Minsan ang hindi pagtulog sa gabi ay nangangahulugang pera o tagumpay sa buhay. Marami sa ating mga manggagawa ang hindi natutulog sa gabi lalong lalo na sa mga taong na sa mga callcenter, sa isang paggawaan, nagmamaneho ng mga sasakyan at iba pang mga paggawa na nangangailangang ng puyatan. Karamihan din sa atin ay kusa nating pinipili na hindi matulog sa gabi dahil nagbababad tayo sa kompyuter, sa paglalaro ng DOTA o di naman kaya ay makihalubilo sa iba sa pamamagitan ng social media. Minsan ay nahuhumaling tayo sa madalas na pagpaparti. Magkagayunpaman, ang hindi natin pagtulog sa gabi ay may malaking mga epekto sa ating sarili maging sa kasalaukuyan at sa mga darating na panahon.
Inaasahan
sa bawat indibidwal ang pagtulog sa gabi ng walong oras. Maaaring i-iskedyul ng mula alas 9:00 n.g
hanggang alas 5:00 n.u. Hindi rin
matatapatan ng araw na pagtulog sa gabi sapagkat binuo ng Diyos ang katawan ng
tao para pagpahingain sa gabi. Kung
naging gawi na natin ang madalas na pagnanakaw ng oras na dapat sana ay sa
pagtulog maaaring magbubunga ito ng hindi maganda o maging kapahamakan ng ating kalusugan. Ilan sa mga bunga na agad mong madarama kapag
panakanakang kulang tayo sa tulog ay ang pagiging mainitin ang ulo, pagkapagod ng katawan at maging ang kakulangan
ng pokus. Maaaring darating din sa punto
na ang madalas na hindi pagtulog ay nagpapahina ng retensyon ng iyong pag-iisip
(memory retention) o di naman kaya ay kahirapan sa pagdedesisyon sa sarili at
mga bagay-bagay.
Epekto naman ng
madalas na hindi pagtulog sa panghinaharap ay ang problema sa kalusugan
kabilang na ang pananaba (obesity). Ayon
kay Siebern (sa Peri, 2014) ang pinaikling pagtulog ay may kaugnayan sa pagbaba
ng leptin ng katawan ng isang tao at pagtaas ng ghrelin isang biochemical na siya namang nagpapasigla
sa pagkagutom kaya nagiging ganado ang isang tao na kumain kapag kulang siya sa
tulog. Nagpapataas din ito ng cortisol sa ating katawan ang sinasabing
stress hormone ng ating katawan. Nagbubunga rin ang kakulangan ng tulog sa pagtaas ng insulin sa ating katawan, isang hormone na
nangangasiwa sa pagpoproseso ng glucose at gumagawa ng fat storage, kaya mas
mataas na insulin mas hatad sa pananaba at maging sakit na dayabetis. Sinasabi ring nakapagpapataas ng dugo ang
hindi pagtulog na magbubunga ng hypertension ng isang tao na minsan ay nauuwi
sa mga karamdamang may kinalaman sa mga sakit sa puso. Ang talamak (chronic) na hindi pagtulog ay
may pagsang-ayon (correlated) sa pagkadepres, pagkabalisa, at maging mga
karamdamang mental ng isang indibidwal.
Malaki ang
maitutulong ng pagtulog sa ating immune
system sapagkat nagkakaroon ito ng mga sabstans na lumalaban sa impeksyon
ng ating katawan. Kaya higit na
inaasahan din ang isang taong may karamdaman na mas habaan pa ang kanyang
pagtulog para sa kanyang ikagagaling. Ang
madalas na hindi pagtulog sa tamang oras ay ang pagbaba rin ng bilang ng taong
mabuhay sapagkat ibubunga nito ang iba’t ibang karamdaman sa katawan ng
tao. Ang lola ng umakda nito ay buhay
pa rin sa kasalukuyan (2016) sa edad na 94, tanging problema lamang sa pandinig
ang iniinda niya pero nakakalakad pa rin siya ng maayos at nakakaalala pa. Isa sa sekreto ng pagpapahaba ng buhay niya
ay ang sapat na tulog. Pagtulog nang
maaga at paggising nang maaga.
Iminumungkahi sa mga mag-aaral na sa mga pagkakataong hindi inilalaan
ang oras sa pag-aaral na sa halip na mag-DOTA at mag-facebook ay pagpahingain
ang sarili at matulog nang maaga.
Napaghanguan:
Peri,
C. (2014). 10 Things about sleep
loss. Retrieved from:
http://www.webmd.com/ sleep-disorders/excessive-sleepiness-10/10-results-sleep-loss
http://www.webmd.com/ sleep-disorders/excessive-sleepiness-10/10-results-sleep-loss
Ang larawan ay mula sa google image.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento