Linggo, Abril 5, 2015

Ang Buhay ay Isang Paglalakbay

Ang buhay ay isang paglalakbay na puno ng pait, sakripisyo, pagdadalamhati, kaligayahan at pag-asa. Nabibigyang pagpapakahulugan natin ang buhay na katulad ng isang gulong na minsan nasa ibabaw, minsan naman sa ibaba. Ang gulong na iyon ay hindi maaaring maglakbay sa isang daan na banayad lamang patungo sa kanyang patutunguhan. Sapagkat inaasahan na tayo ay makararanas ng lubak-lubak na daan na susubok sa ating katatagan. Katulad ng gulong ang buhay natin ay haharap din sa iba't ibang pagsubok na hindi natin alam kung anong klaseng daan ang naghihintay na mararaanan. Maaaring banayad sa simula pagkatapos ay maging malubak sa kalaunan. Isa lamang ang ating pinanghahawakan, kontrolado natin ang ating buhay anumang pagsubok ang ang ating kinasasadlakan.
      Mangilan-ngilan lamang sa atin ang may gusto sa pagsubok dahil karamihan sa atin ay tumatalikod nito. Ayaw natin ng pahirap sa buhay lalo pa at alam natin na may mga pagsubok na tayo lamang mag-isa ang kakaharap.  Nahihirapan tayong makibaka sa mga pagsubok at nararamdaman natin napagsasakluban tayo ng langit at lupa.  Sa kunting nararanasan nating pagsubok ay unti-unti tayong pinanghihinaan ng loob. Para bagang sinasabi natin sa ating sarili na mas mainam pa na hindi tayo nabuhay. Na pinakamainam na magagawa ay ang mawakasan ang buhay. Ngunit hindi natin namamalayan ang pagsubok palang iyon ang nagdadala sa atin sa isang buhay na may kahulugan at kabuluhan.  Maaari ngang tayo ay nadadapa sa ating daan pero kung agad naman tayong tumayo at natuto mula sa pagkakadapa ay magigiyahan tayo sa wastong landas na tatahakin. Hindi natin namamalayan na isang malaking biyaya ang ating pagkakadapa lalo pa't ito ay nagiging paaralan para sa atin. Naisasaisip natin na tunay nga na ang buhay ay isang paaralan maraming bagay ang naituturo sa atin na hindi mababatid sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan.
      Sa ating paglalakbay iba't ibang sitwasyon ang ating kinakaharap maaaring ito ay masaya, maaari rin namang malungkot. Malungkot kung may isang tao na mawawala sa buhay natin lalo pa't tayo ay nakatitiyak na hindi na maaaring ibalik ang dating samahan. Masaya kung nakakapiling natin ang mga mahal natin sa buhay. Pero sa mga bagay na ito, kung paano natin kinaharap ang mga sitwasyong iyon ay  siyang makakapagdetermina kung anong klaseng buhay ang naghihintay para sa atin. Kung ang mahal natin sa buhay ay magpapaalam na nangangahulugan bang pagsakluban tayo ng langit at lupa. Kung tayo ay nabigo at ang ating pangarap ay naabot  nangangahulugan bang katapusan na ng mundo. Hawak natin ang ating buhay. Dalawa lang ang tangi nating magagawa. Maaaring tayo ay magpatali sa mga masamang nangyari at isiping wala ng pag-asa. Na hindi na maaari pang mabago ang lahat at kamatayan na lamang ang hihintayin natin. O pipiliin natin na ang pagsubok na iyon ay pansamantala lamang at kailangan lamang nating kakaharapin dahil alam natin na ito ay may hangganan. Ika nga sa linya ng isang awitin: Just behind the darkest clouds, you will find the sun still shining.  Hindi naman sa lahat ng panahon tag-ulan. Hindi sa lahat ng oras makulimlim. Hindi rin natin namamalayan na sa pagbabago ng panahon na ito nagiging  ganap ang ating pagkatao. Mas nagiging masaya dahil iba-iba ang ating nararanasan na siyang nagpapatingkad sa kulay ng buhay. Kaparang ng isang paru-paro ay dumaan muna siya sa iba’t ibang yugto bago siya nagkaroon ng pakpak. Ang buhay ay isa ring metamorposis may sinusunod na yugto hindi mo pwedeng ipilit ang bagay na gusto mo dahil hindi pa panahon. Katulad sa buhay mas maraming pagsubok na nalalampasan mas nagkakaroon ito ng kulay at nagiging ganap ang pagkatao. Lalo pa't taas noo nitong nalampasan ang mga pasakit na pinagdadaanan sa buhay.
        Ang mga taong nakikilala natin sa ating buhay ay hindi aksidente. Hindi sila aksidente sapagkat malaki ang papel na kanilang ginagampanan kahit ang pinagbilhan natin ng asin sa tindahan, ang batang ating nilimusan at ang taong nakilala natin sa loob ng barko. Itinadhana sila ng Diyos na ating makilala dahil bahagi sila ng kwento ng ating buhay. Hindi magiging ganap ang wakas ng istorya ng ating buhay kung hindi natin sila nakasalamuha at walang gumanap sa papel ng tauhan na magbubuo sa kwento. Maswerte na lang tayo kung nakakasama natin sa mataas na panahon ang mga taong ating nakikilala. May mga tao naman kasi na pansamantala lamang ang papel na ginagmapanan nila sa ating buhay, na nakakasama natin sila sa maikling panahon dahil iyun lang ang papel na pinagampanan ng Diyos sa kanila. Magkagayunpaman, ang mahalaga nag-iwan sila ng mabuting bakas sa ating puso at pagkatao. Ang aral at karanasan natin sa piling ng taong iyon ay mananatiling buhay sa ating alaala hanggang sa ating huling hininga. Katulad ng mga taong pansamantalang nakakasama natin ang ating buhay, may hangganan. Ngunit ang mga bagay na ito ang nagbibigay sa atin ng lakas para ipagpapatuloy ang ating paglalakbay sa mundong ibabaw.  Maaari nating balikan ang nakalipas at alalahanin na ang taong ito ang nagturo sa atin ng kahulugan ng buhay. We can remember the wonderful moments with that person. 
         Ang mga taong nakapaligid ay makapagbibigay sa atin ng payo kung ano ang tama at kung ano ang mali pero tayo pa rin ang magdedesisyon sa ating buhay. Kinakailangan pa rin nating gawin kung ano sa tingin natin ay mabuti at magpapasaya sa ating sarili. Hindi dapat tayo magpatali sa mga karanasang hindi kaaya-aya sa halip ay hawiin natin sa alaalang iyon ang mga aral na maaaring maging sandata sa ating paglalakbay. Sundin natin ang sigaw ng ating damdamin. Sabihin natin ang gusto nating sabihin at gawin  ang gusto nating mangyari hangga't wala tayong inaapakan, sinisira at sinasaktang ibang tao dahil paminsan-minsan wala na tayong ikalawang pagkakataon na sabihin at gawin ang mga bagay  na sana'y ginawa natin sa unang pagkakataon pa lamang. Tandaan lamang nating hindi dapat i-asa ang kaligayahan sa ibang tao. Kung hindi ka kayang tanggapin ng isang tao dahil iba ka sa kanila, marahil na rin sa katangian mong kakaiba at gusto nila na baguhin ka. Wala ka dapang ipangamba, hindi lahat ng tao ay ganoon ang iniisip. May mga taong kaya kang tanggapin anupaman ang iyong pagkatao.
            Ang ibang tao ay kariringgan natin sa pahayag na “ang buhay ay isang paglalakbay, i-enjoy mo ang takbo nito”. Ngunit kadalasan ay ang mga tao ding ito ang nagsasabi na hindi na sila masaya sa kanilang buhay, pero kung sila ay nagtatamo ng maraming pera, na-promote sa trabaho, nakakuha ng mataas na marka ang anak, ay nagbabago ang takbo ng buhay at nagiging masaya sila ulit. Dapat isaisip ng bawat tao na ang panahon para maging masaya ay sa panahong ito at ang oras upang lumigaya ka sa bawat hakbang na binubuo mo sa iyong isipan ay hindi bukas, kundi ngayon.
            Direksyon ang tagumpay at hindi siya destinasyon. Huwag mong tingnan ang tagumpay bilang nag-iisang pangyayari o resulta sa halip tingnan mo ito bilang panghabambuhay mula nung ikinintal mo sa iyong isipan ang malinaw na larawan na ikaw ay magtatagumpay  sa lahat ng mga adhikain. Ilarawan mo sa iyong isipan ang buhay na gusto mong mangyari at ipagpauloy ang paglalakbay hanggang sa iyong huling hininga. Ituon mo ang iyong sarili sa magandang pananaw mo sa buhay, magbabago ang iyong buhay, magkakaroon ka na ng direksyon at titingnan mo na ang mga pagsubok, balakid, hadlang, tagumpay, kasiyahan at pagtatamo sa ninanais bilang bahagi ng iyong paglalakbay. Ang mga ito ay magiging mahika mo sa pagpapaunlad mo sa iyong pagka-indibidwal, habang ikaw ay naglalakbay sa pagpapahusay sa sarili at kakaibang kalidad ng buhay. Hindi ko rin sinasabi na wala ng problemang darating sa buhay. Pero kung titingnan mo ang mga problema bilang pagsubok magiging magaan ito sa iyo. Mararamdaman mo ang katatagan, kahinahunan at hahanapin mo sa mga pangyayaring iyon ang gintong kaalaman na nais ng Diyos na iyong matutuhan. Ang buhay naman ay isang harmonious balance ng positibo at negatibo, kung paano ang buhay natin umiikot at ang direksyon na ating dinaraanan ay nakadetermina kung paano natin hinarap angpareho. Ikanga: Life is 10% what happens to you and 90% how you react to it.
             Sa huli, lahat ng mga nangyayari sa buhay  ay nangyari dahil sa may kadahilanan. Hindi mo sa malalasap ang kaligayan sa buhay kung hindi pagdadaanan ang kaakibat nitong pait. Maidagdag pa ang pahayag ni Matute na " Iyon lamang nakararanas ng lihim na kalungkutan ang nakakikilala sa lihim na kaligayahan". Nagiging matatag tayo sa kasalukuyan dahil sa ating mga naging karanasan sa ating paglalakbay ito man ay masarap o masaklap. Ang mga tao at karanasan na ating nakasasalamuha at napagdadaanan sa ating paglalakbay ay siyang naging daan para maabot natin kung sino man tayo sa kasalukuyan. kaya huwag manimdim sa halip ay magpakatatag sapagkat ang buhay ay isang paglalakbay.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento