Huwebes, Enero 14, 2016

Isang Suring-pelikula sa Dinampot ka lang sa Putik

Larawan ng salitang Putik ang pagiging malagkit, mabaho, at madumi.  Karamihan sa atin ay ayaw ng putik lalo pat kung mabahiran tayo nito ay siyang maglalagay sa atin sa hindi kaaya-ayang sitwasyon.  Metapora ang Putik sa Kwento ng Pelikulang Dinampot Ka Lang sa Putik na pinagbibidahan ni Maricel Soriano sa katauhan ni Malou.  Si Malou ay dating nagkaroon ng isang kasintahan na nadawit sa isang iligal na gawain na siya ring naging ama ng kanyang anak sa isang probinsiya.  Dulot na rin ng kawalang kaayusan ng kanilang pagsasama ay minabuti ni Malou na lisanin ito kapiling ang anak at nagtungo ng Maynila.  Samu’t saring kalbaryo ang kanyang pinagdaanan sa buhay katulad ng muntik na siyang gahasain ng apo ng kanilang tinitirhan.  Nakapagtrabaho siya sa isang karendarya na nakaranas din siya ng pang-aapi sa may-ari at sa anak nito nang minsang itinago niya ang tira-tirang pagkain para sa kanyang anak.  Hanggang sa makilala niya si Edmond (Christopher de Leon) nang minsang maisama siya ng kaibigan nitong nagdala sa kanya para magtrabaho sa isang klab para may maipambabayad para makalabas ang anak na nasa-ospital.   
Mula sa kaputikang sinadlakan ni Malou ay unti-unti siyang iniaahon ni Edmond sa pagpapadanas nito sa babae ng marangyang buhay na dinadanas niya.   Ipinakilala siya ng lalake sa mga alta sa ciudad nitong mga kaibigan na halos ikinabago ng kalagayan ng pagkatao ni Malou.  Kailangan niyang maging class din sa tingin ng iba kaya pinag-aralan niya kung paano umasta ang isang taong may pinag-aralan katulad ng pagsasalita nang mahusay sa Ingles.   Magkagayunpaman,  lumalabas pa rin ang pagiging matapang at palabang babae si Malou na walang sinasanto kapag inaagrabiyado ang pagkatao nito.  Sa tuwing may mang-aapi sa kanya ay sinusuklian rin niya ito ng kanyang kabangisan katulad ng pagsisigaw at pananampal.   Sa kabila ng pagkagusto ni Edmond sa babae at madalas na pagpapatawad nito sa mga pagkakamaling ginagawa ay nais naman ng kapatid (half sister) nito na si Gemma (Charo Santos) hiwalayan ang sinundan at si Samantha (Maritoni Fernandez) ang pilian niya.  Kinausap ni Gemma at Samantha ang bilanggong minamahal ni Malou na si Ambet.  Pumunta ito sa tahanan ng babae upang mabawi ang anak at suyuin si Malou pero buo na ang loob ng babae na hindi ito makikipagbalikan at hindi ipagkakaloob ang anak.   Hindi nagtugmpay sa balak si Gemma at si Samantha sa kanilang ninais na agawin ni Ambet si Malou at ang anak nito kay Edmond.  Sa halip ang pangyayari iyon ang siyang dahilan na mapatay ni Samantha si Ambet ng aksidente ang huli ng matamaan ito ng bala at siya niyang ikinasawi.  Samantalang payapa naman nagpakasal at nagsama sina Ambet at Malou.
Inilalarawan ng pelikula ang kahirapan sa buhay na minsan kahit alam mong mali ang isang gawain pero ginagawa mo pa rin para lang may maipakain ka sa pamilya at anak.  Pinasok ni Malou ang pagsasayaw sa bar kahit mabigat sa kalooban nito at maaaring ikapapahamak niya ang ganoong klaseng gawain lalo pa’t kung sino-sinong mga lalake ang kanyang nakakasalamuha.    Makaminsan,  ang mga nasa syudad ay nanamantala rin sa mga taong nasa probinsya.  Si Malou ay kamuntik ng magahasa ng apo ng may-ari ng tintirhan nilang bahay ng kanilang anak.  Ikalawa’y ang panglalait at pang-aalipusta na kanyang dinanas mula sa mga may-ari ng karinderyang pinasukan.  Dahil sa pagmamahal ni Edmond ay naiahon nito ang pagkasadlak ni Malou sa putik sapagkat di nampot niya ito at nilinis.  Sa pag-ibig, minsan mahirap wariin kung bakit ka nakadama ka ng pagmamahal sa isang tao kahit may nakikita kang hindi maganda sa kanya.  Taglay na ni Samantha ang ganda at talino pero kahit anong pilit niya na mapa-ibig ang lalake pero ay tila mailap pa rin ito sa kanya.  Samantalang sa isang hamak na probinsiyana at  mal-edukada tumibok ang kanyang puso.  Nagmahal nang totoo si Edmond dahil hindi na kinikilala nito ang mga maling nakikita ng kanyang isip sapagkat sumasamo naman sa kanyang puso ang pagpapatawad sa mga pagkakamali sa tuwing gumagawa si Malou ng hindi maganda.  Pinatunayan ito sa kanyang mga pananalikta na  "Sa pagmamahal kung higit kang nagbibigay, higit mong matatamo ang kaligayahan." Sa pag-ibig din ay walang makakahadlang basta’t handa ang bawat isa na ipaglaban ito.  Ayon sa din sa pahayag sa kanilang poster:  YOU CAN’T PUT A DAMN GOOD WOMAN DOWN!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento