Mula sa bahay ng isang kaibigan minabuti kong humingi sa kanyang mga nagyayabungang halaman na makabali ng isang sangang may mga dahon para maitanim ko sa aking hardin. Pagdating ko mismo sa bahay ay agad ko itong itinanim at diniligan nang sa ganun ay mapaaga ang pagtubo, lalo pa’t alam ko na ang halamang iyon ay makapagdaragdag ng kagandahan sa aking hardin. Ilang araw ang lumipas ay pansin ko na ang ibang halaman ay tumubo na sa mga pahiwatig na sa sanga nito ay mayroon ng mga mumunting dahon. Samantala, ang iba naman ay parang lumalaylay. Tanda ito ng kanilang pagkamatay. Habang dinidiligan ko ang mga iyon ay unting namuo sa aking isipan na maliban sa pagkakaiba ay marami palang pagkakatulad ang halaman at ang tao.
Sa katunayan, hindi nga sila nalalayo sa bawat isa sapagkat sa ganang sarili kapwa sila nangangailangan ng pagkalinga mula sa ibang tao upang tumubo, yumabong at nang mapakinabangan ng iba. Upang mabuhay, ang halaman ay nangangailangan ng tubig, hangin at araw. Gayundin naman ang tao, nangangailangan ito ng masustansiyang pagkain para manatili ang kalakalasan ng katawan para harapin ang pang-araw-araw na gawain at pagsubok. Pareho silang hanggat maaari ay pangalagaan ng ibang tao at mahalin para sila ay tumubo nang may katiwasayan at kaayusan.
Sa kabila ng mga ito masasabi ring ang halaman at ang tao ay maraming pagkakaiba. Sadyang sa ating paligid ay may mga halaman na kusang tumutubo na walang pag-aaruga na natatanggap mula sa tao. Salat sa pagmamahal na sa isang tabi ay naghihintay na maibsan ang uhaw mula sa pagsisipsip ng tubig sa ulan at minsan ay nakababad sa matinding sikat ng araw na hindi alintana na maaaring ito ang maging mitsa ng kanilang pagkamatay. Ang tao naman bagama’t may mga sandali na napag-iisa pero ito mabubuhay na nag-iisa sapagkat kailangan nitong makihalubilo sa iba para sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan at personal na pag-unlad. Batay na rin sa kantang, walang sinumang nabubuhay para sa kanyang sarili lamang at kasabihang, walang tao na isang isla.
Magkaiba rin ang tao kapag sila ay nasasaktan. Ang halaman kapag ito ay nabali dahil nasagi o kusang binali ng isang tao, hindi nito maipagtatanggol ang kanyang sarili mula sa gumawa sa kanya. Sa kabilang banda, ang tao kapag nasaktan may mga sandali na siya ay gumaganti sa kanyang kapwa na maaaring higit pa sa anumang kanyang dinanas na pang-aapi. May pagkakataon na kahit sa patayan ay handa niyang suungin magamot lamang ang kanyang galit na nadarama. Ang tao rin kapag naaapi at nayuyurakan ang kanyang dignidad maaari niyang ipagtanggol ang kanyang sarili. Di katulad ng isang halaman na tanggap na niya sa kanyang sarili ang katotohanang hindi siya makagaganti at maghihintay na lamang kapag ang kalikasan na ang magdidikta.
Ang halaman walang sariling pag-iisip. Kung saan siya itinanim ay doon na siya tutubo. Dalawa lamang ang kanyang kahihinatnan, maaaring aalagaan siya ng tao o siya mismong lalaban sa mga susubok sa kanyang pagtubo. Hindi siya makakapili. Hindi siya katulad ng tao na may rasyunal na pag-iisip na maaaring makapili sa kabutihan at kasamaan. May kalayaan, ikanga. Kaakibat ng pagmamahal ng Diyos sa kanya ang pagkakaloob sa kanya ng sariling pag-iisip na inaasahan ng Diyos na sa kabutihan siya dapat pumanig. Dahil sa pagiging makasarili at sobrang pagsunod sa layaw ay nasasadlak sa dilim. Ang halaman kapag mali ang napagtatamnan hindi na maaaring makalipat pa kundi kailangan na niyang ipagpatuloy ang buhay hanggang sa mabawian siya nito. Samantala ang tao naman, aasahan mong sa tuwing nagkakamali siya maaari pa niyang magbago ang kinalalagyan sa buhay sa pamamagitan ng pagtuwid sa anumang paglihis na nagagawa niya. Maaari pagsisihan ang anumang mali na kanyang nagawa at mapapatawad pa rin siya ng Maykapal dahil likas na sa Diyos ang pagpapatawad. Hindi tumitingin ang Diyos sa anumang maling nagawa ng isang tao. Ayaw lamang ng Diyos na gumawa ang isang tao ng pagkakasala dahil nakawangis ito sa kanya at ang Diyos ay walang bahid na dumi ng pagkakasala. Ang sinumang maglalagay sa pagkakasala sa mga winangis sa Kanya ay nagiging dahilan upang mahiwalay ito at makadarama ng katuyutan sa kaluluwa.
Hindi maikakaila na ang halaman at ang tao ay marami rin ang pagkakatulad. Kawangis ng halaman ang tao. Katulad ng mga halamang nakapipinsala. Mga halamang matitinik na kung hindi ka nag-iingat ay maaaring ikaw ay masugatan. Katulad ng mga tao, may mga taong animo’y mabait sa iyo pero sa iyong pagtalikod ay unti-unti ka ng sinasaksak sa iba pang mga tao. May mga halaman na sinisipsip ng kanyang mga gamot ang sana ay pampawid uhaw ng ibang halaman. Ito ay yaong mga taong hindi magiging masaya kapag ikaw ay nagtatagumpay o hihilain ka pababa lalo pa at nakikita nila na umaaangat at lumalago ang iyong pagkatao. Sa kabilang banda may mga halaman namang nakagagamot at nakatutulong. Ito ay yaong mga tao na walang ibang iniisip kundi kabutihan sa kapwa. Mga halaman na may pakinabang sa lipunan. Katulad ng mga taong handang tumulong, may mabuting loob at may pagmamalasakit sa kapwa. Kahit buhay ay ibubuwis para lang sa kapakanan ng iba.
Aasahan mong ang isang halaman na kapag naitanim sa isang matabang lupa tiyak na ito ay tutubo din na mayabong. Ang isang tao naman kapag sa simula pa ng kanyang pagkabata ay nakaranas ng pagmamahal at pag-aaruga tiyak na lalaki din ito ng may katiwasayan. Lalaki itong may takot sa Diyos. May pagmamahal na handa niyang ibigay sa kanyang kapwa tanda ng pagkilala niya sa Tagapaglikha. Ang tao ay kapwa nangangailangan ng tubig, hangin, pagkain at tagapag-alaga para ito ay tutubo nang maayos at may pakinabang. Sapagkat, ang isang tao na nagmula sa isang masama o maling pamilyang kinagisnan maaari niya itong dadalhin hanggang sa pagtanda lalo pat walang makapagbibigay liwanag sa kanya.
Pagdating ng unos, ang halaman ay nakikibaka rin. Kapag siya ay maulanan o hindi naman kaya ay madatnan ng napakalakas na hangin, ang tanging magagawa ng halaman ay magpapakatatag sa abot ng kanyang makakaya nang sa ganun ay hindi siya mababali at ang kanyang mga tangkay. Ang tao rin, kailangang magpakatatag sa buhay katulad ng halaman. Anumang pagsubok sa buhay ay kailangan niyang isipin na ang dinaranas niya ay bahagi na ng kanyang pagkatao upang ito ay magiging ganap at mas maghuhulma sa kanyang pakikipagrelasyon sa kanyang Tagapaglikha. Iisipin lamang niya na ang kalikasan ay hindi nagakakaloob ng unos na walang katapusan. Katulad ng problema, walang pagsubok na walang kadahilanan at walang katapusan. Ito ay katulad ng unos o bagyo na dumadaan lamang.
Sa huli, dahil kapwa nagmula sa lupa, sa lupa rin ang kahihinatnan. Ang halaman ay umusbong mula sa lupa, katulad ng tao ay hinulma ng Diyos na mula rin sa lupa. Maaaring sa mga sandaling ito ay masagana ang dahon na makikita sa isang halaman at may mga bulaklak. Napakaganda sa paningin at napapakinabangan. Pagdating ng araw, kapag babawiin na ng Diyos ang pinahiram niyang buhay ay ang lahat ng mga kayamanan, kasaganaan, katungkulan, karangyaan at karangalan ay iiwan ng tao sa ibabaw ng lupa at mananatili na lamang itong alaala samantalang katulad ng halamang nalanta at namatay ang tao ay unti-unting pipinuhin ng panahon sa piling ng mga uod ang iniwang katawan ng tao na nakabaon na sa kaluunan ay magiging isa na ring ganap na lupa. Habang ang kaluluwa nito ay nakipag-ulayaw pa sa katotohanang maaaring walang katapusang kaligayan o sa walang katapusang pagtitiis mula sa napakakapal na apoy. May kalayaan ang taong pumili habang siya ay nabubuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento