Linggo, Enero 24, 2016

Patayin sa Sindak si Barbara - Muling-sulyap sa Sine-pinoy Klasik


Kuha ang larawan sa google
Si Barbara (Lorna Tolentino) ay mapagmahal sa kanyang nag-iisang kapatid na si Ruth (Dawn Zulueta).  Lahat ng mga ninais ng nakababatang kapatid ay pinagbibigyan ni Barbara tanda ng pagpapahalaga nito sa kapatid.  Minsan nakatagpo niya ang isang lalake na si Nick (Tonton Gutierrez) na nagkataon namang natitipuhan din ng nakakabatang kapatid nito na winika ng huli na kikitilin ang sariling buhay kung hindi mapapasakanya ang lalake.  Ginawa ni Barbara ang lahat para lamang mapagbigyan ang hiling ng kapatid kahit kapalit nito ay kabigatan ng kanyang puso dahil ninanais din niya si Nick.  Dala na rin ng pagmamahal ni Nick kay Barbara ay pinagbigyan niya ang nais nito na ligawan at mag-iisiang-dibdib sila ni Ruth.
    Sa hangaring mabigyang laya ang dalawang ikinasal, matutunang ibigin ng lalake si Ruth at mabaon sa limot ang nararamdaman ni Barbara ay minabuti niyang mangibang-bayan sa Estados Unidos pero siya pa rin ang sinisigaw ng damdaming iniwanan sa Pilipinas.  Ginimbal pa rin siya ng kanyang mga alaala nang makaabot ang balita sa kanya na nagpakamatay ang kapatid nito sa kadahilanang iniisip nito na niloloko siya ng lalaking kanyang pinakasalan.  Kita ng dalawang mata ng kanyang anak na si Karen (Antoinette Taus) ang pagsasaksak nito sa kanyang sarili ng isang kapirasong basag na salamin sa may dakong tiyan. Nagbalik si Barbara sa Pilipinas para ipagluksa ang pagpanaw ng kapatid.  Dito unti-unti ng natutuklasan ang kahiwagaan ng pagpapakamatay ng kapatid.      
                Natuklasan ni Barbara na sumangguni si Ruth sa isang black magic na nagbigay-linaw sa kanya na ang pagkakaloob ng kanyang kaluluwa sa kapangyarihang itim ay siyang tutulong  sa kanya para makabalik at makaganti sa mga taong nang-aapi sa kanya’t nagdulot ng pait ng kanyang puso.  Lalong lalo na ang babaeng gustong ipagpalit sa kanya ng kanyang bana.  Minsang sumapi ang kaluluwa ni Ruth sa manika at minsan din sa anak na si Karen. Natulungan si Barbara ng esperitistang nagbulid kay Ruth sa kapangyarihang itim pero idinulot din nito sa kanya ay ang pagkabawi ng kanyang buhay.  Sa bandang huli ay munting ng ikapahamak ni Barbara ng makumbinse siya ni Ruth na sumama sa kanya sapagkat ayaw ng huli na mapag-isa dahil malungkot.  Kitang-kita ni Barbara ang nagliliyab na apoy na larawang impyerno’t may sumisigaw ng mga kaluluwang sinusunog pero nailigtas siya ni Nick nang itinalon niya ang sarili at si Ruth sa impyerno. 
               
Kuha ang larawan sa google
           Ipinakita sa karakter ni Ruth ang pagiging makasarili.  Lahat ng ninanais nito ay gustong makuha kahit ang kapalit nito ay ang pagpaparaya ng ibang tao.  Hindi iyon isang magandang larawang dulot ng pag-ibig dahil ang tunay na kahulugan ng pag-ibig ay maganda at malinis.  Sa simula pa lang ay hindi na maganda ang ipinakita nito sapagkat nagkakaroon ito ng kundisyong delusyon at minsan nagbanta na ito na papatayin ang sarili sa oras na hindi mapapasakanya ang lalaking hinahangad.  Ang pag-ibig kailanman ay hindi hinihingi at nililimos kusa itong ipinagkakaloob na walang kundisyon.  Dahil likas sa tao na gustong maging malaya ay hinanap ni Nick ang kanyang sarili at kaligayahan sa pamamagitan ng pakikipagdaupa sa ibang babae at paghahangad na masisilayan pa rin si Barbara.  Ipinagkaloob na sana ni Ruth kay Nick ang makapagpapaligaya sa kanya kahit pagsasama nila ni Barbara sapagkat ang totoong nagmamahal ay ikakasiya nito ang ikaliligaya ng kanyang minamahal.  Maaari sanang makahanap pa si Ruth ng lalakeng karapat-dapat sa kanya at hindi nalagay sa kasamaan ang kululuwa nito.  Ang pagiging masama ng isang taong dumanas ng pag-ibig ay kailaman hindi nagiging masamang tao dahil sa pag-ibig kundi sa pagiging makasarili nito o ang tinatawag na ego.




Huwebes, Enero 14, 2016

Isang Suring-pelikula sa Dinampot ka lang sa Putik

Larawan ng salitang Putik ang pagiging malagkit, mabaho, at madumi.  Karamihan sa atin ay ayaw ng putik lalo pat kung mabahiran tayo nito ay siyang maglalagay sa atin sa hindi kaaya-ayang sitwasyon.  Metapora ang Putik sa Kwento ng Pelikulang Dinampot Ka Lang sa Putik na pinagbibidahan ni Maricel Soriano sa katauhan ni Malou.  Si Malou ay dating nagkaroon ng isang kasintahan na nadawit sa isang iligal na gawain na siya ring naging ama ng kanyang anak sa isang probinsiya.  Dulot na rin ng kawalang kaayusan ng kanilang pagsasama ay minabuti ni Malou na lisanin ito kapiling ang anak at nagtungo ng Maynila.  Samu’t saring kalbaryo ang kanyang pinagdaanan sa buhay katulad ng muntik na siyang gahasain ng apo ng kanilang tinitirhan.  Nakapagtrabaho siya sa isang karendarya na nakaranas din siya ng pang-aapi sa may-ari at sa anak nito nang minsang itinago niya ang tira-tirang pagkain para sa kanyang anak.  Hanggang sa makilala niya si Edmond (Christopher de Leon) nang minsang maisama siya ng kaibigan nitong nagdala sa kanya para magtrabaho sa isang klab para may maipambabayad para makalabas ang anak na nasa-ospital.   
Mula sa kaputikang sinadlakan ni Malou ay unti-unti siyang iniaahon ni Edmond sa pagpapadanas nito sa babae ng marangyang buhay na dinadanas niya.   Ipinakilala siya ng lalake sa mga alta sa ciudad nitong mga kaibigan na halos ikinabago ng kalagayan ng pagkatao ni Malou.  Kailangan niyang maging class din sa tingin ng iba kaya pinag-aralan niya kung paano umasta ang isang taong may pinag-aralan katulad ng pagsasalita nang mahusay sa Ingles.   Magkagayunpaman,  lumalabas pa rin ang pagiging matapang at palabang babae si Malou na walang sinasanto kapag inaagrabiyado ang pagkatao nito.  Sa tuwing may mang-aapi sa kanya ay sinusuklian rin niya ito ng kanyang kabangisan katulad ng pagsisigaw at pananampal.   Sa kabila ng pagkagusto ni Edmond sa babae at madalas na pagpapatawad nito sa mga pagkakamaling ginagawa ay nais naman ng kapatid (half sister) nito na si Gemma (Charo Santos) hiwalayan ang sinundan at si Samantha (Maritoni Fernandez) ang pilian niya.  Kinausap ni Gemma at Samantha ang bilanggong minamahal ni Malou na si Ambet.  Pumunta ito sa tahanan ng babae upang mabawi ang anak at suyuin si Malou pero buo na ang loob ng babae na hindi ito makikipagbalikan at hindi ipagkakaloob ang anak.   Hindi nagtugmpay sa balak si Gemma at si Samantha sa kanilang ninais na agawin ni Ambet si Malou at ang anak nito kay Edmond.  Sa halip ang pangyayari iyon ang siyang dahilan na mapatay ni Samantha si Ambet ng aksidente ang huli ng matamaan ito ng bala at siya niyang ikinasawi.  Samantalang payapa naman nagpakasal at nagsama sina Ambet at Malou.
Inilalarawan ng pelikula ang kahirapan sa buhay na minsan kahit alam mong mali ang isang gawain pero ginagawa mo pa rin para lang may maipakain ka sa pamilya at anak.  Pinasok ni Malou ang pagsasayaw sa bar kahit mabigat sa kalooban nito at maaaring ikapapahamak niya ang ganoong klaseng gawain lalo pa’t kung sino-sinong mga lalake ang kanyang nakakasalamuha.    Makaminsan,  ang mga nasa syudad ay nanamantala rin sa mga taong nasa probinsya.  Si Malou ay kamuntik ng magahasa ng apo ng may-ari ng tintirhan nilang bahay ng kanilang anak.  Ikalawa’y ang panglalait at pang-aalipusta na kanyang dinanas mula sa mga may-ari ng karinderyang pinasukan.  Dahil sa pagmamahal ni Edmond ay naiahon nito ang pagkasadlak ni Malou sa putik sapagkat di nampot niya ito at nilinis.  Sa pag-ibig, minsan mahirap wariin kung bakit ka nakadama ka ng pagmamahal sa isang tao kahit may nakikita kang hindi maganda sa kanya.  Taglay na ni Samantha ang ganda at talino pero kahit anong pilit niya na mapa-ibig ang lalake pero ay tila mailap pa rin ito sa kanya.  Samantalang sa isang hamak na probinsiyana at  mal-edukada tumibok ang kanyang puso.  Nagmahal nang totoo si Edmond dahil hindi na kinikilala nito ang mga maling nakikita ng kanyang isip sapagkat sumasamo naman sa kanyang puso ang pagpapatawad sa mga pagkakamali sa tuwing gumagawa si Malou ng hindi maganda.  Pinatunayan ito sa kanyang mga pananalikta na  "Sa pagmamahal kung higit kang nagbibigay, higit mong matatamo ang kaligayahan." Sa pag-ibig din ay walang makakahadlang basta’t handa ang bawat isa na ipaglaban ito.  Ayon sa din sa pahayag sa kanilang poster:  YOU CAN’T PUT A DAMN GOOD WOMAN DOWN!


Miyerkules, Enero 13, 2016

Bituing Walang Ningning - Kwento ng Paghanga at Pagpapatawad

Si Dorina Pineda (Sharon Cuneta) ay isang masugid na tagahanga ng isang tanyag na mang-aawit na si Lavina Arguilles (Cherie Gil).   Bawat araw ay sinusubaybayan niya ang takbo ng karera ng nasabing mang-aawit dahil sa matinding paghanga nito.   Hindi nakakaligtaan na bilhin ang mga magasin na pinapaksa at inilalarawan si Lavina kahit sa kakarampot na kita nito sa paglalako ng sampaguita.  Madalas ding nag-aabot ng mga sampaguita si Dorina sa hinahangaan.  Maging ang oras ay halos inilaan na ng tagangahanga,  dahil minsan ay nag-aabang na ito sa gate ng bahay masilayan lamang ang kanyang iniidolo.     Sa kabila ng lahat ng mga ito, ay ikinukubli ni Lavina Arguilles ang kanyang masamang pag-uugali na makasarili,  nakasentro lamang ang buong panahon sa trabaho at maging ang mapanghamak sa kapwa.   Nakilala ni Dorina si Nico (Christopher De Leon) ang masugid na manliligaw ng mang-aawit at natuklasan nitong huli ang ganda ng boses ng babae.   Napag-isip-isip ng lalake na pwede niyang magamit si Dorina para pabagsakin si Lavina sa kanyang kasikatan lalo pa’t   nahihirapan si Nico sa kung paano niya mapapayag ang babae na ibigin siya at maisama ito sa dambana.
Nang magkaroon na rin ng pangalan si Dorina sa larangan ng pag-awit ay nakadama si Lavina ng pagkagalit at pagkainggit dahil ang isang hamak na tagahanga ay tila nagnanais ito na maungusan siya at maagaw ang kinang ng kanyang bituin.   Minsan dumalo si Lavina sa pagbubukas ng Zoni Recording Company na pagmamay-ari ni Nico at ang partner nito na si Zosimo kung saan si Dorina ang kauna-unahang mang-aawit na ipinakilala nila.  Doon natuklasan ni Dorina ang masama at mapangmatang pag-uugali ni Lavina nang masabuyan ito ng tubig sa mukha dahil sa hindi matanggap ng huli na ang isang mababang tagahanga ay bumubuo na rin ng kanyang sariling pangalan sa industriya ng pag-awit.  Naisip ni Dorina na bagaman inspirasyon niya dati si Lavina para magtagumpay sa buhay ay gusto niyang makaganti buhat noon na pantayan ang kasikatan ng hinahangaan at tuluyan nang pataubin ito sa tulong ni Nico.   Sa madalas ding pagsasama ni Nico at ang pagiging mailap ni Lavina sa pagmamahal nito sa kanya ay unti-unti na ring nahuhulog ang loob ng lalake kay Dorina.   Malaki ang naging tulong ni Nico sa pagbuo ng pangalan ni Dorina kaya ang pangyayaring ito ang pumukaw kay Lavina na tila isinilang na ang papalit sa kanya.    Sa pagkakataong ito ay pinakiusapan na ni Lavina si Nico na dahil siya naman ang bumuo sa pagkatao ni Dorina ay siya rin ang may karapatan na pabagsakin ang mang-aawit kapalit ang ninanais ng lalake sa kanya.  Hindi ito nangyari dahil mas hinayaan ni Nico na tuluyang mamayagpag si Dorina at maipadama ang pagmamaha nito sa huli.   Pareho ng nagkaroon ng pangalan ang dalawa sa larangan ng musika kaya naisipan ng mga nasa likod ng kanilang kasikatan na pagtambalin sa iisang konsert para makahatak ng mas marami pang manonood. 
 Inilalahad sa kwento ang pagkapanatiko, pagbabago ng ugali dahil sa kasikatan at pagpapatawad.  Si Dorina ay sumasagisag sa mga taong may matinding paghanga sa iniidolo na lahat ay gagawin para lamang makapiling at maipadama sa hinahangaan ang suporta at pagmamahal.  Kahit na kakarampot lang ang kinikita ay magsusumikap mayroon lamang perang mailaan para maipambili ng mga bagay na may kinalaman sa iniidolo katulad ng magasin at plaka.   Walang masama ang paghanga kung magsisilbi lamang itong inspirasyon na makapagpapabuti at makapagpapaunlad sa ating pagkatao.  Dahil sa nasa rurok ng katanyagan si Lavina ay ginawa nitong mayabang,  mapangmataas, at makasarili.  Lagi nating isasaisip na anumang tagumpay na naabot natin ay magiging pansamantala lamang kaya walang dahilan para baguhin nito ang ating pag-uugali at pagkatao.   Sa halip katulad ng isang punong kahoy na habang tumatagal at yumayahong ay mas lalong lumalaylay ang mga sanga nito na may mga dahong nakayuko patungong lupa. Ibig sabihin,  kung tayo ay dumadanas ng mga pagtatagumpay ay mas lalo tayong maging mapagkumbaba at magkaroon ng mabuting pakikikapwa.

Sa huli, sinabi ni Dorina na ang anumang tagumpay niya ay utang ito sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya.   Na kung hindi dahil sa kanila ay hindi niya maabot ang tugumpay na tinatamasa na at sinabi niya na mahal niya ang mga ito.  Winika niya na mas pipiliin niya na maging pangkaraniwang tao at napagtanto niya na hindi siya karapat-dapat maging superstar katulad ni Lavina.   Sinabi niyang ang susunod na awit ay huling awitin na rin na maririnig mula sa kanya na pinamagatang Bituing Walang Ningning.   Ipinakita ni Dorina ang paggalang at pagpapatawad sa kanyang iniidolo sa kabila ng paghamak nito sa pamamagitan ng paghalik at pagsuot ng sampaguita sa leeg bilang tanda na si Lavina pa rin ang nag-iisang bituin na kanyang hinahangaan at naging inspirasyon.   Inilalarawan lamang nito na hindi natin kailangan makipagkompetensya sa iba dahil bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang angking galing na pwedeng ipagmalaki sa Diyos at mga tao na tangi rin sa iba.  Minsan, mainam na rin na patawarin ang sinumang gumawa sa atin ng masama para sa ikapapayapa ng ating sarili at ikagagaan ng ating loob.   Bagaman ipinakita niya na si Lavina pa rin ang dapat kilalanin na maging bituin pero sa puso ni Nico ay siya naman ang itinuturing na bituin dahil malinaw na mahal na mahal nila ang isa’t isa.   

Lunes, Enero 11, 2016

Ang Tatay kong Nanay - Suring-pelikula


Ang pelikulang Tatay Kong Nanay sa direksyon ni Lino Brocka ay tungkol sa istorya ng isang binabae na nagngangalang Coring (Dolphy).  Si Coring ay isang baklang bukas ang katauhan sa nakararami.  Nagsusuot siya ng mga kagamitang pambabae at maging ang kanyang pagwi-wig ay ipinagmamalaki niya.   Karamihan din sa kanyang mga kaibigan ay katulad niyang bakla.  Ikinabubuhay nito ang pagkakaloob ng serbisyo sa mga nagnanais magpagganda sa kanyang beauty parlor.   Kapiling niya sa kanyang bahay ang bata na si Nonoy (Nino Mulach) na iniwan lamang sa kanya ng kaisaisang lalake na sinisgaw ng kanyang puso si Dennis (Philip Salvador).  Ipinagkatiwala ng huli ang bata kay Coring sa pagnanais na umangat ang buhay sa paglilingkod bilang isang navy sa Estados Unidos.  Iniwan na rin ang bata sa kanya ng isang kahig isang tukang hostess na si Mariana (Marissa Delgado).  Bagaman, hindi sumasang-ayon ang mga kaibigan nito dahil malaking kalbaryo ito para kay Coring pero wala rin siyang naggawa kundi tanggapin ang nasabing bata at alagaan ito.
                Hindi lingid sa nakararami ang pagiging binabae ni Coring.  Bukas ang kanyang pagkatao sa paghalakhak, pangmamata at maging panlilibak ng mga tao sa lipunan patungkol sa klaseng buhay na kanyang pinili.   Sa pagdating ni Nonoy sa kanyang katauhan ay minabuti nito na ikanlong ang kanyang katauhan sa takot na maging masamang halimbawa siya sa mga mata ng bata.   Marami ang nagbago sa pagkatao nito.  Pilit niyang ikinukubli ang pagdadamit-babae,  pananalita at pagkilos na bibabae.  Naroong pinagagalitan na niya ang kanyang mga kaibigan sa pagpapakita nito ng mga kabaklaan sa mata ng kanyang itinuturing na anak kahit hindi naman ito lubos na nauunawaan pa ng bata.    Sa pag-iisip ni Coring ang pagtago ng kanyang pagkatao ay siyang tama sa pagpapalaki niya sa bata sa takot na rin na ayaw niya na maging bakla sa paglaki nito.  Halos pagsakluban siya ng langit at lupa sa galit nang isang araw nahuli niya si Nonoy na naglalagay ng lipstik kahit ginagaya lamang ng nabanggit ang nakikita niya sa komiks.
               
Muling bumalik si Mariana para makuha ang anak ngayo’y pinagpala na dahil sa pag-angat ng buhay sapagkat naulila ito sa isang mayamang lalake.  Dahil sa pangungulila nito sa buhay at nabatid na rin kung saan naroroon ang anak ay minabuti na pakiusapan si Coring na mapasakanya muli ang anak.   Sa simula ay nagdadalawang-isip pa si Coring pero sa bandang huli ay napapayag na rin ito sa kundisyong hayaan muna ang bata na masanay na malayo ito sa kanya.    Malamig ang ipinakitang pakikitungo ni Coring mula noon sa bata.   Kanya na itong sinisigawan at madalas na  pinapagalitan para lamang mapalayo nito ang loob at tuluyan ng sumama sa totoong ina.  Hanggang sa napalapit na nga si Nonooy sa totoong ina.  Hindi rin nagtagal ay bumalik ang bata kay Coring dahil sa madalas pa rin ang pangungulila ng bata sa kanya at hindi rin nakayanan ang masamang pakikitungo na ipinakita ng totoo nitong ina sa kanya.

                Maraming realistikong pangyayari sa ating lipunan ang ipinahihiwatig sa kwento.  Una,  ipinakita sa kwento na hindi lamang sa babae at lalake ang pagiging mga magulang.  Maging ang mga bakla ay pwedeng maging magulang sa bata na hindi napapariwara ang buhay nito.  Na ang pagmamagulang ng isang bakla ay kayang tumbasan nito ang naibibigay na pagmamahal at pagkalinga sa bata katulad ng naibibigay rin ng mga totoong mga magulang.  Sa katauhan ni Coring ay nagparaya siya sa kanyang sarili na maitago ang pagkabakla nito dahil may nakadependeng buhay sa kanya pero ginawa na pa rin dahil sa iyon ang sa tingin niya ang nararapat niyang gawin.  Pero sa huli ay natanggap na rin niya sa kanyang sarili na hindi niya kailangang baguhin ang sarili para maipakita ang pagmamahal at maging magandang halimbawa sa kanyang anak.     Pangalawa,  na hindi madali ang maging bakla dahil sa masamang pagtingin ng lipunan sa pagkataong kanilang pinili.  Nabanggit ni Coring na minsang sumali sa isang gay pageant nang maitanong ng isang host kung ikinahiya ba niya ang kanyang pagkatao.  Nabanggit niya ang karaniwang pinagdadaanan ng mga kadalasang mga binabae sa lipunan.  Naroong tinutukso, umaatikabong palo, mura,  kurot mula sa mga magulang o nakakatanda ang ininaabot ng isang bakla sa kanyang pagkabata.  Katulad ng maraming bakla ay ipinadama na kahit wala siyang kasalanan, walang ginagawang mali,  walang nilalabang na batas at hindi nang-aapi ay hindi niya maintindihan ang mga tao kung bakit ganoon na lamang ang pagtingin at pagmamalupit ng iba sa mga katula niya.   Nabanggit rin niya na Katulad ng pusa kapag natapakan,  ang bakla ay umiiyak din dahil may damdamin.  Kaya nais niya ang pagtanggap ng lipunan at pagkakaloob sa mga bakla ng kalayaan na hindi hinuhusagaan ninuman.