggap ng panganay na kapatid na si Robert.  Binubugbog at pinandididirihan ng kanyang kuya dahil sa kanyang pagiging malamya at pagiging bakla.   Kung mapag-isa ito ay malaya niyang naihahayag ang sigaw ng kanyang damdamin-ang pagiging babae.  Pero kapag nahuli naman siya ng kuya ay halos makaramdaman na siya na unti-unting pinapatay.  Mahal naman siya ng kanyang ina pero wala itong magawa kundi pakinggan ang tumatayo ding pangalawang ama sa kanilang pamilya.   Napagkaisahan siya ng kanyang kuya at ng kaibigan nito nang pumunta ito sa bahay ng huli dahil may ipinabibigay ang nakatatanda nitong kapatid.   Ginilaw si Walter (Markova) ng lalake para maipadama nito na masakit kapag gagawan ng kahalayan ng isang lalake ang isang baklang katulad niya.  Isang araw inihatid ni Roco sa bahay nila na sumusuka ng dugo si Robert dahil sa isang karamdaman hanggang sa ito ay mamatay.  Nakadama ng pagka-awa si Walter sa halip na galit sa kapatid.
                Sa pagkamatay ni Robert ay siya ring naging hudyat ng pagkabuhay ni Walter sapagkat unti-unti na niyang nailalabas ang kanyang sarili, ang kanyang pagiging bakla.  Malaya na siya.  Dito nagsimulang magkapakatotoong lalo sa kanyang sarili kapiling ang kanyang kabarkada na sina:    Carmen, Sophie, Anita at Minerva.  Kapwa nagdadamit pambabae o crossdressers.  Pinagkakakitaan din nila ang pagiging entertainer sa harap ng maraming tao.   Dahil sa kasagsagan ito ng kapanahunan ng hapon World War II,  nagkaroon si Markova ngayon ng isang hapon na kostumer na nakasiping niya sa Manila Hotel na tinutuluyan ng isang pinuno ng mga kawal pero taliwas ito sa kanyang inaasahang kaligayahan sa piling ng inaasam-asam din niyang lalake.  Bugbog, sampal at pagpadakip ang kanyang inabot nang ito ay matuklasan na siya ay mayroong ari ng isang lalaki.  Buhat noon ay iniutos ng nasabing komander na hapon na ipakulong si Markova at ang kanyang mga kasamahan.   Sa lugar na iyon naransan nilang gahasain at gamitin ng mga hapon tanging pagtangis at pag-iyak na lamang ang kanilang nagawa.  Ipinakita rin sa kwento na may isang hapon din na kawal na nagpakita ng kabutihang-puso at nagkakaloob sa kanila ng pagkain.    Bilang ganti sa kahayupang dinanas niya ay nagpapagamit si Sophie sa mga hapon pero kapag nagalaw na siya ay sinasaksak niya ito hanggang sa mabawian ng buhay.  Nabalitaan na lamang na ginapos  si Sophie at kalaunan napatay ito sa Fort Santiago.   Si Carmen naman ay nabugbog dahil sa daw sa pagnakaw pero nakaligtas.  Tanging siya, sina Anita at Carmen ang nakasaksi sa Liberasyon. 
                Nang nagka-edad na ay huminto na rin sila ng pagko-crossdress.  Si Markova ay naging isang make-up artist na lamang.  Hanggang sa ito ay naging isang koreograper sa mga babaeng gustong maging modelo at dancer sa bansang Hapon.   Samantalang di nagtagal ay nabawian na rin ng buhay si Carmen dahil sa isang matinding karamdaman.  Makikitang ipinagpatuloy ni Markova ang pagsasalaysay pa ng kanyang buhay pero ayaw siyang pinawalaan ni Legarda na nag-iinterview sa kanyang mga naisalaysay kaya binawi na lamang ang tape na ginamit sa pagrerekord at sinabing pagmamay-ari niya iyon sapagkat buhay niya ang naisalaysay.
               
Tatlong bagay ang nais kung ibahagi:  Una ay ang kalayaan.  Minsan sa isang binabae na katulad ni Walter nung kanyang kabataan ay mahirap na maging masaya sa buhay na pilit kang binabago na maging isang taong hindi naman naayon sa kagustuhan mo.   Hindi ka mauunawaan ng iba dahil ang iniisip nila ay sila ang tama at hindi ang iyong nararamdaman sa iyong sarili,  na mali ang naging desisyon mo sa buhay.  Minsan naisip ni Carmen na baguhin ang kanyang sarili dahil parang hindi nagiging mabuti ang takbo ng buhay niya pero namulat din siya nang maitanong ni Markova kung masaya ba siya.    Karamihan sa mga binabaeng katulad niya noon ay dumanas din ng kung hindi man pang-aalipusta at pagmamalupit ng ibang tao, ng lipunan at ang masakit ay mga kaanak.  Kaya sa pagkawala ng taong kumukulong sa kanya ay unti-unti na niyang nadama ang pagiging malaya.   Sa buhay ng isang may pusong babae,  ang pagiging bakla ay hindi sakit at hindi kapalpakan ng Diyos.  May karapatang maging malaya at ipakita ang pagiging totoo niya.   Basta’t walang masamang ginagawa sa iba at nakapaglilingkod sa lipunan nang maayos, di bali nang hindi matanggap sa mata ng mga tao ang mahalaga ay naging totoo ka sa iyong sarili.  Ikanga ni Markova ang katotohanan ang magpapalaya sa isang tao.
                Pangalawa naman ay ang pananamantala.  Nagmistulang alipin sa sariling bayan ang mga Pilipino sa kamay din ng mga hapon.  Naroong kailangan silang yukuan,  tanda ng paggalang sa kanila.  Ang sinuman ang lalabag ay kalabuso ang aabutin sa mga kamay nito.  Naroong pinagsamantalahan sila ng mga hapon at ginawang sex slaves hindi lamang ng isang beses pero maraming ulit.  Wala silang naging lakas na lumaban.  Kaya patunay lang ang pelikula na hindi lamang tanging ang mga babae ang naging tagapaghumpay ng tawag ng laman ng mga hapon kundi pati ang mga binabae na katulad ni Minerva pero hanggang siya ay tumanda at nabawian na ng buhay ang kanyang mga kaibigan pero wala paring hustisya ang nailatag.
                Pangatlo, kasaysayan.  Sapagkat lingid sa kaalaman ng nakararami ay naging bahagi din pala ang mga binabae sa nagbibigay aliw sa mga mata at tawag ng laman maliban sa mga totoong babae.  Hindi ito nabanggit sa kasayasayan kaya ang pelikula din ang naging materyal sa pagpapaabot ng impormasyon hinggil sa comfort gays.    Saklaw ng pelikula ang World War II at ang pagkasakop ng mga Pilipino sa kamay ng mga hapon.   Ang hindi magandang pakikitungo nito sa mga Pilipino at mga pagpatay hanggang sa makamit ang liberasyon at pumalit naman ang Amerika.  Tunay na napakaganda ng pagkagawa ng isang maituturing na biopikong (Walter Dempster, Jr.)  pelikula mula sa kweto nito, pag-arte at mismong pagkagawa.   



  • Hindi pagmamay-ari ng umakda nito ang larawan.  Pasasalamat ang ipinaabot sa google image. 


                














Walang komento:

Mag-post ng isang Komento