Lunes, Enero 11, 2016

Ang Tatay kong Nanay - Suring-pelikula


Ang pelikulang Tatay Kong Nanay sa direksyon ni Lino Brocka ay tungkol sa istorya ng isang binabae na nagngangalang Coring (Dolphy).  Si Coring ay isang baklang bukas ang katauhan sa nakararami.  Nagsusuot siya ng mga kagamitang pambabae at maging ang kanyang pagwi-wig ay ipinagmamalaki niya.   Karamihan din sa kanyang mga kaibigan ay katulad niyang bakla.  Ikinabubuhay nito ang pagkakaloob ng serbisyo sa mga nagnanais magpagganda sa kanyang beauty parlor.   Kapiling niya sa kanyang bahay ang bata na si Nonoy (Nino Mulach) na iniwan lamang sa kanya ng kaisaisang lalake na sinisgaw ng kanyang puso si Dennis (Philip Salvador).  Ipinagkatiwala ng huli ang bata kay Coring sa pagnanais na umangat ang buhay sa paglilingkod bilang isang navy sa Estados Unidos.  Iniwan na rin ang bata sa kanya ng isang kahig isang tukang hostess na si Mariana (Marissa Delgado).  Bagaman, hindi sumasang-ayon ang mga kaibigan nito dahil malaking kalbaryo ito para kay Coring pero wala rin siyang naggawa kundi tanggapin ang nasabing bata at alagaan ito.
                Hindi lingid sa nakararami ang pagiging binabae ni Coring.  Bukas ang kanyang pagkatao sa paghalakhak, pangmamata at maging panlilibak ng mga tao sa lipunan patungkol sa klaseng buhay na kanyang pinili.   Sa pagdating ni Nonoy sa kanyang katauhan ay minabuti nito na ikanlong ang kanyang katauhan sa takot na maging masamang halimbawa siya sa mga mata ng bata.   Marami ang nagbago sa pagkatao nito.  Pilit niyang ikinukubli ang pagdadamit-babae,  pananalita at pagkilos na bibabae.  Naroong pinagagalitan na niya ang kanyang mga kaibigan sa pagpapakita nito ng mga kabaklaan sa mata ng kanyang itinuturing na anak kahit hindi naman ito lubos na nauunawaan pa ng bata.    Sa pag-iisip ni Coring ang pagtago ng kanyang pagkatao ay siyang tama sa pagpapalaki niya sa bata sa takot na rin na ayaw niya na maging bakla sa paglaki nito.  Halos pagsakluban siya ng langit at lupa sa galit nang isang araw nahuli niya si Nonoy na naglalagay ng lipstik kahit ginagaya lamang ng nabanggit ang nakikita niya sa komiks.
               
Muling bumalik si Mariana para makuha ang anak ngayo’y pinagpala na dahil sa pag-angat ng buhay sapagkat naulila ito sa isang mayamang lalake.  Dahil sa pangungulila nito sa buhay at nabatid na rin kung saan naroroon ang anak ay minabuti na pakiusapan si Coring na mapasakanya muli ang anak.   Sa simula ay nagdadalawang-isip pa si Coring pero sa bandang huli ay napapayag na rin ito sa kundisyong hayaan muna ang bata na masanay na malayo ito sa kanya.    Malamig ang ipinakitang pakikitungo ni Coring mula noon sa bata.   Kanya na itong sinisigawan at madalas na  pinapagalitan para lamang mapalayo nito ang loob at tuluyan ng sumama sa totoong ina.  Hanggang sa napalapit na nga si Nonooy sa totoong ina.  Hindi rin nagtagal ay bumalik ang bata kay Coring dahil sa madalas pa rin ang pangungulila ng bata sa kanya at hindi rin nakayanan ang masamang pakikitungo na ipinakita ng totoo nitong ina sa kanya.

                Maraming realistikong pangyayari sa ating lipunan ang ipinahihiwatig sa kwento.  Una,  ipinakita sa kwento na hindi lamang sa babae at lalake ang pagiging mga magulang.  Maging ang mga bakla ay pwedeng maging magulang sa bata na hindi napapariwara ang buhay nito.  Na ang pagmamagulang ng isang bakla ay kayang tumbasan nito ang naibibigay na pagmamahal at pagkalinga sa bata katulad ng naibibigay rin ng mga totoong mga magulang.  Sa katauhan ni Coring ay nagparaya siya sa kanyang sarili na maitago ang pagkabakla nito dahil may nakadependeng buhay sa kanya pero ginawa na pa rin dahil sa iyon ang sa tingin niya ang nararapat niyang gawin.  Pero sa huli ay natanggap na rin niya sa kanyang sarili na hindi niya kailangang baguhin ang sarili para maipakita ang pagmamahal at maging magandang halimbawa sa kanyang anak.     Pangalawa,  na hindi madali ang maging bakla dahil sa masamang pagtingin ng lipunan sa pagkataong kanilang pinili.  Nabanggit ni Coring na minsang sumali sa isang gay pageant nang maitanong ng isang host kung ikinahiya ba niya ang kanyang pagkatao.  Nabanggit niya ang karaniwang pinagdadaanan ng mga kadalasang mga binabae sa lipunan.  Naroong tinutukso, umaatikabong palo, mura,  kurot mula sa mga magulang o nakakatanda ang ininaabot ng isang bakla sa kanyang pagkabata.  Katulad ng maraming bakla ay ipinadama na kahit wala siyang kasalanan, walang ginagawang mali,  walang nilalabang na batas at hindi nang-aapi ay hindi niya maintindihan ang mga tao kung bakit ganoon na lamang ang pagtingin at pagmamalupit ng iba sa mga katula niya.   Nabanggit rin niya na Katulad ng pusa kapag natapakan,  ang bakla ay umiiyak din dahil may damdamin.  Kaya nais niya ang pagtanggap ng lipunan at pagkakaloob sa mga bakla ng kalayaan na hindi hinuhusagaan ninuman.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento