Linggo, Enero 24, 2016

Patayin sa Sindak si Barbara - Muling-sulyap sa Sine-pinoy Klasik


Kuha ang larawan sa google
Si Barbara (Lorna Tolentino) ay mapagmahal sa kanyang nag-iisang kapatid na si Ruth (Dawn Zulueta).  Lahat ng mga ninais ng nakababatang kapatid ay pinagbibigyan ni Barbara tanda ng pagpapahalaga nito sa kapatid.  Minsan nakatagpo niya ang isang lalake na si Nick (Tonton Gutierrez) na nagkataon namang natitipuhan din ng nakakabatang kapatid nito na winika ng huli na kikitilin ang sariling buhay kung hindi mapapasakanya ang lalake.  Ginawa ni Barbara ang lahat para lamang mapagbigyan ang hiling ng kapatid kahit kapalit nito ay kabigatan ng kanyang puso dahil ninanais din niya si Nick.  Dala na rin ng pagmamahal ni Nick kay Barbara ay pinagbigyan niya ang nais nito na ligawan at mag-iisiang-dibdib sila ni Ruth.
    Sa hangaring mabigyang laya ang dalawang ikinasal, matutunang ibigin ng lalake si Ruth at mabaon sa limot ang nararamdaman ni Barbara ay minabuti niyang mangibang-bayan sa Estados Unidos pero siya pa rin ang sinisigaw ng damdaming iniwanan sa Pilipinas.  Ginimbal pa rin siya ng kanyang mga alaala nang makaabot ang balita sa kanya na nagpakamatay ang kapatid nito sa kadahilanang iniisip nito na niloloko siya ng lalaking kanyang pinakasalan.  Kita ng dalawang mata ng kanyang anak na si Karen (Antoinette Taus) ang pagsasaksak nito sa kanyang sarili ng isang kapirasong basag na salamin sa may dakong tiyan. Nagbalik si Barbara sa Pilipinas para ipagluksa ang pagpanaw ng kapatid.  Dito unti-unti ng natutuklasan ang kahiwagaan ng pagpapakamatay ng kapatid.      
                Natuklasan ni Barbara na sumangguni si Ruth sa isang black magic na nagbigay-linaw sa kanya na ang pagkakaloob ng kanyang kaluluwa sa kapangyarihang itim ay siyang tutulong  sa kanya para makabalik at makaganti sa mga taong nang-aapi sa kanya’t nagdulot ng pait ng kanyang puso.  Lalong lalo na ang babaeng gustong ipagpalit sa kanya ng kanyang bana.  Minsang sumapi ang kaluluwa ni Ruth sa manika at minsan din sa anak na si Karen. Natulungan si Barbara ng esperitistang nagbulid kay Ruth sa kapangyarihang itim pero idinulot din nito sa kanya ay ang pagkabawi ng kanyang buhay.  Sa bandang huli ay munting ng ikapahamak ni Barbara ng makumbinse siya ni Ruth na sumama sa kanya sapagkat ayaw ng huli na mapag-isa dahil malungkot.  Kitang-kita ni Barbara ang nagliliyab na apoy na larawang impyerno’t may sumisigaw ng mga kaluluwang sinusunog pero nailigtas siya ni Nick nang itinalon niya ang sarili at si Ruth sa impyerno. 
               
Kuha ang larawan sa google
           Ipinakita sa karakter ni Ruth ang pagiging makasarili.  Lahat ng ninanais nito ay gustong makuha kahit ang kapalit nito ay ang pagpaparaya ng ibang tao.  Hindi iyon isang magandang larawang dulot ng pag-ibig dahil ang tunay na kahulugan ng pag-ibig ay maganda at malinis.  Sa simula pa lang ay hindi na maganda ang ipinakita nito sapagkat nagkakaroon ito ng kundisyong delusyon at minsan nagbanta na ito na papatayin ang sarili sa oras na hindi mapapasakanya ang lalaking hinahangad.  Ang pag-ibig kailanman ay hindi hinihingi at nililimos kusa itong ipinagkakaloob na walang kundisyon.  Dahil likas sa tao na gustong maging malaya ay hinanap ni Nick ang kanyang sarili at kaligayahan sa pamamagitan ng pakikipagdaupa sa ibang babae at paghahangad na masisilayan pa rin si Barbara.  Ipinagkaloob na sana ni Ruth kay Nick ang makapagpapaligaya sa kanya kahit pagsasama nila ni Barbara sapagkat ang totoong nagmamahal ay ikakasiya nito ang ikaliligaya ng kanyang minamahal.  Maaari sanang makahanap pa si Ruth ng lalakeng karapat-dapat sa kanya at hindi nalagay sa kasamaan ang kululuwa nito.  Ang pagiging masama ng isang taong dumanas ng pag-ibig ay kailaman hindi nagiging masamang tao dahil sa pag-ibig kundi sa pagiging makasarili nito o ang tinatawag na ego.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento