Linggo, Marso 6, 2016

Maagang Pagtulog, Pag-iwas sa Karamdaman



             

Minsan ang hindi pagtulog sa gabi ay nangangahulugang pera o tagumpay sa buhay.  Marami sa ating mga manggagawa ang hindi natutulog sa gabi lalong lalo na sa mga taong na sa mga callcenter,  sa isang paggawaan,  nagmamaneho ng mga sasakyan at iba pang mga paggawa na nangangailangang ng puyatan.  Karamihan din sa atin ay kusa nating pinipili na hindi matulog sa gabi dahil nagbababad tayo sa kompyuter,  sa paglalaro ng DOTA o di naman kaya ay makihalubilo sa iba sa pamamagitan ng social media.  Minsan ay nahuhumaling tayo sa madalas na pagpaparti.  Magkagayunpaman,  ang hindi natin pagtulog sa gabi ay may malaking mga epekto sa ating sarili maging sa kasalaukuyan at sa mga darating na panahon.
             Inaasahan sa bawat indibidwal ang pagtulog sa gabi ng walong oras.  Maaaring i-iskedyul ng mula alas 9:00 n.g hanggang alas 5:00 n.u.  Hindi rin matatapatan ng araw na pagtulog sa gabi sapagkat binuo ng Diyos ang katawan ng tao para pagpahingain sa gabi.   Kung naging gawi na natin ang madalas na pagnanakaw ng oras na dapat sana ay sa pagtulog maaaring magbubunga ito ng hindi maganda o maging  kapahamakan ng ating kalusugan.  Ilan sa mga bunga na agad mong madarama kapag panakanakang kulang tayo sa tulog ay ang pagiging mainitin ang ulo,  pagkapagod ng katawan at maging ang kakulangan ng pokus.  Maaaring darating din sa punto na ang madalas na hindi pagtulog ay nagpapahina ng retensyon ng iyong pag-iisip (memory retention) o di naman kaya ay kahirapan sa pagdedesisyon sa sarili at mga bagay-bagay.  
Epekto naman ng madalas na hindi pagtulog sa panghinaharap ay ang problema sa kalusugan kabilang na ang pananaba (obesity).   Ayon kay Siebern (sa Peri, 2014) ang pinaikling pagtulog ay may kaugnayan sa pagbaba ng leptin ng katawan ng isang tao at pagtaas ng ghrelin isang biochemical na siya namang nagpapasigla sa pagkagutom kaya nagiging ganado ang isang tao na kumain kapag kulang siya sa tulog.  Nagpapataas din ito ng cortisol sa ating katawan ang sinasabing stress hormone ng ating katawan.  Nagbubunga  rin ang kakulangan ng tulog sa pagtaas ng insulin sa ating katawan, isang hormone na nangangasiwa sa pagpoproseso ng glucose at gumagawa ng fat storage, kaya mas mataas na insulin mas hatad sa pananaba at maging sakit na dayabetis.   Sinasabi ring nakapagpapataas ng dugo ang hindi pagtulog na magbubunga ng hypertension ng isang tao na minsan ay nauuwi sa mga karamdamang may kinalaman sa mga sakit sa puso.   Ang talamak (chronic) na hindi pagtulog ay may pagsang-ayon (correlated) sa pagkadepres, pagkabalisa, at maging mga karamdamang mental ng isang indibidwal.

Malaki ang maitutulong ng pagtulog sa ating immune system sapagkat nagkakaroon ito ng mga sabstans na lumalaban sa impeksyon ng ating katawan.   Kaya higit na inaasahan din ang isang taong may karamdaman na mas habaan pa ang kanyang pagtulog para sa kanyang ikagagaling.  Ang madalas na hindi pagtulog sa tamang oras ay ang pagbaba rin ng bilang ng taong mabuhay sapagkat ibubunga nito ang iba’t ibang karamdaman sa katawan ng tao.   Ang lola ng umakda nito ay buhay pa rin sa kasalukuyan (2016) sa edad na 94, tanging problema lamang sa pandinig ang iniinda niya pero nakakalakad pa rin siya ng maayos at nakakaalala pa.  Isa sa sekreto ng pagpapahaba ng buhay niya ay ang sapat na tulog.  Pagtulog nang maaga at paggising nang maaga.  Iminumungkahi sa mga mag-aaral na sa mga pagkakataong hindi inilalaan ang oras sa pag-aaral na sa halip na mag-DOTA at mag-facebook ay pagpahingain ang sarili at matulog nang maaga.






Napaghanguan:
   Peri, C. (2014).  10 Things about sleep loss.  Retrieved from:                                                        
                    http://www.webmd.com/ sleep-disorders/excessive-sleepiness-10/10-results-sleep-loss

    Ang larawan ay mula sa google image. 

  

Linggo, Pebrero 7, 2016

Magdusa ka Film Summary


         Ang Magdusa ka ay kwento ng isang babae na nagngangalang Christine (Dina Bonnivie) na anak sa labas ng isang mayamang na si Bernardo Doliente.  Ang kanyang ina naman na siyang nagpapalaki sa kanya sa loob ng labing-siyam na taon na si Toyang  (Nida Blanca) ay dating labandera ng mga Doliente.  Nagalaw ng nasabing Bernardo ang ina ni Christine at siya ang naging bunga nito.  Dahil sa isang maralita ang ina ay itinakwil ito at hindi nagkaroon ng suporta mula sa mga mayayaman.  Pinangarap ni Toyang para sa anak na makatapos ito sa pag-aaral at siyang maging dahilan para makaalpas sila sa pagkasadlak sa kahirapan.   Lingid sa kaalaman ng ina ay mayroon ng kasintahan si Christine sa katauhan ni Rod  (Christopher De Leon) na isang drayber ng dyip.  Bagaman nagpapakita ng interes ang nasabing lalake sa babae pero nakikipagdaupang-palad naman ito sa ibang bababe.
                Natuklasan ni Toyang ang pakikipagkita ni Christine kay Rod bunga nito ay pinalayas ng ina ang anak.  Sinakap ng anak na magpaliwanag pero naging sarado na ito para pakinggan pa ang anak at kagyat na itong pinalayas.  Nakipanuluyan na si Christine sa bahay ni Rod pero hindi rin ito nakatiis dahil sa mayahap na mga naririnig sa ina ng lalake at ang madalas na paglalasing.   Tanging mauuwian na lamang ni Christine ay ang ama na dati ng nag-alok sa kanya ng tulong pero tinalikuran niya pero tumanggap ng pera. 
                Sa pag-aakala na magiging magaan na ang buhay ni Christine pero taliwas ito sa kanyang inaasahan sapagkat nakapiling niya sa mansion ang asawa ni Bernardo at ang anak nitong Millet.  Nagkaroon ng kasunduan ang dalawa na gagawin ang lahat na masira si Christine sa mata ng ama at sa lolang si Donya Perla para hindi mapunta sa kanya ang mga pamana.   Makailang beses din na pinakialaman ni Millet ang mga alahas ng Donya at ang itinuturong may kagagawan nito ay si Christine.  Nagalit si Donya Perla kung paano nakarating ang alahan nitong kwintas sa babae, hindi napigilan ni Christine na sagutin ng pabalang ang donya kaya nauwi ito sa pagpapalayas sa kanya.
               
Umuwi si Christine sa ina pero hindi ito pinagbuksan ng pinto sa kabila ng pagkukumahog nito na makapasok.  Tanging nasabi na lamang na magdusa ka sa anak.  Pumunta din siya sa tinutuluyang isa pang babae ni Rod pero sinabi lamang ng nagsisinungaling na babaeng tinanong na wala doon si Rod.  Sa kabila ng kalupitan ng ina ng kaibigan nito ay walang nagawa si Christine kundi tanggapin na lamang ang kapalaran kahit aping-api siya habang napapalapit naman ang panganganak nito.  Samantala,  dahil naging matagumpay sina Millet at ang ina nito sa kanilang balak na mapaalis ang totoong anak ay narinig ang kanilang masamang balak ni Donya Perla hanggang sa nagmura ito.  Ikinagalit ito ng mag-ina na siyang naging dahilan sa pagkatulak nito sa hagdanan. 
                Dumating ang takdang panahon na manganak si Christine sa isang publikong ospital.  Tinulungan siya ng kaibigang nagmamay-ari ng tinitirhan, ni Rod at ang nakumbinse nitong ina.   Naisilang ang bata.  Ginusto ni Bernardo na magkabalikan silang magkamag-anak lalong lalo na wala na si Donya Perla at aksidenteng napatay naman nito ang isa pang asawa.  Pero hindi pa rin napilit nito si Toyang kahit gustuhin man ni Christine.  Nagkapatawaran ni Rod at si Christine sa bandang huli. 

                 

Pelikulang Relasyon ni Ishmael Bernal - Isang Pagsusuri

           
Si Malou ay isang taga-giya ng isang Planetarium samantalang si Emil naman ay isang guro sa kolehiyo.  Pinagtagpo ang dalawa ng tadhana sa hindi inaasahan.  Bagaman, si Marilou ay nag-iisa palang sa buhay,  si Emil naman ay hiwalay sa asawa nito at mayroong anak.  Naisip ng dalawa na hindi sapat lang na silang dalawa ay nasa yugtong magsing-irog lamang, kaya minabuti nito na tumira na lamang sa iisang bubong at magsama ang dalawa.  Habang silang dalawa na ay nagsasama,  dito na unti-unting natutuklasan ni Marilou ang totoong pag-uugalli ni Emil. 


                Naging alila si Marilou ni Emil.   Ipinaglalaba, ipinagpaplantsa,  ipinagluluto,  ipinaglilinis ng bahay, tagapagbantay ng bata at kung ano-ano pang paglilingkod sa huli ang ipinaggagawa sa babae.  Naging sunud-sunuran lang si Marilou sa bawat utos ng lalake.  Minsan ding ikinagalit ni Emil ang pagdadala ni Marilou ng bisita sa loob ng kanilang bahay lalong lalo na ang mga lalake sapagkat hindi raw ito maganda sa paningin ng iba.  Ibinigay ni Marilou ang lahat tanda ng kanyang pagmamahal sa lalake.  Nagsasaydlayn na rin siya sa pagtitinda pandagdag na pangtustos sa mga pangangailangan sa bahay.  Dulot na rin ng hindi magandang ipinakita ng lalake sa babae ay di na natiis ni Marilou ang lahat,  minabuti na nitong umuwi sa kanyang mga magulang.  Pero hindi napanindigan ni Marilou ang kanyang pakikipaghiwalay sa lalake, muli niya itong kinumbinse na magsama uli silang dalawa.  Tinanggap naman ito ng lalake pero hindi na magiging katulad ng dati ang sitwasyon sapagkat nakipagbalikan na rin si Dorothy, ang asawa ni Emil.  Tatlong beses sa isang Linggo na lamang silang nagsasama.


                   Nagkaliwanagan na rin ang dalawa matapos na makapag-usap.  Muli silang nagsama pero sa kasamaang-palad ay natuklasan ng doktor na mayroon brain aneurysm si Emil.  Minsang napag-abot si Marilou at Dorothy sa ospital dahil kailangang manatili ni Emil ng tatlong araw,  tanging nagawa na lamang ng kerida na si Marilou ay ang umalis lalo pa at tinawagan ni Dorothy ang kanyang katulong na magdala ng mga gamit katulad ng daster kasi nais ng huli na siya mismo ang magbabantay ng kanyang asawa.   Hindi rin nagtagal ay binawian ng buhay si Emil nang minsang sumakit ang ulo nito dala ng karamdamang nabanggit.   Walang naggawa si Marilou kundi magdalamhati na malayo sa lalakeng minamahal.   Ipinakitang ang asawa pa rin ang may karapatan sa pag-aasikaso sa lamay at pagpapalibing.  Minabuti na lamang ni Marilou na magtungo sa Amerika. 

                      Ang mga isyung ipinapakita sa kwento ay pagiging kabit,  pagdidiborsyo,  pagiging martir,  patriarkal,  at sikolohikal.  Ipinakita na walang karapatan si Marilou sa lahat ng panahon kay Emil sapagkat legal na may asawa ang lalake.  Kaya ang lahat ng karapatan pa rin ay nasa orihinal at wala sa kabit.  Katulad ng si Dorothy pa rin at ang mga anak nito ang may karapatan sa pagtanggap ng mga pamana ng lalakeng ipagkakaloob.  Kahit na buntis si Marilou ay 2/5th lamang ng mamana ng ligetimong anak ang mamanahin ng kanyang magiging anak.   Samantala, makikitang dihado si Marilou sapagkat katulad ng sabi ng isang abogado walang legal separation sa Pilipinas.  Pwedeng maghiwalay pero hindi pwedeng magpakasal na sa iba ang naikasal na.  Sa batas ang kabit ay walang legal personality katulad ng hindi pwedeng ikabit ang pangalan, walang conjugal property na magaganap at walang mamanahin ang kabit kung mamatay ang lalake.  Makikita rin sa kwento na higit sa isipan ay pinairal ni Marilou ang kanyang pagiging martir sa lalake.  Sa kabila ng pag-aalila ni Emil sa babae katulad ng pagpapaggawa ng ibang gawain,  pagiging matigas, at pagiging agresibo ay buong-buo pa ring tinatanggap ng lalake.   

               
                    Mga Mungkahi sa pag-aasawa na nais paigtingin sa kwento:  Kilalanin muna ang kakasamahin sa buhay bago pagdedesiyunan ang lahat.   Katulad ni Marilou na basta-basta na lamang nagpadala sa bugso ng damdamin kaya saka pa lamang niya nakilala ang buong pagkatao ni Emil na taliwas pala ito sa ipinakita sa kanya nung nanliligaw pa ito.   Ikalawa, maglaan ng oras sa isa’t isa.  Bagamat nagkasama silang dalawa pero nakaikot naman ang kanilang mundo sa kani-kanyang mga gawain.  Pangatlo, kailangang mag-adjust sa pag-uugali ng bawat isa.  Tanggapin ang imperfection at kung may nakitang hindi magandang pag-uugali, at problema ay nararapat lamang ito na pag-uusapan.  Pang-apat,  huwag daanin sa sigawan at pagtatapun ng mga kung ano-anong bagay kapag mayroong hndi pagkakasundo.  Maaaring pag-usapan ito kapag nahimasmasan na ang bawat isa.   Panglima, kung isa ka lamang kabit ay dapat alam mo kung saan ilulugar ang iyong sarili.  Pang-anim, sa pakikipag-relasyon ay kailangan ang give and take.     

Miyerkules, Pebrero 3, 2016

Kalayaan: Sigaw ng Damdaming Nakagapos



Markova: Comfort Gay 
Kalayaan:  Sigaw ng Damdaming Nakagapos


Kung nagkaroon ng comfort women sa kapanahunan ng mga hapon sa Pilipinas,  lingid naman sa kaalaman na nagkaroon din ng comfort gays.  Silang mga binabae na nakararanas din ng pagmamalupit ng mga hapones.  Sila ay ginawang parausan sa tawag ng laman ng mga kalalakihang hapon, nakaranas ng mga pang-aapi at pambubugbog.  Kabilang si Walterina Markova isang comfort gay din na nasa edad 73 na nanatili na lamang sa isang Golden Gays na tahanan sa Pasay City.  Dito pinag-isa ang mga binabae na may edad na at ulila na rin sa mga mahal sa bahay.  Si Markova ay masayahin, punung puno ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang kapwa lalong lalo na sa mga kasama niya sa nasabing tahanan.   Minsan sa kanyang panonood ng telibisyon ay nagkataong naipalabas ang kwento ng mga comfort women na dumanas din ng pagmamalupit at ginawang sex slaves ng mga hapones.  Dahil dito,  ninais din niya na maikwento ang pinagdaanan niya sa buhay na kawangis ng mga babae.   Sa tulong na rin ng kanyang kaibigan ay nakarating sa kanyang tahanan si Loren na sa simula ay hindi makapaniwala na ang hinahanap niyang Markova ay isa palang binabae.
                Bahagi ng naikwento ni Markoba ang kanyang karanasan noong kanyang kabataan.  Galing siya sa nakaririwasang pamilya.   Pangatlo siya sa magkakapatid pero hindi niya maramdaman ang lubos na kaligayahan sa pagiging bakla sapagkat hindi siya tanggap ng panganay na kapatid na si Robert.  Binubugbog at pinandididirihan ng kanyang kuya dahil sa kanyang pagiging malamya at pagiging bakla.   Kung mapag-isa ito ay malaya niyang naihahayag ang sigaw ng kanyang damdamin-ang pagiging babae.  Pero kapag nahuli naman siya ng kuya ay halos makaramdaman na siya na unti-unting pinapatay.  Mahal naman siya ng kanyang ina pero wala itong magawa kundi pakinggan ang tumatayo ding pangalawang ama sa kanilang pamilya.   Napagkaisahan siya ng kanyang kuya at ng kaibigan nito nang pumunta ito sa bahay ng huli dahil may ipinabibigay ang nakatatanda nitong kapatid.   Ginilaw si Walter (Markova) ng lalake para maipadama nito na masakit kapag gagawan ng kahalayan ng isang lalake ang isang baklang katulad niya.  Isang araw inihatid ni Roco sa bahay nila na sumusuka ng dugo si Robert dahil sa isang karamdaman hanggang sa ito ay mamatay.  Nakadama ng pagka-awa si Walter sa halip na galit sa kapatid.
                Sa pagkamatay ni Robert ay siya ring naging hudyat ng pagkabuhay ni Walter sapagkat unti-unti na niyang nailalabas ang kanyang sarili, ang kanyang pagiging bakla.  Malaya na siya.  Dito nagsimulang magkapakatotoong lalo sa kanyang sarili kapiling ang kanyang kabarkada na sina:    Carmen, Sophie, Anita at Minerva.  Kapwa nagdadamit pambabae o crossdressers.  Pinagkakakitaan din nila ang pagiging entertainer sa harap ng maraming tao.   Dahil sa kasagsagan ito ng kapanahunan ng hapon World War II,  nagkaroon si Markova ngayon ng isang hapon na kostumer na nakasiping niya sa Manila Hotel na tinutuluyan ng isang pinuno ng mga kawal pero taliwas ito sa kanyang inaasahang kaligayahan sa piling ng inaasam-asam din niyang lalake.  Bugbog, sampal at pagpadakip ang kanyang inabot nang ito ay matuklasan na siya ay mayroong ari ng isang lalaki.  Buhat noon ay iniutos ng nasabing komander na hapon na ipakulong si Markova at ang kanyang mga kasamahan.   Sa lugar na iyon naransan nilang gahasain at gamitin ng mga hapon tanging pagtangis at pag-iyak na lamang ang kanilang nagawa.  Ipinakita rin sa kwento na may isang hapon din na kawal na nagpakita ng kabutihang-puso at nagkakaloob sa kanila ng pagkain.    Bilang ganti sa kahayupang dinanas niya ay nagpapagamit si Sophie sa mga hapon pero kapag nagalaw na siya ay sinasaksak niya ito hanggang sa mabawian ng buhay.  Nabalitaan na lamang na ginapos  si Sophie at kalaunan napatay ito sa Fort Santiago.   Si Carmen naman ay nabugbog dahil sa daw sa pagnakaw pero nakaligtas.  Tanging siya, sina Anita at Carmen ang nakasaksi sa Liberasyon. 
                Nang nagka-edad na ay huminto na rin sila ng pagko-crossdress.  Si Markova ay naging isang make-up artist na lamang.  Hanggang sa ito ay naging isang koreograper sa mga babaeng gustong maging modelo at dancer sa bansang Hapon.   Samantalang di nagtagal ay nabawian na rin ng buhay si Carmen dahil sa isang matinding karamdaman.  Makikitang ipinagpatuloy ni Markova ang pagsasalaysay pa ng kanyang buhay pero ayaw siyang pinawalaan ni Legarda na nag-iinterview sa kanyang mga naisalaysay kaya binawi na lamang ang tape na ginamit sa pagrerekord at sinabing pagmamay-ari niya iyon sapagkat buhay niya ang naisalaysay.
               
Tatlong bagay ang nais kung ibahagi:  Una ay ang kalayaan.  Minsan sa isang binabae na katulad ni Walter nung kanyang kabataan ay mahirap na maging masaya sa buhay na pilit kang binabago na maging isang taong hindi naman naayon sa kagustuhan mo.   Hindi ka mauunawaan ng iba dahil ang iniisip nila ay sila ang tama at hindi ang iyong nararamdaman sa iyong sarili,  na mali ang naging desisyon mo sa buhay.  Minsan naisip ni Carmen na baguhin ang kanyang sarili dahil parang hindi nagiging mabuti ang takbo ng buhay niya pero namulat din siya nang maitanong ni Markova kung masaya ba siya.    Karamihan sa mga binabaeng katulad niya noon ay dumanas din ng kung hindi man pang-aalipusta at pagmamalupit ng ibang tao, ng lipunan at ang masakit ay mga kaanak.  Kaya sa pagkawala ng taong kumukulong sa kanya ay unti-unti na niyang nadama ang pagiging malaya.   Sa buhay ng isang may pusong babae,  ang pagiging bakla ay hindi sakit at hindi kapalpakan ng Diyos.  May karapatang maging malaya at ipakita ang pagiging totoo niya.   Basta’t walang masamang ginagawa sa iba at nakapaglilingkod sa lipunan nang maayos, di bali nang hindi matanggap sa mata ng mga tao ang mahalaga ay naging totoo ka sa iyong sarili.  Ikanga ni Markova ang katotohanan ang magpapalaya sa isang tao.
                Pangalawa naman ay ang pananamantala.  Nagmistulang alipin sa sariling bayan ang mga Pilipino sa kamay din ng mga hapon.  Naroong kailangan silang yukuan,  tanda ng paggalang sa kanila.  Ang sinuman ang lalabag ay kalabuso ang aabutin sa mga kamay nito.  Naroong pinagsamantalahan sila ng mga hapon at ginawang sex slaves hindi lamang ng isang beses pero maraming ulit.  Wala silang naging lakas na lumaban.  Kaya patunay lang ang pelikula na hindi lamang tanging ang mga babae ang naging tagapaghumpay ng tawag ng laman ng mga hapon kundi pati ang mga binabae na katulad ni Minerva pero hanggang siya ay tumanda at nabawian na ng buhay ang kanyang mga kaibigan pero wala paring hustisya ang nailatag.
                Pangatlo, kasaysayan.  Sapagkat lingid sa kaalaman ng nakararami ay naging bahagi din pala ang mga binabae sa nagbibigay aliw sa mga mata at tawag ng laman maliban sa mga totoong babae.  Hindi ito nabanggit sa kasayasayan kaya ang pelikula din ang naging materyal sa pagpapaabot ng impormasyon hinggil sa comfort gays.    Saklaw ng pelikula ang World War II at ang pagkasakop ng mga Pilipino sa kamay ng mga hapon.   Ang hindi magandang pakikitungo nito sa mga Pilipino at mga pagpatay hanggang sa makamit ang liberasyon at pumalit naman ang Amerika.  Tunay na napakaganda ng pagkagawa ng isang maituturing na biopikong (Walter Dempster, Jr.)  pelikula mula sa kweto nito, pag-arte at mismong pagkagawa.   



  • Hindi pagmamay-ari ng umakda nito ang larawan.  Pasasalamat ang ipinaabot sa google image. 


                














Lunes, Pebrero 1, 2016

Mga Realismo sa Pelikulang Maynila sa Kuko ng Liwanag




1.       KAHIRAPAN. 
             a.       Makikita sa pelikula ang nagtulak kay Ligaya Paraiso (Hilda Koronel) para sumama kay Mrs Cruz ang karalitaan niya sa probinsya.  Pinangakuan ang dalaga na papag-aralin sa Maynila at bibigyan ng trabaho kaya ipinagpalit nito ang simpleng pamumuhay sa kanyang probinsiya at ang kasintahan nitong si Julio Madiaga.  Hindi maikakailang maraming mga ganoong kaganapan sa ating lipunan sa kasalukuyan ang sinasamantala ang kahinaan at kawalan ng iba sa buhay. Na di umano ay pangangakuan ng magandang buhay pero ibubulid pala sa kapahamakan katulad ng pagpapasok sa prostitusyon.  Karaniwang biktima nito ang mga kabataang babae.

                b.      Ang kahirapan ng pamilya ni Atong na kasamahan ni Julio Madiaga sa trabaho na nakatira lamang sa isang barong-barong na bahay o eskwater dala na rin ng kahirapan sa buhay.   Paralitiko ang ama nito at ang kapatid nito na si Perla ay nasadlak din sa pagkakalakal sa sarili para may ikabubuhay.   Napatay si Atong ng walang hustisya at binalaan ang asawa nito maging mga pinsan na huwag magsalita sa kanyang pagkamatay kung ayaw nila na may masamang mangyayari.   Ang masaklap ay nasunog pa ang lugar ng eskwater na nadamay rin ang kanilang bahay.

2.       PANANAMANTALA AT PAGPAPABAYA SA MANGGAGAWA
a.       Nang nasa Maynila na si Julio ay pumasok ito bilang isang manggagawa sa konstruksyon para magkapera.  Kapapansinan ang pananamantala sa kanila ng pinuno na si Mr.  Baladia na pinapasahod lamang ng P2.50 bawat araw.  Makaminsan din ay inililihim din ng nasabing mister ang kanilang sahod para mapilitan ang mga manggagawa na mangutang sa kanila at mapatungan ng interes.  Sa kasalukuyang panahon, marami sa mga nakaririwasa at negosyante sa ating lipunan ang nanggigipit sa kapwa at minsan nagpapautang na pinapatungan ng malaking interes na maglilibing sa isang tao sa utang.

b.      Nariyan ding basta-bastang tinatanggal sa trabaho ang mga manggagawa sa pagsasabing nagigipit na ang kumpanya pero sa totoo lang ay nagtitipid lang ito sapagkat malapit ng matapos ang konstruksyon.  Kabilang sa pinatalsik ay si Julio Madiaga sa konstruksyon na walang malinaw na kadahilanan.

c.       Nang kasisimula pa lamang ni Julio Madiaga sa konstruksyon ay hinimatay ito pero wala man lamang sa namamahala na naglakas-loob na tumulong sa kanyang pagkabulagta sa halip ay tinilungan lamang siya ng kanyang mga kasamahan at inabutan ng makakain dahil sanhi ng hindi pagkakain ang pagkawala ng kanyang ulirat.  Isa pang kasamahan ni Julio Madriaga ang nadisgrasya at nahulog sa gusali pero nagsasawalang-kibo lamang si Mr. Baladia, ni dinala ito sa ospital para maisalba ang buhay.  

d.       Walang karapatan na magpahayag ng saloobin sa paglalaban ng karapatan dahil sa maaaring maalis sa trabaho kung may pagrereklamo sa pamamahala.  Si Julio Madiaga ay maprinsipyo sa simula pero dala na rin ng mga kasamahan niya ay minabuting manahimik sa katiwalian. 

3.       PROSTITUSYON
a.       Si Ligaya Paraiso ang isa sa maraming babaeng biktima ng prostitusyon, tatlo sila na mula sa kanilang probinsya na nakumbinse ni Mrs Cruz.  Ikinulong siya ni Atek sa isang silid.    Sa kanya na ring salaysay ay nakaririmarim na tanawin ang kanyang nakikita niyang sinasasaksakan ng morpema ang mga babae para ito ay masugapa at kung ano-ano na ang ipinagagawa katulad ng pagpapasayaw sa kanila nang nakahubad.  
b.      Sa matinding pangangailangan ng pera ni Julio Madiaga ay napilitan na rin siyang ikalakal ang kanyang sarili sa isang bakla sa Maynila na naghahandap ng panandaliang-aliw.   Sa simula ay bantulot ang lalake pero sa huli ay napapayag na rin ng isa ring nagpapagamit.

4.       EDUKASYON
a.       Inilahad din sa pelikula na mahalaga ang edukasyon sa pag-alpas sa kahirapan.  Ang karakter ni Imo na naging kaibigan din nilang Julio ay nagsisikap na makatapos sa kanyang pag-aaral.  Nagkaroon siya ng determinasyon na kung makatapos siya sa pag-aaral ay ito ang magiging kalasag niya sa pagkakaroon ng masaganang buhay.

5.        MAY MGA TAONG MABUTING PUSO
a.        Bagaman naging bahid masama ang imahe ng Maynila pero may mga tao pa ring mabubuting puso.  Nandodoon na ng minsang siya ay hinimatay sa gutom pero iniabot ng huli ang kanyang baon para maisalba si Julio.  Pinatuloy ni Atong si Julio sa bahay nito at ipinakain sa kabila ng kanilang pagiging mahirap.

6.       PAGIGING TAPAT NA MANGINGIBIG
a.       Napadalhan ng liham ang magulang ni Ligaya Paraiso sa probinsya mula kay Mrs. Cruz na nagsasabing tumakas si Ligaya at ito pa ay nagnakaw sa kanya ng alahas.  Ikinabahala iyon ni Julio kung kaya’t kagyat siyang nagtungo siya ng Maynila.  Sa kanyang pananatili sa Maynila ay may mga babaeng nang-aakit na mapunuan ang posibleng tawag ng kanyang laman pero hindi niya ito tinangkilik.  Naroong inalayan na sana ng isang babaeng maaari niyang maikama pero hindi pa rin siya pumayag dahil para sa kanya kay Ligaya lamang niya ipagkakaloob ang buo niyang pagkatao.  

7.       ANG IMAHE NG MAYNILA
a.        Sa kabila ng kaunlaran ng nasabing lugar ay nagbabadya pa rin ang kapahamakan sa Maynila.  Ang Liwanag ay tumutukoy sa mga pag-unlad katulad ng mga nagtatayugang mga gusali maging ang mga imprastruktura.  Sadyang may ipinagbago na ang Maynila pero sa kuko nito ay ang mga kapahamakan sa mga nasa Maynila.   Mula sa simple at payapang buhay ni Julio sa probinsya ay binago nito ang kanyang buhay dala na rin ng pinagdaanan niya sa Maynila katulad ng pagkagutom,  pagpapakahirap para lang magkapera,  katiwalian,  pagtulog kung saan-saan,  pangungulila at pagdanas ng pagka-api.  Siya ngayon ay naging mabalasik at naging mapanganib.  Inilagay niya sa kanyang mga kamay ang batas sa pamamagitan ng pagpatay niya kay Atek dahil sa kanyang matinding galit sa ginawa ring pagpaslang sa kaisa-isang babaeng minamahal.   

Linggo, Enero 24, 2016

Patayin sa Sindak si Barbara - Muling-sulyap sa Sine-pinoy Klasik


Kuha ang larawan sa google
Si Barbara (Lorna Tolentino) ay mapagmahal sa kanyang nag-iisang kapatid na si Ruth (Dawn Zulueta).  Lahat ng mga ninais ng nakababatang kapatid ay pinagbibigyan ni Barbara tanda ng pagpapahalaga nito sa kapatid.  Minsan nakatagpo niya ang isang lalake na si Nick (Tonton Gutierrez) na nagkataon namang natitipuhan din ng nakakabatang kapatid nito na winika ng huli na kikitilin ang sariling buhay kung hindi mapapasakanya ang lalake.  Ginawa ni Barbara ang lahat para lamang mapagbigyan ang hiling ng kapatid kahit kapalit nito ay kabigatan ng kanyang puso dahil ninanais din niya si Nick.  Dala na rin ng pagmamahal ni Nick kay Barbara ay pinagbigyan niya ang nais nito na ligawan at mag-iisiang-dibdib sila ni Ruth.
    Sa hangaring mabigyang laya ang dalawang ikinasal, matutunang ibigin ng lalake si Ruth at mabaon sa limot ang nararamdaman ni Barbara ay minabuti niyang mangibang-bayan sa Estados Unidos pero siya pa rin ang sinisigaw ng damdaming iniwanan sa Pilipinas.  Ginimbal pa rin siya ng kanyang mga alaala nang makaabot ang balita sa kanya na nagpakamatay ang kapatid nito sa kadahilanang iniisip nito na niloloko siya ng lalaking kanyang pinakasalan.  Kita ng dalawang mata ng kanyang anak na si Karen (Antoinette Taus) ang pagsasaksak nito sa kanyang sarili ng isang kapirasong basag na salamin sa may dakong tiyan. Nagbalik si Barbara sa Pilipinas para ipagluksa ang pagpanaw ng kapatid.  Dito unti-unti ng natutuklasan ang kahiwagaan ng pagpapakamatay ng kapatid.      
                Natuklasan ni Barbara na sumangguni si Ruth sa isang black magic na nagbigay-linaw sa kanya na ang pagkakaloob ng kanyang kaluluwa sa kapangyarihang itim ay siyang tutulong  sa kanya para makabalik at makaganti sa mga taong nang-aapi sa kanya’t nagdulot ng pait ng kanyang puso.  Lalong lalo na ang babaeng gustong ipagpalit sa kanya ng kanyang bana.  Minsang sumapi ang kaluluwa ni Ruth sa manika at minsan din sa anak na si Karen. Natulungan si Barbara ng esperitistang nagbulid kay Ruth sa kapangyarihang itim pero idinulot din nito sa kanya ay ang pagkabawi ng kanyang buhay.  Sa bandang huli ay munting ng ikapahamak ni Barbara ng makumbinse siya ni Ruth na sumama sa kanya sapagkat ayaw ng huli na mapag-isa dahil malungkot.  Kitang-kita ni Barbara ang nagliliyab na apoy na larawang impyerno’t may sumisigaw ng mga kaluluwang sinusunog pero nailigtas siya ni Nick nang itinalon niya ang sarili at si Ruth sa impyerno. 
               
Kuha ang larawan sa google
           Ipinakita sa karakter ni Ruth ang pagiging makasarili.  Lahat ng ninanais nito ay gustong makuha kahit ang kapalit nito ay ang pagpaparaya ng ibang tao.  Hindi iyon isang magandang larawang dulot ng pag-ibig dahil ang tunay na kahulugan ng pag-ibig ay maganda at malinis.  Sa simula pa lang ay hindi na maganda ang ipinakita nito sapagkat nagkakaroon ito ng kundisyong delusyon at minsan nagbanta na ito na papatayin ang sarili sa oras na hindi mapapasakanya ang lalaking hinahangad.  Ang pag-ibig kailanman ay hindi hinihingi at nililimos kusa itong ipinagkakaloob na walang kundisyon.  Dahil likas sa tao na gustong maging malaya ay hinanap ni Nick ang kanyang sarili at kaligayahan sa pamamagitan ng pakikipagdaupa sa ibang babae at paghahangad na masisilayan pa rin si Barbara.  Ipinagkaloob na sana ni Ruth kay Nick ang makapagpapaligaya sa kanya kahit pagsasama nila ni Barbara sapagkat ang totoong nagmamahal ay ikakasiya nito ang ikaliligaya ng kanyang minamahal.  Maaari sanang makahanap pa si Ruth ng lalakeng karapat-dapat sa kanya at hindi nalagay sa kasamaan ang kululuwa nito.  Ang pagiging masama ng isang taong dumanas ng pag-ibig ay kailaman hindi nagiging masamang tao dahil sa pag-ibig kundi sa pagiging makasarili nito o ang tinatawag na ego.




Huwebes, Enero 14, 2016

Isang Suring-pelikula sa Dinampot ka lang sa Putik

Larawan ng salitang Putik ang pagiging malagkit, mabaho, at madumi.  Karamihan sa atin ay ayaw ng putik lalo pat kung mabahiran tayo nito ay siyang maglalagay sa atin sa hindi kaaya-ayang sitwasyon.  Metapora ang Putik sa Kwento ng Pelikulang Dinampot Ka Lang sa Putik na pinagbibidahan ni Maricel Soriano sa katauhan ni Malou.  Si Malou ay dating nagkaroon ng isang kasintahan na nadawit sa isang iligal na gawain na siya ring naging ama ng kanyang anak sa isang probinsiya.  Dulot na rin ng kawalang kaayusan ng kanilang pagsasama ay minabuti ni Malou na lisanin ito kapiling ang anak at nagtungo ng Maynila.  Samu’t saring kalbaryo ang kanyang pinagdaanan sa buhay katulad ng muntik na siyang gahasain ng apo ng kanilang tinitirhan.  Nakapagtrabaho siya sa isang karendarya na nakaranas din siya ng pang-aapi sa may-ari at sa anak nito nang minsang itinago niya ang tira-tirang pagkain para sa kanyang anak.  Hanggang sa makilala niya si Edmond (Christopher de Leon) nang minsang maisama siya ng kaibigan nitong nagdala sa kanya para magtrabaho sa isang klab para may maipambabayad para makalabas ang anak na nasa-ospital.   
Mula sa kaputikang sinadlakan ni Malou ay unti-unti siyang iniaahon ni Edmond sa pagpapadanas nito sa babae ng marangyang buhay na dinadanas niya.   Ipinakilala siya ng lalake sa mga alta sa ciudad nitong mga kaibigan na halos ikinabago ng kalagayan ng pagkatao ni Malou.  Kailangan niyang maging class din sa tingin ng iba kaya pinag-aralan niya kung paano umasta ang isang taong may pinag-aralan katulad ng pagsasalita nang mahusay sa Ingles.   Magkagayunpaman,  lumalabas pa rin ang pagiging matapang at palabang babae si Malou na walang sinasanto kapag inaagrabiyado ang pagkatao nito.  Sa tuwing may mang-aapi sa kanya ay sinusuklian rin niya ito ng kanyang kabangisan katulad ng pagsisigaw at pananampal.   Sa kabila ng pagkagusto ni Edmond sa babae at madalas na pagpapatawad nito sa mga pagkakamaling ginagawa ay nais naman ng kapatid (half sister) nito na si Gemma (Charo Santos) hiwalayan ang sinundan at si Samantha (Maritoni Fernandez) ang pilian niya.  Kinausap ni Gemma at Samantha ang bilanggong minamahal ni Malou na si Ambet.  Pumunta ito sa tahanan ng babae upang mabawi ang anak at suyuin si Malou pero buo na ang loob ng babae na hindi ito makikipagbalikan at hindi ipagkakaloob ang anak.   Hindi nagtugmpay sa balak si Gemma at si Samantha sa kanilang ninais na agawin ni Ambet si Malou at ang anak nito kay Edmond.  Sa halip ang pangyayari iyon ang siyang dahilan na mapatay ni Samantha si Ambet ng aksidente ang huli ng matamaan ito ng bala at siya niyang ikinasawi.  Samantalang payapa naman nagpakasal at nagsama sina Ambet at Malou.
Inilalarawan ng pelikula ang kahirapan sa buhay na minsan kahit alam mong mali ang isang gawain pero ginagawa mo pa rin para lang may maipakain ka sa pamilya at anak.  Pinasok ni Malou ang pagsasayaw sa bar kahit mabigat sa kalooban nito at maaaring ikapapahamak niya ang ganoong klaseng gawain lalo pa’t kung sino-sinong mga lalake ang kanyang nakakasalamuha.    Makaminsan,  ang mga nasa syudad ay nanamantala rin sa mga taong nasa probinsya.  Si Malou ay kamuntik ng magahasa ng apo ng may-ari ng tintirhan nilang bahay ng kanilang anak.  Ikalawa’y ang panglalait at pang-aalipusta na kanyang dinanas mula sa mga may-ari ng karinderyang pinasukan.  Dahil sa pagmamahal ni Edmond ay naiahon nito ang pagkasadlak ni Malou sa putik sapagkat di nampot niya ito at nilinis.  Sa pag-ibig, minsan mahirap wariin kung bakit ka nakadama ka ng pagmamahal sa isang tao kahit may nakikita kang hindi maganda sa kanya.  Taglay na ni Samantha ang ganda at talino pero kahit anong pilit niya na mapa-ibig ang lalake pero ay tila mailap pa rin ito sa kanya.  Samantalang sa isang hamak na probinsiyana at  mal-edukada tumibok ang kanyang puso.  Nagmahal nang totoo si Edmond dahil hindi na kinikilala nito ang mga maling nakikita ng kanyang isip sapagkat sumasamo naman sa kanyang puso ang pagpapatawad sa mga pagkakamali sa tuwing gumagawa si Malou ng hindi maganda.  Pinatunayan ito sa kanyang mga pananalikta na  "Sa pagmamahal kung higit kang nagbibigay, higit mong matatamo ang kaligayahan." Sa pag-ibig din ay walang makakahadlang basta’t handa ang bawat isa na ipaglaban ito.  Ayon sa din sa pahayag sa kanilang poster:  YOU CAN’T PUT A DAMN GOOD WOMAN DOWN!