Si Dorina Pineda
(Sharon Cuneta) ay isang masugid na tagahanga ng isang tanyag na mang-aawit na
si Lavina Arguilles (Cherie Gil). Bawat
araw ay sinusubaybayan niya ang takbo ng karera ng nasabing mang-aawit dahil sa
matinding paghanga nito. Hindi
nakakaligtaan na bilhin ang mga magasin na pinapaksa at inilalarawan si Lavina
kahit sa kakarampot na kita nito sa paglalako ng sampaguita. Madalas ding nag-aabot ng mga sampaguita si
Dorina sa hinahangaan. Maging ang oras
ay halos inilaan na ng tagangahanga, dahil
minsan ay nag-aabang na ito sa gate ng bahay masilayan lamang ang kanyang
iniidolo. Sa kabila ng lahat ng mga ito, ay ikinukubli
ni Lavina Arguilles ang kanyang masamang pag-uugali na makasarili, nakasentro lamang ang buong panahon sa trabaho
at maging ang mapanghamak sa kapwa.
Nakilala ni Dorina si Nico (Christopher De Leon) ang masugid na
manliligaw ng mang-aawit at natuklasan nitong huli ang ganda ng boses ng babae. Napag-isip-isip ng lalake na pwede niyang
magamit si Dorina para pabagsakin si Lavina sa kanyang kasikatan lalo pa’t nahihirapan si Nico sa kung paano niya mapapayag
ang babae na ibigin siya at maisama ito sa dambana.
Nang magkaroon
na rin ng pangalan si Dorina sa larangan ng pag-awit ay nakadama si Lavina ng
pagkagalit at pagkainggit dahil ang isang hamak na tagahanga ay tila nagnanais
ito na maungusan siya at maagaw ang kinang ng kanyang bituin. Minsan dumalo si Lavina sa pagbubukas ng
Zoni Recording Company na pagmamay-ari ni Nico at ang partner nito na si Zosimo
kung saan si Dorina ang kauna-unahang mang-aawit na ipinakilala nila. Doon natuklasan ni Dorina ang masama at
mapangmatang pag-uugali ni Lavina nang masabuyan ito ng tubig sa mukha dahil sa
hindi matanggap ng huli na ang isang mababang tagahanga ay bumubuo na rin ng
kanyang sariling pangalan sa industriya ng pag-awit. Naisip ni Dorina na bagaman inspirasyon niya
dati si Lavina para magtagumpay sa buhay ay gusto niyang makaganti buhat noon
na pantayan ang kasikatan ng hinahangaan at tuluyan nang pataubin ito sa tulong
ni Nico. Sa madalas ding pagsasama ni
Nico at ang pagiging mailap ni Lavina sa pagmamahal nito sa kanya ay unti-unti
na ring nahuhulog ang loob ng lalake kay Dorina. Malaki ang naging tulong ni Nico sa pagbuo
ng pangalan ni Dorina kaya ang pangyayaring ito ang pumukaw kay Lavina na tila
isinilang na ang papalit sa kanya. Sa pagkakataong ito ay pinakiusapan na ni
Lavina si Nico na dahil siya naman ang bumuo sa pagkatao ni Dorina ay siya rin
ang may karapatan na pabagsakin ang mang-aawit kapalit ang ninanais ng lalake
sa kanya. Hindi ito nangyari dahil mas
hinayaan ni Nico na tuluyang mamayagpag si Dorina at maipadama ang pagmamaha
nito sa huli. Pareho ng nagkaroon ng
pangalan ang dalawa sa larangan ng musika kaya naisipan ng mga nasa likod ng
kanilang kasikatan na pagtambalin sa iisang konsert para makahatak ng mas
marami pang manonood.
Inilalahad sa kwento ang pagkapanatiko, pagbabago ng ugali
dahil sa kasikatan at pagpapatawad.
Si Dorina ay sumasagisag sa mga taong may matinding paghanga sa iniidolo
na lahat ay gagawin para lamang makapiling at maipadama sa hinahangaan ang
suporta at pagmamahal. Kahit na
kakarampot lang ang kinikita ay magsusumikap mayroon lamang perang mailaan para
maipambili ng mga bagay na may kinalaman sa iniidolo katulad ng magasin at
plaka. Walang masama ang paghanga kung
magsisilbi lamang itong inspirasyon na makapagpapabuti at makapagpapaunlad sa ating
pagkatao. Dahil sa nasa rurok ng
katanyagan si Lavina ay ginawa nitong mayabang,
mapangmataas, at makasarili. Lagi
nating isasaisip na anumang tagumpay na naabot natin ay magiging pansamantala
lamang kaya walang dahilan para baguhin nito ang ating pag-uugali at pagkatao. Sa halip katulad ng isang punong kahoy na
habang tumatagal at yumayahong ay mas lalong lumalaylay ang mga sanga nito na
may mga dahong nakayuko patungong lupa. Ibig sabihin, kung tayo ay dumadanas ng mga pagtatagumpay ay
mas lalo tayong maging mapagkumbaba at magkaroon ng mabuting pakikikapwa.
Sa huli, sinabi
ni Dorina na ang anumang tagumpay niya ay utang ito sa mga taong nagmamahal at
sumusuporta sa kanya. Na kung hindi
dahil sa kanila ay hindi niya maabot ang tugumpay na tinatamasa na at sinabi
niya na mahal niya ang mga ito. Winika niya
na mas pipiliin niya na maging pangkaraniwang tao at napagtanto niya na hindi
siya karapat-dapat maging superstar katulad ni Lavina. Sinabi niyang ang susunod na awit ay huling
awitin na rin na maririnig mula sa kanya na pinamagatang Bituing Walang
Ningning. Ipinakita ni Dorina ang paggalang at pagpapatawad sa kanyang
iniidolo sa kabila ng paghamak nito sa pamamagitan ng paghalik at pagsuot ng
sampaguita sa leeg bilang tanda na si Lavina pa rin ang nag-iisang bituin na
kanyang hinahangaan at naging inspirasyon.
Inilalarawan lamang nito na hindi natin kailangan makipagkompetensya sa
iba dahil bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang angking galing na pwedeng
ipagmalaki sa Diyos at mga tao na tangi rin sa iba. Minsan, mainam na rin na patawarin ang
sinumang gumawa sa atin ng masama para sa ikapapayapa ng ating sarili at
ikagagaan ng ating loob. Bagaman
ipinakita niya na si Lavina pa rin ang dapat kilalanin na maging bituin pero sa
puso ni Nico ay siya naman ang itinuturing na bituin dahil malinaw na mahal na
mahal nila ang isa’t isa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento