Huwebes, Hulyo 20, 2017

Sa Pagiging Epektibong Pinuno

         
 
Kuha mula sa google image
Mula pa man noong ikaw ay nag-aaral sa hayskul ay nakaranas ka na maging pinuno sa klase.  Ang pagiging presidente,  na kung wala ang titser ay ikaw ang pumapalit sa kanyang katayuan.  Ikaw ang nagiging tagapamayapa sa mga magugulo at maiingay mong mga kaklase.  Tagalista sa mga nag-iingay at kung minsan ikaw pa ang lumalabas na kontrabida kung nailista ang kaklase dahil sa idini-deny naman niyang wala siyang ginawang pag-iingay kaya kung igigiit mo mababawasan na ang listahan ng mga kaibigan mo sa buhay.  Kung minsan pa nga ikaw na ang tumatanggap ng pagbubulyaw ng titser kung napagalitan ang klase dahil naingayan ang ibang titser mula sa ibang klase dahil wala kang pagkontrol na ginawa.  Noon namang nagkolehiyo ka,  naatasan ka pa rin na maging pinuno sa pangkat mo sa klase sa Filipino.  Gagawa ng isang   role-play na nagpapakita ng kahalagahan ng wika sa lipunan.  Minsan sa iyong pagiging pinuno ay dumanas ka marahil na magkaroon ng mga miyembro na nakikinig lamang sa isang tabi habang may mga kasapi naman na kailangan mo pang pilitin o hikayatin para gawin ang ibinigay na responsibilidad sa kanila.   Ang pagiging pinuno ay napakakumplikadong gawain.  Maaaring ang kapamaraanan na ginamit mo ay hindi naman mainam para sa iba.  Sa kabila nito,  maaaring mayroon kang iyong kapamaraanan o taktika para sa iyong pamumuno kung paano mo ginagampanan ang ganitong klaseng tungkulin.  O maaari namang hindi mo pa talaga naranasan o maaaring nakaranas ka pero hindi mo naman napagtagumpayan sa kasalukuyan.  Ang tekstong ito ay maaring makatulong kung paano mo pa higit na mapapaunlad ang isang mahusay na pamumuno hindi lamang sa samahan na iyong kinaaniban ngunit kahit mismo sa sa loob ng ating bahay.
            Maaari mong buuin ang sarili bilang tagamasid lamang sa iyong paligid.  Minsan naman kung pinuno ka hindi mo kailangan na ipakita sa iba na madalas ikaw ang nagbibigay ng direksyon.  Ang kadalasang depinisyon natin sa pagiging lider ay kailangan mauna ka bago ang iyong pinamumunuan.  Na ikaw mismo ang nasa harapan at kailangan kasunod sila dahil kung wala sila sa likod mo maaari mong ikapanghina ito o maaari mong ikagalit at gagamitin mo ang iyong awtoridad.   Sa bahaging ito, dahil tagamasid ka nga lang,  hahayaan mo lang na magampanan ng mga pinamumunuan mo ang kanilang tungkulin at maging kabahagi sila sa tinatawag na proseso.  Basta’t alam nila ang kanilang mga tungkulin at maliwanag na sa kanila ang kanilang responsibilidad.  Maaari ka rin namang magbigay ng mungkahi para sa pagpapaunlad pero kailangan mo pa ring ipagkatiwala ang gawain sa kanilang iyong pinakakatiwalaan.   You need to suspend your desire to be seen as an authority figure.   Ang buong konsepto ng pagiging pinuno ay kung napapakilos mo ang iyong pinamumunuan kahit minsan medyo may kabigatan ito sa kanila.   Tandaan lamang na ang pagsasagwa niyon ay hindi sa anumang bagay na matatamo nila kundi maaaring mapapaunlad sa proseso nito ang kanilang puso at kaluluwa sa kanilang ginagawa.    
           
Maging halimbawa sa pinamumuunuan na napananatili parin ang pagiging kapalagayang loob sa isa’t isa.   Mainam na ikaw ay maging isang magandang halimbawa sa iyong mga pinamumunuan na humihikayat sa kanila na maging responsable din sa kanilang ginagawa at gawin ang ayon sa nakabubuti para sa samahan.    Katulad ng iyong pagsisiskap sa pagpapabuti ng samahan ay kailangan na hayaan ang pinamumunuan na dumiskubre sa mga mainam na kapamaraanan para sila ay maging insipirado at tamuin ang kanilang hinahangad na tagumpay sa kanilang mga buhay.  Always lead by example.       
            Mainam din na ang mga mabuting naggagawa ng iyong pinamumunuan ay napahahalagahan mo.   Kadalasan kasi ang mga ipinagkakatiwala nating gawain sa ibang tao,  kapag nagawa na nila kahit napakaganda ng kinalabasan ay hindi tayo naglalaan ng panahon para ito ay ma-appreciate.    Kahit man din na ikaw ay hindi napahahalagahan sa mga dating naggawa mong mabuti at kahit sa kasalukuyan,  mainam pa rin na napahahalagahan mo ang mabuting gawa ng iba.   Ang iyong pagsabi ng “napahanga mo ako”,  “napakahusay ng iyong ginawa” o kahit ang “job well done” ay malaking tulong na sa pagbuo ng katauhan ng iyong pinamumunuan.  Mas makukuha mo ang loob ng iyong pinamumunuan kung naggagawa mo silang pahalagahan kahit sa simpleng kapamaraanan.   Wala na sigurong nakahihigit pang ninais ng isang tao sa kanyang buhay kundi ang maramdaman niya na mahalaga siya para sa ibang tao.  Kaya nga minsan ang mag-asawa ay naghihiwalay dahil naramdaman nilang sila ay tini-take for granted ng isa.  Likas sa tao na naghahangand ng appreciation at encouragementAppreciate.  Tandaan mong palagi na hindi purke’t nag-a-apreciate ka ay may karapatan ka na ring sabihin ang nais mo kahit ito ay hindi maganda sa pandinig ng iba.   Kailan man ang isang taong nambabastos ng iba tao lalong-lalo na sa karamihan ay hindi makakuha ng respeto sa iba lalo pa na ang iba ay wala sa kanilang prinsipyo ang salitang pag-unawa dahil kahit sa kanilang sarili mismo ay may karugtong ding insekyuridad.  Iwasan ang pangugutya o ang pagsabi ng masasakit na salita sa iba at maging mayaman sa sa halip ng mga pagpapahalaga sa mabuting gawa ng iba.   You can actually praise in public or in private.    Yaong mga taong pini-praise ng mga pinuno ay lumalabas na nagkakaroon ng pagpapahalaga sa sarili at kumikilos sila sa isang kooperatibong kapamaraanan sa halip na sila ay nakikipagkumpetensiya sa kapwa manggagawa.
            Huwag maging awtoritaryan na pinuno.  Huwag gamitin ang dahas sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita na maaaring makakasakit sa ibang tao.   Minsan nakakadama ka ng pagka-insulto lalo na kung iyong mga pinamumunuan mo ay ayaw sumunod sa gusto mong iutos sa kanila.  Kaya ang ginagawa mo ay tinatakot mo sila sa mga pahayag na mag-iingat ka dahil sa ebalwasyon ang pantapat ko sa iyo para hindi ka ma-promote.   Walang pinagkaiba ito sa isang guro sa loob ng silid.  Napakatapang ni titser kaya kunting pagkilos lamang ay parusa na ang katapat kundi man pisikal ay maaaring sa mga di matatawarang masasakit niyang mga salita.   Sa ganitong usapin,  maaring siya lamang ay naghasik ng panakot sa mga bata pero sa kanyang pag-alis ay balik na naman sila sa pagiging magulo.  Dahil ang kanilang pagkakaroon ng disiplina ay hindi bukal sa kanilang kalooban kundi dahil sa takot (fear) na iniimpose ni titser.  Kaya kung isang pinuno na nagpapahalaga sa salitang praise ay maaaring magkakaroon ng magandang impak sa mga pinamumunuan na nagkakaroon sila ng pansariling-disiplina nandiyan ka man o wala sa kanilang harapan ay tiyak magtitino sila.   Ang isang bata na dinisiplina sa dahas na kapamaraanan katulad ng pagsisigaw at pagpapalo ay maaaring madadala niya ito sa kanyang pagtanda.   Maaari nilang pamaresan ang ganitong taktika kung sila ay magka-edad na rin o magkakaroon ng anak  (hateful tactics).  Maaari naman nilang maipasa ito kanilang magiging anak hanggat hindi napoproseso at iniisip na ito ang tama.
            Magtiwala sa sarili at sa iyong mga pinamumunuan.   Ikaw na pinuno na nagtitiwala sa kakayahan ng iyong mga pinamumuhuan ay pagkakatiwalaan din ng mga pinamumunuan mo.    Kung nakapagbabahagi ka na ng mga panuto,  mungkahi,  at sarili mong karanasan ay ipagkatiwala mo na sa kanila ang isang gawain.  Allow them to realize that they can do it on their own and how rewarding it is if they do it well.   Hayaan mo na sila na ang magdedesisyon para sa kanilang sarili at magkaroon ng pagmamalaki sa anuman ang kanilang naggawa.  Kung kailangan payuhan dun ka na lalabas o kung kailangan na silang i-appreciate din mas mainam naman sabi ni Lao Tzu sa kanyang pahayag na:  Instead of believing that you know what’s best for others,  trust that they know what is best for themselves.  
            Ang pinakatagong prinsipyo sa tekstong ito ay magkakaroon ng tiwala sa iyong pinamumunuan.   Maaari kang maging lider hindi lamang sa inyong samahan,  sa inyong klase,  kundi kahit mismo sa iyong pamilya.   Hayaan mo silang tuklasan ang mga bagay na makapagpapaunlad sa kanilang sarili at makapagpapasaya hindi dahil dinidiktahan mo sila palagi sa anumang gusto mong mangyari.  Kung nakaggawa sila ng mabuti at nagtagumpay,  huwag mong akuin sa halip pasalamatan mo ang iyong sarili nang buong katahimikan sa mabuting naidulot mo sa iba.   Mahalin mo ang iyong pinamumunuan na hindi naghahangad ng anumang kapalit.  May rason kung bakit nangyayari ang lahat.  Maging masaya ka sapagkat ang karanasan mo sa kasalukuyan ay isang siyang magtuturo sa ikagaganap ng iyong pagkatao.   Ang araw ay sumisikat sa bawat araw upang magbigay liwanag,  at enerhiya sa sangkalupaan pero kahit kailanman ay hindi siya umaasa ng anumang kapalit.      
           







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento