Lunes, Abril 6, 2015

11 Kaparaanan sa Pagkakaroon ng Masayang Buhay



Marami sa atin ang sa kabila ng mga kayamanan, karangalan, katanyagan, kaibigang nakapaligid at mga bagay na taglay na natin ay hindi pa rin makuha ang maging masaya sa buhay.  Minsan kahit marami na tayong pera at nakukuha na natin ang ating gusto sa buhay pero tila bakit kulang pa rin.  Sadya nga bang hindi kayang ipagkaloob ng pera ang hinahanap nating kahulugan ng kaligayahan.  Ang pagkakaroon din ng karangalan at katanyagan minsan sa atin ay nagbubunga ng kaligayahan pero sa kabila nito, may mga tao pa rin na nalulungkot sa buhay.   Nagkakaroon ng depresyon at minsan nakagagawa ng mga bagay na hindi naaayon sa kagustuhan ng Diyos.  May mga pagkakataon din na sa kabila ng pagkakaroon natin ng maraming kaibigan ay tila sa oras ng mga pagsubok ay nararamdaman natin na tayo ay napag-iisa lamang.  Kahit ang mga bagay na tinatamasa natin ay hindi pa rin nabubuo sa atin ang totoo at tunay na kahulugan ng salitang kaligayahan. Maaaring sila ay mga bahagi lamang sa kabuuan ng tunay na magpapaligaya sa isang tao pero ang kaganapan ng kaligayan ay pagsasapuso sa mga sumusunod na hakbang.
Mahalin ang sarili.  Hindi mo pwedeng ipagkaloob sa iba ang pag-ibig kung ikaw mismo ay wala nito.  Ikanga sa isang awit, learning to love yourself is the greatest love of all.  Hindi mo pwedeng ipagkaloob sa iba ang anumang wala ka.  Kailangang mahalin muna ang ating sarili bago ang iba. Maipapadama mo sa iyong sarili ang totoong pagmamahal kung nagkakaroon ka ng pagkontrol sa iyong sarili kawangis ng mga hindi paggawa ng mga bagay na makakasira sa iyo.  Kabilang na rito ang pagkakaroon ng bisyo na kadalasan nakapagdudulot sa atin ng mga karamdaman.  Maituturing rin na pagmamahal sa sarili ang paghubog ng mga magagandang asal at pagkakaroon ng respeto sa sarili.  Ano man ang iyong naging nakaraan at kung sino ka man sa kasalukuyan, ikaw ay nararapat pa rin sa salitang pagmamahal.  Kaya sabihin mo rin na mahal mo ang iyong sarili.
Akitin ang mga positibo. Nabubuo ang iyong pagkatao sa mga salitang iniipon mo sa iyong isipan. Kung mga salitang tanga, bigo, kahihiyan, walang pag-asa, at lungkot ang mga namumuwatawi sa iyong kaisipan sa lahat ng panahon ay maaaring tatanggapin ito ng iyong sistema bilang isang katotohanan.  Ang mga salita o mga kaisipan ay para itong ibon na lumilipad sa ating ulo, hindi natin maiiwasan na lilipad-lipad sila pero nasa sa atin pa rin kung hahayaan natin na makagagawa sila ng pugad.  Nangangahulugan ito na ang mga negatibong kaisipan at mga salitang pwede nating ipasok sa ating pag-iisip ay pwede nating piliin.  Kaya iminumungkahi na anumang hindi makakabuti para sa iyong sarili ay iwaksi ito at tanggapin lamang iyong makatutulong sa pagbubuo ng iyong pagkatao.  Sa halip, sabihin mo sa iyong sarili na ikaw ay may hitsura, malusog ka, mabait ka, matalino ka, magaling ka at napakabuti mong tao.  Ito ay sasabihin mo sa iyong sarili hindi bilang panloloko kundi pag-akit ito sa mga positibo. Sa kadahilanang dinikta ito ng iyong pag-iisip ay susundin ito ng iyong buong pagkatao.
Magkaroon ng Positibong Pananaw. Tanggapin ang katotohanang ang mga nangyayari sa buhay ay naipagkaloob ng Diyos na pawang may mga kadahilanan.  Ang pagkakaroon ng pananaw na positibo sa bawat pangyayari sa buhay ay may kabutihang dulot na nararapat taglayin ng isang tao.  Kapag ang isang tao ay nagkakaroon ng problema ay dapat niyang isipin sa buhay na ito ay pansamantala lamang.  Kaya ang pagkakaroon ng tiwala at mataas na pansariling ablidad na lahat ng mga problema, na ito ay may katapusan ay isang magandang katangian.  Mahalagang nauunawaan mo na ang bawat karanasan sa buhay ay may kaakibat na kabutihan din.  Katulad ng isang ginto ang tao kapag madalas na maidarang sa init ay nagiging matatag, nabubuo at nagiging ganap ang isang tao. Ang ginto kapag mas naibabad sa apoy ay mas lalong lumalabas ang kanyang pagiging puro.
                Tumawa.  Ang buhay ay magiging kaaaya-aya kung ito ay hindi mo sineseryoso. Huwag mong gawing kumplikado ang mga bagay na maaari namang ipaliwanag sa simpleng paraan o wala nang kapaliwanagan.  Tanggapin na lamang ang katotohanan na sadyang may mga bagay tayong nakikita at nararanasan na hindi na natin mababago.  Tumawa ka.  Nakagagamot ng mga karamdaman ang madalas na pagtatawa. Ayon nga sa isang pag-aaral ang pagtawa ay nakapaglalabas ng kemikal sa utak na tinatawag na endorphins. Pinagtitibay nito ang kakayahan ng isang tao na labanan ang mga pait na pinagdadaanan niya.  
                Paligiran ang sarili ng mga taong positibo.    Repleksyon ng iyong pagkatao ang kinabibilangan mong grupo.  Minsan kung naging kabilang ka sa mga taong walang pagpapahalaga sa kaalaman na sa halip ay bisyo ang pinagkakaabalahan tiyak na iyon din ang magiging prayoridad.  Matuto sa karanasan ng mga taong negatibo pero huwag iugnay ang sarili sa kanila pero hindi ito nangangahulugang huwag silang kaibiganin.  Magkaroon ng mga kaibigan sa buhay na may positibong pananaw.  Maaari mong iwasan ang mga taong magdudulot sa iyo ng sama ng loob.
                Mag-ehersisyo at Kumain nang masustansya.  Isang mainam na hakbang sa pagkakaroon ng masayang buhay ay ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan.  Ang kalusugan ay isang kayamanan dahil kapag ang isang tao ay may karamdaman tiyak hindi niya magagampanan nang maaayos ang kanyang mga gampanin at tungkulin.  Nakatutulong ang pag-eehersisyo sa pagpapawala ng stress, nakakagaan ng pakiramdam, nilalabanan nito ang mga karamdaman, at nakapaglalabas ng mga kemikal sa utak na makatutulong pagkakaroon ng masayang pakiramdam at pagiging relaks.  Ngunit, hindi sapat ang pagkakaroon ng ehersisyo, mainam din ang pagkain ng masustansyang pagkain katulad ng inirerekomendang prutas at gulay.  Sa pangkalahatan,  ang pagkaing ito ay nakatutulong para makaiwas sa mga karamdaman katulad ng sakit sa puso,  kanser,  at iba pa.  Likas kasi sa mga gulay at prutas ang kababaan ng taba at calorie kaya mainam ito sa kalusugan. Mainam ang mga gulay at prutas na hindi pinatubo sa mga kemikal dahil ang kemikal sa katawan ay marami ring negatibong dulot.
                Maging mapagbigay at matulungin.  Asahan mo na anumang iniaabot mong tulong sa iyong kapwa ay babalik ito pagdating ng araw sa iba’t ibang kaparaanan.  Dahil ang batas ng buhay ay nagsasaad na anumang idinulot mo sa iyong kapwa ay siya ring daranasin mo.  Ang pagtulong sa mga totoong nangangailangan ay may malaking impluwesiya sa pagkakaroon ng masayang buhay.  Ang pag-abot ng abuloy sa isang matanda daan ay nakapagdudulot ng kasiyahan sa taong nag-abot.  Higit na nagiging masaya ang nagbibigay kaysa sa binibigyan. 
                Magpatawad.  Ilang tao na rin ang nabuhay sa mundong ito at sila ay namatay na walang kapatawaran sa kanilang mga puso.  Walang taong naging ganap na masaya na hindi nagkaroon ng pagpapatawad sa kanilang kapwa na nagkasala sa kanila.  Mainam na magpatawad.  Sa pagsilang ng isang sanggol ay waalang sama ng loob ang ipinadala ng Diyos nito.  Pahiwatig lamang ito na kanyang paglisan sa mundong ito ay hindi niya ito isasama sa kanyang pagkabaon sa lupa.  Maiiwasan lamang ito sa pagpapatawad.  Madaling sabihin ang salitang pagpapatawad dahil wala tayo sa kalagayan ng mismong ginawan ng kasalanan.  Pero ang batas ng buhay ay nagsasabi na walang taong naging ganap na masaya na walang kapatawaran sa kanyang puso.  Tanging magagawa na lamang ng taong nagawan ng kasalanan ay ipagdasal ang kanyang sarili na magkaroon siya ng kapayapaan sa sarili at ang taong gumawa ng kasalanan ay matuto sa kanyang pagkakamali.  Minsan kailangan din natin ang pag-unawa sa iba dahil kaya sila nakagagawa ng pagkakamali sa atin ay mayroon din silang hindi kaaya-ayang naging karanasan sa kanilang buhay. 
                Sumubok ng mga panibago sa buhay.  Minsan tayo ay nagiging kuntento sa anumang nakagisnan na natin.   Sapat na sa atin ang gumising sa bawat araw at kumain.  Pumasok sa trabaho.  Umuwi at matulog. Buhay na nakakaumay.  Mainam na tayo ay gumalugad, sumiyasat at sumubok ng mga bagay na sa atin ay panibago.  Kumalas na sa komportableng kinalalagyan, sa comfort zone at tumuklas ng panibago.  Huwag limitahan ang sarili.  Kung hindi mo pa naranasan na tumalon sa isang matarik na bangin patungo sa naghihintay na ilog.  Bastat alam mo na ligtas ka naman, gawin mo. Kung hindi mo pa naranasan na umarte sa entablado dahil natatakot ka, magpatala sa isang klase na nagtuturo ng pag-arte.  Kung mailap para sa iyo ang pagkakataon na makapagsulat ng mga tula, sanaysay, maikling kwento at iba pa, subukin mo ito at ipaskil sa isang blog.  Tiyak na makapagdudulot ito sa iyo ng kaligayahan.  Minsan saka lamang natutuhan nang maigi ang isang bagay kapag kusa na natin itong dinanas.   Kapag nadanas na natin at inuulit-ulit na natin ay napagtanto natin na madali naman pala.  Ang esensya ng buhay ay ang paglago.
                Maging masaya at matuto sa mga pagkakataon.  May mga tao na nagiging masaya lamang sila kung mas komportable sila sa mga taong nakakasama nila. Bagaman personal ito na bagay. Pero nangangahulugan din ba na kung panibago ang mga taong nakakasama mo ay hindi ka na magiging masaya.  Kundisyon ng pag-iisip ang kaligayahan sa buhay o pagiging masaya.  Minsan ang pagrereklamo natin sa mga nangyayari kahit sa maliliit na bagay ay nakapagdudulot sa atin ng hindi magandang emosyon.  Katulad ng paggalit at pagka-inis. Ang pagiging trapik sa daan karaniwan ay nakapagdudulot sa atin ng pagka-irita minsan sinisisi natin ang pamamalakad ng batas trapiko.  Kung tutuusin may mga ganitong sitwasyon na hindi maiiwasan talaga.  Sa halip na maging galit ka bakit hindi mo nalang tanggapin sa iyong sarili na mahuhuli ka sa trabaho hindi dahil sa pagkakataon ng trapik dahil maaari mo sanang naiwasan kung maaga kang gumising.  Ang hindi magandang panahon, minsan ikinagagalit natin. Hindi saklaw ng tao ang iwasan ang pag-iba-iba ng panahon.  Ang mga taong positibo ay tinitingnan ang positibong aspekto sa lahat ng panahon.  Maging masaya ka na lamang sa halip at damahin mo ang pagiging maginaw ng panahon.  Hindi mo rin dapat ikalungkot kung minsan hindi naaayon sa inaasahan ang nangyayari.  Katulad ng kayo ay nagkaroon ng isang trip sa isang isla at kailangan mo pang pumila para sa bilyete para makasakay sa isang gabara.  Ang positibong tao ay ikasisiya ang ganung karanasan kasi nasa mga ganitong pagkakataon dadanasin mo ang totoong pakikipagsapalaran.  
                Magkaroon ng magandang ugnayan sa Diyos.  Isang katotohanang hindi mapapasubalian.  Ang tanging dumadakila sa Diyos ang mga taong higit na nagkakaroon ng kapayapaan sa sarili.  Mahirap ang pagsunod sapagkat may mga bagay na makapagpapasaya sa isang tao pero kailangang isakripisyo.  Kabilang na diyan ang pag-iwas sa makamundong layaw.  Minsan may mga tao na walang-wala sa buhay pero masaya sila sa kanilang buhay  dahil batid nila na sila ay nakakakilala at sumusunod sa batas ng Diyos.  Batid nila na anumang oras ay maaari ng bawiin ng Nagpahiram ang kanilang buhay at handa na sila sapagkat tiyak nila na ang naghihintay sa kanila ay magandang paraiso.  Nagigiyahan ang buhay ng isang taong kumikilala sa Diyos mula sa kabatirang nakukuha  niya sa pakikinig, sa pagbabasa ng banal na kasulatan. Isang kakilala ng umakda nito ay umabot sa edad na 100,  ang ina ng sumilang sa kanya  ay nasa edad na 93 na buhay pa rin hanggang sa mga sandaling ito. Isa sa mga sekreto nila ay ang buhay na iniaalay sa pananampalataya at paglilingkod sa Diyos.
                Ang kaligayahan ay kundisyon ng pag-iisip at kusa itong pinipili.  Bagaman naging negatibo ang iyong pamilyang kinabibilangan, ang kundisyon ng paligid mo ay hindi naging kaaya-aya at naging masaklap man ang naging karansan mo sa buhay, hindi mo pwedeng isisi sa kanila ang naging kalagayan mo sa buhay mo ngayon sapagkat sa kahulian, ikaw pa rin ang nagdadala ng sarili mong buhay at kung anuman ang nangyayari sa iyo ngayon ay kusa mo itong pinili.  Ang mga nabanggit sa itaas ay maaaring hindi angkop para sa iyo o may kakulangan, tungkulin mo na iyon sa iyong sarili.  Hayaan na lamang na sila ay magiging gabay sa iyo para sa pagtamo ng higit pang kaligayahan sa buhay.
                   

 
                    




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento