May mga
pagkakataon na hindi tayo nagiging ganap na maligaya sa ating buhay dahil sa
mga suliraning kinakaharap natin o sa mga pangyayaring hindi naaayon sa ating
kagustuhan. Minsan ang nakakasama natin
sa buhay o maging mga taong nakakasalamuha, na sa halip ay makapagdudulot sa
atin ng kaligayahan pero sila pa ang nagiging pabigat sa atin. Marami sa atin ang hindi gaanong nakararanas
ng totoong kaligayahan dahil sa mga karanasan nating hindi naging kaaya-aya sa
ibang tao. Mga taong gumawa sa atin ng
masama, na nag-iwan sa atin ng pilat na hanggang sa kasalukuyan ay dala-dala pa
rin natin at hindi makakalimutan. Marami
rin sa atin ang hindi pa nakakawala sa isang karanasan na hindi lang pait na
alaala ang iniwan kundi masasabi pang kasiraan sa ating buong pagkatao. Maaaring ang sakit na iniwan nila ay buhat sa
mga salitang sinabi, emosyonal na aspeto
o di naman kaya ay sa ating pisikal na pangangangatawan. Ang karansang ito ang siyang nagiging hadlang
upang tayo ay ganap na maging masaya.
Sa mga
depinisyon, ayon sa isang positibong
sikolhiya na mananaliksik na si Lyubomisky, binanggit niya na ang pagiging
masaya ay nakararanas ng pagkagalak, pagkakontento, at postibong pagkatao
kaakibat nito ang pagkakaroon ng magandang buhay, makahulugan at may kapakinabang. Maidagdag pa ang paliwanag ng Wikepedia na
ang kaligayahan ay kalagayan ng mental o emosyonal na pagkatao na
nangangahulugan sa positibo o kaiga-igayang emosyong sumasaklaw sa
pagkakontento hanggang sa marubdob na kaligayahan. Sa dalawang depinisyong naibahagi, ang
pagdanas ng kagalakan at pagkakontento ay kadalasang nababanggit. Maaaring ipinapahiwatig nito na ang pagkaroon
ng negatibong emosyon katulad ng pagkalungkot, pagdadalamhati, pagtitiis ay
hindi nagdudulot ng kaligayahan. Maging
ang paghahangad ng labis o hindi pagkakontento sa anumang mayroon ka ay di din
nagbubunga ng kaluwalhatian sa atin.
Kung emosyon ang pagbabatayan sa pagkakaroon ng maligayang buhay, nangangahulugan lamang ito na hawak natin ang ating
personal na kaligayahan sa buhay. Maaari
nating magamit ang mga sumusunod na hakbang sa pagkakaroon ng positibong
katauhan at maligayang buhay.
Ang pagiging masaya ay tanda ng pagiging
matalino. Kapag ang isang tao ay
mahusay sa pagsasalita, pagkakalkyula, paglutas sa mga mahihirap na konsepto at
maraming parangal ay iniuugnay natin ang salitang katalinuhan sa kanya. Sa kabila ng katotohanang ito, marami pa rin sa atin ang nagkakaroon ng iba’t
ibang klaseng hindi maipaliwanag na karamdaman dulot ng matinding pag-iisip at
stress na kung hindi naaagapan ay nauuwi depresyon, kanser o maging sakit sa puso. Ayon kay Dyer Ang isang batayan ng katalinuhan ay kung
napananatili mong maging masaya ang iyong sarili sa anumang sitwasyon. Kahit sa mga sitwasyong nahihirapan ka ay nagkakaroon
ka pa rin ng ngiti sa iyong pisngi at naiiwasan mo pa rin ang mga salitang
pagkalungkot, pagkabagot at iba pang mga negatibong salita. Gaano
man kalaki ang problema na pinagdadaanan mo ay nararapat na nagiging positibo
ka na ito ay mayroong hangganan at pansamantala lamang. Hindi mo rin pwedeng sabihin na ang
kaligyahan ay matatamasa mo lang kapag walang suliranin na susubok sa iyo
katauhan. Ang batas ng buhay ay
nagsasabi na bahagi ng iyong pagkalalang ang katotohanang daranas ka ng mga pangyayaring
susubok sa iyong katatagan na maghuhulma sa iyong pagkatao.
Dikta ng isip ang anumang iyong nadarama. Ang anumang nadarama ng isang tao ay nakasalalay
sa dikta ng kanyang pag-iisip. Ang iyong
pakiramdam ay reaksyon sa kung ano ang idinikta ng iyong pag-iisip. Ang pagkawala ng iyong minamahal ay maaaring
isang katotohanang kaganapan ngunit ang nagdudulot ng matinding kalungkutan
nito sa iyo ay ang dikta ng iyong isip na maaaring hindi ka na makakakita ng
taong katulad niya o ng taong iyong minamahal. Na maaaring ang pagkawala niya ay habambuhay mo
na ring pagkalungkot at pagdadalamhati. Kahit
sa sitwasyong ikaw ay nalait ng ibang tao na maaaring sa gumawa nito sa iyo ay
isa lamang biro pero ito ay may malalim na naidulot sa pagkatao mo. Sumama ang iyong loob. Gusto mong maghiganti. Hindi ka makatulog. Ang mga ito ay bunga lamang ng dinidikta ng
iyong kaisipan at ang iyong emosyon na nadarama ay reaksyon ng iyong katawan sa
sitawasyong iyong pinagdaanan. Sa medaling
salita maaari mongkontrolin ang iyong pag-iisip sapagkat pagmamay-ari mo naman
ito. Kaya, kung kaya mong kontrolin ang iyong
pag-iisip, ang anumang nararamdaman mo
ay bunga ng iyong pag-iisip sa madaling salita kaya mo ring kontrolin ang
anumang iyong nararamdaman.
Makapangyarihan ang mga salita sa iyong
isip. Bawat salita na ipinapapasok mo sa iyong pag-iisip ay
may kapangyarihang taglay.
Kapangyarihang maaaring sisira o bubuo sa iyong pagkatao. Ayon sa pag-aaral ni Oswald maaaring hatiin
sa dalawang kategorya ang mga salita na maaari mong ipasok sa iyong isipan. Ito ay ang mababang enerhiyang mga salita
(low-energy words) at mataas na enerhiyang mga salita (high-energy words). Ang mababang enerhiyang mga salita ay
tumutukoy sa mga salitang negatibo na ipinapapasok natin sa ating
kaisipan. Minsan ang mga salitang ito ay
tinatanggap nating totoo o ating pinaniniwalaan, depende sa pagtingin natin sa ating
sarili. Kabilang na diyan ang pagsabi mo
sa iyong sarili na bubo ka sa Matematika,
wala akong kakahayahang maging mahusay na tagapagsalita o di naman kaya
ay habang buhay na akong magiging mahirap.
Maaaring ito ay paniniwalaan mo sa iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay
sa mundong ito. Pero, maaari din naman
na baguhin mo ayon sa ididikta ng iyong kaisipan. Nangangahulugan na kaya mong baguhin ang iyong
pag-iisip na sa halip ay mga negatibong salita ay mapapalitan mo ng mga
positbong salita depende sa iyong kagustuhan.
Anumang mayroon ka na hindi umaaayon sa gusto mong mangyari sa buhay mo
ay maaaari mong palitan. Kung gusto mong
maging kalugod-lugod ka sa pananaw ng iba, isipin mo sa sarili mo na mahusay
ka, na magaling ka, at nakawiwili kang kasama.
Hahawakan ng iyong pag-iisip ang kaisipang ito bilang totoo at dahil ito
ang iniisip mo lalabas ito sa iyong pagkatao. Sa katotohanang pinaniniwalaan mo ang mga
salitang ito sa iyong kaisipan lalabas na ikaw ay magiging isang positiong tao
maging sa paningin ng iba. Maging
repleksyon ang pananaw ng iba sa iyo ayon sa pagtingin mo sa iyong sarili.
Mamuhay sa kasalukuyan. Maaaring ang iba sa atin ay nakaranas ng
hindi maganda o kaaaya-aya. Nariyan ang
mga taong nakaranas ng pananakit ng iba katulad ng mga magulang o ng mga taong
nakapaligid sa kanila. May mga tao ring
hindi pa makaharap sa panibagong buhay dahil sa mga maling desisyon na nagawa
sa saarili katulad ng maagang pagkabuntis o hindi naman ay hindi pag-aaral nang
mabuti. Hindi nagiging madali sa kanila
ang paglimot sa magandang alaalang pinagdaanan kaya nagiging mahirap din para
sa kanila ang maging masaya sa buhay. Kung
gusto nating maging ganap na masaya, mainap na maging bahagi na lamang sa ating
alaala ang mga nakalipas. Ang mahalaga
ay ang kasalukuyan. Sanayin ang sarili na alisin ang kaisipan sa mga nakalipas
o sa hinaharap kung hindi kinakailangan.
Maaaring ang mga nagdaang alaala ay isipin pakaminsan pero kunin na
lamang ang aral sa mga hindi magaganda at hanggat maaari ay tuluyan na itong
ibaon sa limot. Kung ang pag-iisip naman
natin sa hinaharap ay makapagdudulot sa atin ng satispaksyon at kaligayahan, mainam na alalahanin, pero kung kung
masaklap, pagkabalisa at ang dulot nito pag-aalala o pagdadalamhati, mainam na
ibahin ang iniisip. Kung dadalhin ka sa
iyong sikolohikal na oras o sa iyong mga nakalipas, siguraduhin mong ibalik ang iyong kaisipan sa
kasalukuyan sapagkat ang buhay mo ay ngayon at hindi ang kahapon. Ang
kahapon ay bahagi lamang ng kasalukuyan. Paghandaan mo ang bukas pero ipaubaya
mo sa natural na batas kung ano ang ipagkakaloob nito sa iyo. Aani ka naman ng kabutihan kung naitanim mo
namang ay mga makabulihang bagay sa kasalukuyan. Samsamin ang bawat Segundo ng iyong buhay at
namnamin ito habang nabubuhay ka pa sapagkat hindi mo na maaaring ibalik ang
ngayon bukas. Magkaroon ng pagkalugod sa
kasalukuyang panahon.
Hindi mo kailangan ang pagsang-ayon ng iba. Minsan hindi tayo sinasang-ayunan sa
ating mga napiling desisyon at klase ng buhay na ginusto. May ibang tao na hindi natutuwa sa atin sa
anumang sa tingin natin ay tama at nagpapaligaya sa atin pero taliwas sa
kanilang kagustuhan. Minsan sa
kagustuhan natin na hindi makasakit ng iba o mapalagay ang iba ay mas
ipinagkakanulo natin ang ating sariling kaligayahan. Masarap ang palakpak, papuri, at maging
paghanga ng iba pero kung ito ang nagiging batayan para ganap tayong maging
masaya ay hindi na rin nakakatulong sa ating personal na paglago. Kailangan iyong maalis sa ating buhay kung
nagnanais tayo ng kaganapan sa sarili. Hindi
dapat naisasakripisyo ang ating sarili batay sa opinyon at kagustuhang mangyari
ng iba sa ating sarili. Ang ating halaga
kapag inilalagak sa iba, at kung hindi
sila sumasang-ayon sa atin ay pakiramdam natin na parang wala na rin tayong
saysay. Iyan ang naibubunga sa panahong
iniaasa natin ang sarili sa pagsang-ayon o aprubal ng iba. Minsan
nagiging daan ang pagsunod natin sa kanilang gustong mangyari sa atin para tayo
ay magamit o mamanipula. Hindi dapat sinasang-ayunan din ang mga pahayag
sa mga awitin na may pagkakahawig sa mga sumusunod: di ko kaya pag nawala ka, mamatay ako kung iiwan mo ako at paano ako
kung wala ka na. Sapagkat nangangahulugan ito na ang pagkawala ng isang tao ay
katapusan na rin ng buhay ng isang taong nagmamahal sa kanya. Nilalang ka sa mundong ito na nag-iisa,
ibabaon ka rin sa lupa nang nag-iisa sa oras na lalagutan ka na ng Diyos sa
iyong hininga. Hindi dapat iniaasa ang kaligayahan sa iba. Pinakamainam na paraan ay maging konektado
lamang sa iyong sarili at gamitin ang sariling imahe bilang kasangguni at tiyak
na mas tatanggapin ka nang buong-buo ng ibang tao. Ang hindi pagtanggap ng iba sa iyo ay isang
patunay na tayo ay nabubuo nang may pagkaka-iba-iba sa sansinukuban. Huwag mong asahan na magugustuhan ka ng lahat
ng mga taong nakapaligid sa iyo.
Sa kabuuan,
maaari nating ibahagi ang tula ni Henley sa Invictus na I am the captain of my fate; I am the captain of my soul. Nangangahulugan lamang ito na hawak natin ang
ating buhay gayundin ang ating kaligayahan at kailanman hindi sa ibang tao
nakasalalay ito. Samakatuwid, dahil tayo ang may hawak nito, nakasalalay rin
sa atin ang kaayusan at kasiraan at maging ang kasiyahan at kalungkutan. Mayroon tayong kakayahang pumili at pumanig
sa masama at mabuti. Kung gusto natin
itong maging negatibo o maging malungkot maaaring panghahawakan natin ang mga
salita sa ating isipan na makakasira o makakapagdala ng kalungkutan sa ating
sarili. Ang mga masasamang alaala at
karanasan ay maaari rin natin hahayaan na mangibabaw sa ating isipan at
dahandahang dudurugin nito ang katinuan ng ating pag-iisip at sisirain nito ang
kapayapaan ng ating pagkatao. Pero walang
matalinong tao ang nagnanais na gawing miserable ang kanyang buhay. Nakasalalay ang lahat sa iyong personal na
pagpili kung saan mo gustong dalhin ang iyong sarili maaaring sa kasamaan o
kabutihan maging sa kkalungkutan o kasiyahaan. Naway piliin mo ang huli.
Sanggunian:
Dyer,
W. (1977). Your erroneous Zones.
Broadway, New York. Avon Books.
Oswald,
Y. (2008). Every word has power. New
York. ATRIA Books.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento